July 10, 2011

Christmas Chocolate - Part VI

..assignment sa Pan Pil 17. Sobrang tinamad kasi akong gawin sa kadahilanang magsasalin lang naman ako. Pero okay na rin yung nangyari sa discussion namin sa klase dahil hindi ako tinawag ni Sir U. Pakiramdam ko, medyo idol ko na rin si Sir U kasi ang cool niya lang maging prof. Hindi ko alam kung kinakabahan talaga ako sa kanya pero ang gaan-gaan ng feeling ko simula noong narinig ko kung paano magsalita ang prof namin sa Pan Pil 17. Chill lang ang feeling, hindi masyadong nakakabaliw at nakakasunod naman na lahat ng estudyante. Makikinig naman lahat kasi hindi patapon ang binibitawang mga banat ni Sir U. Akmang-akma sa aking mga tenga yung mga naririnig ko, walang lumilitaw na awkward moments sa tuwing magpapatawa at pinapasigla niya ang aming mga diwa, parating may sense at malulupit ang kanyang mga tanong at parating na lang may back-up na mga tanong, at back-up para sa mga back-up na tanong. Nagpaiwan si Sir ng assignment na gumawa ng isang sariling comic strip. Baka magsulat na lang ako ng kung anong mga stick figure na nasa loob ng bus. Hindi nga pa pala tayo nagkikita o magkikita ngayong araw na ito kasi hindi naman TTh yung sked ng Geog 1 natin. Mabuti na lang at may nag-invite sa'yo at hinugot naman ako ni Ate Hazel sa Life Part ng SOD. Nakapagkita pa ulit tayo kahit na hindi tayo magkatabi sa buong Life Party. Okay na rin siguro iyon kasi matagal naman na akong hindi nakakausap ng mga classmate ko last year. Sobrang kaunti lang ng mga kaibigan ko last year. Hindi ko nga alam kung mami-miss ko talaga sila pero matutuwa ako kung makita nila ako ulit at makita ko sila. Napepeste ako kapag hindi ako pinapansin kapag may binabati ako sa kanila. Pagkatapos ng nasabing event, inilibre tayo ni Ate Abby sa Mcdo. Pagkatapos magkuwentuhan at kumain sa Mcdo ay bumalik na tayo ng UP. Siyempre kahit anong mangyari, gugustuhin ko pa ring maglakad tayo nang sabay papunta sa ating mga boarding house.

Sa wakas at huling araw na naman ng pesteng linggo. Nakakasabik umuwi kasi wala akong last period at sabay tayong uuwi. Nagkita muli tayo sa shed at naglakad papuntang Ilang. Hindi pa nakalalayo ay may namataan na tayong maluwag na jeep pa-MRT. Nahirapan nga lang tayong sumakay at bumaba ng tren dahil sa nakikipagsiksikan na ang mga tayo. Paglabas mo pa nga ng tren e bigla nang tumunog ang alarm, senyas na magsasara ang mga pinto. Buti na lang, sa dami ng mga tao, marami nang nakadikit at pumipigil sa magkabilang pintuan. Nakalabas pa ako matapos makipaggitgitan sa mga taong akala mo'y mamamatay kapag natulog sila nang isang gabi sa Ayala Station. Suwerte dahil nakasakay agad tayo ng bus at maluwag pa! Kaya lang ay inunahan mo akong umupo malapit sa bintana. Sa lakas ng aircon ay nahirapan ka tuloy mag-text at nanlamig ang iyong kamay. Hinawakan ko ang iyong kaliwang kamay hindi lang dahil sa gusto ko lang mahawakan ang iyong kamay kundi para masigurado nga kung totoo ang sinasabing mong malamig nga ang iyong kamay kahit na alam ko sa sarili kong lalamig ang iyong kamay. Nagsimulang mag solemn low five ang ating mga kamay nang paulit-ulit hanggang sa magkahawak-kamay na ulit tayo. Isinandal mo na ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat at natulog na ako. Pagmulat ko ng aking mga mata, napansin kong nakatingin ka pa rin sa bintana. Mukhang hindi ka natulog kahit na buong araw mong sinasabi sa aking inaantok ka na. Nakarating naman tayo sa Metropolis nang maayos at nakakain ka pa ng pakiramdam ko'y hindi masarap na hotdog. Matapos maghintay muli sa iyong kapatid ay sumakay na tayo ng jeep. Sabay tayong naglakad pauwi at nagpaalam pagsapit ng kantong lilikuan ninyo.

July 9, 2011

Violet - Part V

..mapa kaya natulog akong muli. Nagising naman ako nang tama sa oras at madaling inihanda ang aking sarili. Nagtungo muna ako sa Coop pero walang mapa ng Pilipinas. Panay mapa ng Asya at mundo ang nakita ko. Matapos maghanap pa kahit na alam ko sa sarili kong tatlong beses ko nang paulit-ulit na sinuri ang mga hawak-hawak kong mapa, dumiretso na ako sa SC. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nakabili ako ng malaki, makulay at malinaw na mapa. Dahil tinatamad akong ilagay sa aking coin purse ang parteng barya ng aking sukli mula sa pagbili ng lecheng mapa at tinamad akong maglakad papuntang CAL ay sumakay na ako ng Katipunan na jeep. Umabot naman ako sa oras ng klase. Matapos mag-discuss ng kung ano ang aming prof at mag-iwan ng assignment ay pinalabas na kami. Wala na akong pakialam kung ano pa ang mga sumunod na nangyari. Pagkatapos ng aking huling klase ay lumabas na ako malamang ng aming kuwarto ng Arki 1. Unang-una sa lahat, masaya ako paglabas ko ng kuwarto kasi sabi ng aming prof na wala kaming klase sa Biyernes. Makakasabay na naman kita pauwi. Pangalawa, madadapa na naman ako sa aking daan pauwi kasi madilim ang daang tinatahak ko galing sa Arki. Pilit kong dinadaanan yung kahit gabi na kasi paliku-liko yung daan at wala sa kalsada. Bahala nang madapa ako, e umuulan pa noon. Bahala na ring may matapakang palaka at puddles. Dahil tinamad na naman akong maglakad pauwi at hugutin ang aking malupit na payong mula sa malupit kong bag ay sumakay na lang ako ng Ikot. Pangatlo, gusto na kitang makita ulit kahit na alam kong magkatabi tayo sa classroom ng Geog 1 noong mga oras bago sumapit ang aking huling klase. Habang nasa jeep pa lamang ay alam ko nang nasa Infirmary ka. Inisip kong magkikita pa ulit tayo kahit sandali lang. Buti na lang at may bibilhin ka sa Coop kaya doon na tayo nagkita. Hindi kita nakita sa 1st floor kaya malamang nakita kita sa 2nd floor. Matapos mong mabili ang iyong kailangan ay naglakad na tayo pauwi. Muli, hindi ko na naman maalala kung sino ang nagyaya pero ang naalala ko e kumain tayo ng siomai. Pagkaubos ng ating siomai ay umuwi na tayo sa kanya-kanyang mga boarding house.

Hindi ako mapakali. Gusto pa kitang makita pero may kailangan lang akong tapusin. Minadali ko na ang pagsasalin ko para sa Pan Pil 17 at pumorma na ng pang-jog. Naglakad na ako papuntang Acad Oval at pagdating ko sa tapat ng Kalay, nagsimula nang umambon. Hindi na ako nangahas pang ituloy ang aking pagtakbo kaya bumalik na lamang ako ng boarding house at tinext ka kung puwede ba tayong magkita. Hinubad ko na ang aking rubber shoes at lumabas muli ng boarding house. Sinabi kong magkita tayo sa kantong malapit sa track oval pero nakita ko sa iyong mga text na nasa kabilang kanto ka napadpad - ang cute. Nagsimula nang lumakas nang kaunti ang patak ng ambon pero hindi ko na ito inisip. Nahiya lang ako nang kaunti nang makita kitang may dala-dala pang reading para sa iyong major. Inasar na lang kita at sabay na tayong naghanap ng upuan sa track oval. Hindi ako natutuwa sa mga upuang punong-kahoy kasi masakit sa puwet pero iyon na lang pinili ko para sa atin kasi malapit lang sa kanto. Ayaw ko nang palakarin ka pa nang malayo. Umupo na tayo at nag-kuwentuhan. Wala akong makitang bahid ng pag-aalala, galit o hiya sa iyong boses. Pakiramdam ko masaya ka rin at nagkita tayo. Lumakas pa lalo ang buhos ng ulan at binuksan mo ang payong mong hindi ko alam gamitin. Sa patuloy na paglakas ng ulan, unti-unting nagdikit ang ating tagiliran... hanggang sa iniyakap ko na ang aking kaliwang braso sa likod mo... Kinabahan ko kasi baka tanggalin mo agad ang aking braso pero nakahinga naman agad nang maluwag nang nagpatuloy ka pa rin sa pagdaldal sa akin. Papalapit na nang papalapit ang oras ng iyong curfew pero paulit-ulit mong ipinaaalala sa aking ayaw mo pang umuwi kasi ayaw mo pang mag-aral. Hindi ko maintindihan sapagkat may dala kang readings, tapos ayaw mong mag-aral? Lumampas ka ng 30 minutes sa iyong curfew at nagulat ako dahil inabot pa tayo ng isang oras sa track oval nang nag-uusap lang at kinaya ng aking puwit ang parusa ng madaliang pagpili ng mauupuan. Sabay na tayong naglakad pauwi, nagkukuwentuhan pa rin at nagpaalam nang muli sa isa't isa pag-abot sa ating bahay. Nakatanggap ako ng mensahe mula sa'yo paghiga ko sa aking kama - ikaw ay nagpapasalamat sa aking pagyakap. Ang awkward man ng pagkakasabi ko rito, hindi ko maikakailang nasiyahan naman ako at napasaya at napagaan ko ang iyong pakiramdam. Naastigan na naman ako sa mga nangyari para sa araw na ito bago matulog sa napakalupit kong kama.

Paggising ko ng Huwebes ng umaga ay kinakabahan na naman ako para sa aking..

You Betrayed Your Self - Part IV

..CAL. Sa wakas, at malalaman ko kung tama ang mga pinagsususulat ko sa papel ko. Nagtawag ang aming professor kung sinu-sino ang gumawa ng reaksyon para sa dokyu ng El Dorado. Itinanong na rin niya ang mga nagsulat para sa Cultures of Resistance at iba pang mga natirang dokyu, saka sila igrinupo. Doon pa lamang sa pagtatanong ay napagtanto kong mali nga ang aking ginawa dahil sa lahat ng napanood kong dokyu ay nasulatan ko ng reaksyon, pero hindi na rin ganoon kabigat sa pakiramdam sapagkat nang tinanong ni Sir kung sino yung mga masisipag na hindi marunong sumunod sa kanyang mga panuto ay marami naman kaming mga nagsitaas ng kamay. Ngiting-ngiti talaga ako kasi buti na lang hindi kami pinagalitan at ayaw kong mapagalitan sa araw na iyon. Ayaw kong masira ang aking araw dahil sa isang pesteng reaction paper. Ayaw kong masira ang aking araw kasi hindi pa kita nakikita. Matapos ang brainstorming na naganap sa bawat grupo, hiningi na ni Sir ang aming mga papel. Laking gulat ko naman nang tawagin ang akin pangalan, hindi dahil sa sobrang lupit ko magsulat kundi dahil malupit ang ginawa ko kay Sir.

Sir U: Tabilin, sa susunod ah (sabay pakita sa harap ng klase ang aking papel na wala man lang pagkakahati ng mga talata at nasa 9 pt na font sabay react ng mga kaklase kong nakakita). Sa susunod.. ha-


Ako: Sir, hindi niyo po ba nababasa? (Sana sumang-ayon na lang ako sabay ngiti. Bakit ba hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagtanggol ng mga bagay na iniharap at alam ko namang mali?) Sir, gusto niyo po bang magpasa ako next meeting ng mas mala-


Sir U: Hindi, hindi. Makinig ka ah. Dapat-


Ako: Sir, lalakihan ko po. Akin na po para maba- (tumahimik na ang klase)


Sir U: Hindi. Makinig ka. Dapat smooth. Smooth ba yung ginawa mo?


Ako: ... (puwede na'kong mamatay sa katahimikang ginawa ng mga kaklase ko na tila pinagtitripan na nila ako) ...


Sir U: Tabilin?


Ako: Hindi po.


Sir U: Sa susunod smooth, ah?


Ako: Opo. Haha. (natawa talaga ako, sabay may ilan ding mga nakitawa)


Naging mapayapa man ang unang pag-uusap namin ng aking prof sa Pan Pil 17, hindi pa rin mawala ang galit ko sa aking sarili. Bakit ba kasi nasanay akong magsulat nang hindi naghahati ng talata? Pesteng blog. Pinalabas na kami ng room pagkatapos i-discuss ang mga napag-usapan ng bawat grupo tungkol sa mga dokyung kinalaglagan nila. Sobrang lakas ng buhos ng ulan noon pagdating ko AS. Buti na lang pagdating ko ng lobby, saka tinodo ng ulan ang kanyang pagbuhos. Tinamad kasi akong magbukas ng payong paglabas ko ng CAL. Matiyaga akong naghintay sa'yo habang nasa lobby. Inabutan ko na nga yung mga bagong isyu ng Kule. Ang tagal ko nang naghihintay, panay tingin na ako sa akin relo, nauubos na naman ang pag-asang makakapanood pa tayo sa oras, dahil sa pesteng curfew ng ibang boarding house. Sa wakas, ikaw ay nag-text na papunta ka na rin ng AS. Tumayo na ako mula sa aking kinauupuan sa may bandang gita ng lobby saka naghintay muli malapit sa harap ng main entrance ng AS. Lahat ng maaaring labasan mo ay inantabayanan ko, palakad-lakad, patingin-tingin sa aking cellphone at relo. Wala akong natatanggap na sumunod pang mga mensahe. Todo bantay pa rin ako sa mga posibleng daang makita kita. Matapos ang siguro'y 15 minutes pa e dumating ka na, sa wakas. Matapos sabihan ka kung gaano ka katagal (nang hindi naman ako galit), pumunta na tayo sa FC Shed. Wala tayong masakyang SM North Trinoma na jeep. Lalong lumubog yung puso ko, sa bawat minutong nasasayang, sa patuloy na pagbuhos ng ulan, sa bawat jeep na dumadaang puno kaya tinanong kita kung may jeep pa-Trinoma kapag bumaba tayo sa Philcoa. Sabi mo naman meron kaya Philcoa na jeep na lang ang sinakyan natin. Pagdating natin ng Philcoa, sumakay tayo ng FX na patungong Trinoma. Sa FX. Sa FX. Mabuti na lang at malawak yung FX na nasakyan natin. Dikit-dikit na ang mga sasakyan, at nasa Philcoa pa rin ang sasakyan natin. Patuloy ka pa rin sa pagsatsat, pero enjoy naman. Iba naman ang paksa kasi sinimulan mo naman ako ng mga design sa mga upuan at gusali. Tapos biglang..


..naiintindihan kong dad mo ang pinag-uusapan natin. Tapos hinawakan mo yung kaliwang kamay ko. Ang lamig ng kamay mo noong mga panahong iyon. Umakmang nag-holding hands ang ating mga kamay, saka mo pinisil-pisil ang aking kamay habang nagsasalita ng kung ano tungkol sa tibok ng puso habang nakatingin sa akin. Hindi ko na maintindihan yung sinasabi mo kaya kawalang kuwentahan na lang ang lumabas sa aking bibig. Naghahalu-halo na yung mga iniisip ko, wala na akong masabing matino, hawak-hawak ko ang kamay mo! Patuloy ka pa rin sa pagpisil at pagsabi ng kung ano tungkol sa puso hanggang sa nakarating na rin tayo sa Trinoma. Madali na tayong umakyat sa patungong sinehan. Mabuti na lamang at may isa pang showing na 10 minutes na lang ay magsisimula na at marami pang mga bakanteng upuan sa gilid na mga parte ng tanghalan. Bumili na tayo ng ticket at pumasok na tayo sa sinehan. Nang magsimula ang palabas, hindi na ako natuwa agad. Naramdaman kong magiging pangit ang istorya pero pinilit ko pa rin ang aking sarili na papanoorin ko nang buo ang Transformers 3. Abala na tayo bigla sa pag-away sa babaeng partner ni Shia. Hindi talaga tayo natutuwa sa kanyang accent at labi. Tapos biglang..


..tumalikod ako sa'yo at hindi ko na maalala kung bakit. Nagpahayag ka ng kaunting lungkot at pagpupumilit, saka mo kinuha ang aking kaliwang braso. Humarap naman akong muli sa screen at kumapit ka naman sa aking braso. Dumaan ang ilang segundo at ibinaba mo ang iyong kanang kamay sa aking kaliwa. Hinawakan mo ito nang mahigpit, saka pinisil-pisil, na naman. Buong pelikula tayong magkahawak-kamay. Sobrang ligaya ang naramdaman ko. Okay lang sa aking makatulog ako doon, kahit hindi na ako pumasok sa klase kinabukasan. Hindi ko sukat akalaing gusto mo rin palang hawakan ang aking kamay. Mabuti na lang may mga taong tulad mong kayang gawin ang mga bagay nang wala nang tanong at paalam, lalo na at natataranta ako kapag malapit ako sa crush ko. Masigla at nakangiti tayong umuwi, walang halong hiya sa ating pag-uusap hanggang sa paglalakad papalapit sa ating street. Nagpaalam na tayo sa isa't isa pagdating natin sa tapat ng iyong boarding house. Nakangiti kong ipinikit ang aking mga mata paghiga sa aking kama.


Nagising ako sa aking alarm kinabukasan. Mas maaga kasi ng isang oras ang aking isinet para sa araw na iyon. Kailangan ko kasing bumili ng mapa para sa Aral Pil 12. Napagtanto kong sandali lang naman ako bibili ng..

Ballpen - Part III

..Pan Pil 17. Matapos makapaghanda ng aking sarili at ibulsa ang aking pitaka at cellphone, pumunta na ako sa FI. Alam kong 9 magsisimula ang palabas pero pagdating ko doon nang mga 8:30 yata e nagulat ako sa sobrang haba ng pila. Mabuti na lang at madali kong nahanap ang pila ng bilihan ng ticket at buti na lang talaga at may ticket pa. Noon ko lang din nalamang napakalaki talaga ng sakop ng FI kasi dati, kaunti lang yung mga taong nakakasabay kong manood sa sinehang nabanggit, kaya maliit at chipipay pa noon ang tingin ko sa FI. Ngunit noong nakita kong ang haba-haba talaga ng pila papasok ng tanghalan, nakita ko ang istraktura bilang isang napakalaking gusali. Pagkabili ko ng aking ticket ay matagal kong hinanap ang dulo ng pila papasok. Sa simula ay akala ko nakita ko na ang dulong aking hinahanap ngunit nalampasan ko na pala at malapit lamang sa lugar na aking napagtanawan ng inakala kong dulo ang puwestong hinahanap kong patuloy pang nadadagdagan sa dami ng mga professor na nagpa-require ding magpapanood ng mga documentary films. Panibagong pila, panibagong oras na naman ang kailangan kong patayin para sa paghihintay. Mabuti na lamang at ka-text kita dahil sa unlimited ako for 5 days sa bagong sim ko na Globe. Mabuti na lang din at, napagtiyatiyagaan at nasasagot mo ang mga reply kong smiley lamang. Kahit na patuloy kitang inaasar at kinukulit ay sinusulit mo ang 80 pesos na ginastos ko para sa pesteng sim na hindi nakakakuha ng signal dito sa Cavite at mas mahal pa kumpara sa 60 pesos na ginagastos ko dati para mag-unli para sa isang linggo sa Smart. Hindi na rin masama.

Matapos lamunin ng napakakumportableng upuan ang aking puwet ay lumabas na ako ng FI, malamang. Halos tingin nang tingin na kasi ako sa aking relo at patuloy na nananalanging matapos na ang huling dokyung aming pinapanood. Balak kong ilagay ang aking reaksyon sa aking mga napanood sa mga susunod kong posts. Pagdating ko ng boarding house ay pagod na pagod talaga ang aking puwit kaya tinamad na akong magpalit agad bago humiga sa aking kama. Pinilit ko ang aking sariling makapagsulat agad ng takdang-aralin sa Pan Pil 17 para humaba-haba ang aking mga nalalabing oras ng Lunes na iyon. Sinimulan ko nang mag-type sa Word at buti na lang preskong-presko pa ang aking mga reaksyon sa mga napanood at nagtuluy-tuloy ang aking mga daliri sa paglikha ng mga walang kuwentang pangungusap. Binigyan kong lahat ng reaksyon ang napanood kong tatlong dokyu. Tinapos ko na ang aking huling pangungusap (isa sa mga parte ng compositions na hirap na hirap talaga ako kung saan nangunguna ang pamagat) saka humigang muli sa aking kama. Sobrang lupit kasi maya-maya lang ay bumuhos ang malakas na ulan: lalamig na naman ang aking kama at kumot. Hindi ko alam kung matutuwa ako kasi paboritong panahon ko para sa pagtulog ang pumalit sa pagod ng aking puwitang pupuwedeng nang magpumiglas sa pesteng upuang pinili ng aking puso o maba-badtrip lang ako dahil kung kailan ako magpa-print ng aking papel ay saka pumatak ang halos kumpol na ulang para sa aki'y nagpapapansin lang upang ipagpaliban ang puntong aking nais ipahayag sa pagnood ng pelikulang pinalabas sa pesteng Film Institute. Binayaan ko na lamang ang ulan at ipinikit ko na ang aking mga mata.


Malapit nang gumabi noon ngunit wala ka pa rin sa iyong boarding house dahil nanggaling ka pa sa bahay ng iyong classmate para, mag-scan. Nakahigang muli ako matapos makapagpa-print ng pesteng reaction paper. Nang sinabi mong papauwi ka na, bumangon na ako at nag-isip ng kakaibang palusot para makita kita para sa araw na iyon. Gusto talaga kitang makita, ewan ko. Okay na yung kahit saglit lang, datdatin mo lang ulit ako ng kung anu-ano. Ayaw ko yung nagtatanong sa akin kung anong nangyari sa akin sa isang araw o pinipilit akong magkuwento tungkol sa kung ano. Mas sanay at gusto ko yung dinudugtungan ko ang mga banat ng aking kausap, mas normal, mas malupit, mas okay. Binuksan ko ang aking filecase at nakita ko ang mga pesteng ballpen na nagpapahirap sa akin. Biruin mo, pagkabago-bagong mga ballpen, ayaw sumulat nang matino. Makakailang strokes pa ako bago pa tuminta sa papel. Nainis lang ako lalo. Kailangan kong bumili ng bagong ballpen. Ang paborito kong ballpen ay Pilot BS Fine, o kung ano man yan. Basta kapag nakakuha ako ng matinong picture siguro ipo-post ko na rin dito. Sobrang diin ko magsulat kaya masaya na ako sa mga mapapayat na mga ballpen. Dumudulas kasi yung kanang kamay ko kapag matabang ballpen yung.. Tsaka sino bang natutuwa sa mga matatabang ballpen? Mga bata lang matutuwa sa mga ganon kaya sa lapis lang dapat ginagamit ang design na nasabi. Tinanong kita kung may kailangan kang bilhin sa SC. Hindi ko na nahintay ang reply mo kaya bumaba na ako ng boarding house at nagsimula nang maglakad. Buti na lang at dinala ko ang aking cellphone at paulit-ulit akong tumitingin kung nag-reply ka na. Sinabi mong hindi ka sigurado kung may bibilhin ka pero sasama ka pa rin sa aking pagbili ng mahiwagang ballpen. Mabuti na lang din dahil kahit sa paglakad ay tamad na tamad ako kaya hindi pa ako umaabot sa SC ni sa kanto ng ating street nang matanggap ko ang iyong sagot. Matiyaga akong naghintay sa'yo. Syempre, natuwa na naman ako noong nakita kita. Sabay na tayong naglakad papuntang bilihan ng ballpen at ayon, bumili ako ng ballpen, ng ballpen na gusto ko. Okay na sa akin yung pauwi na tayo, kahit saglit lang tayong naglakad nang sabay, masaya na ako. Simple lang pero hanggang ngayon medyo naaalala ko pa rin at okay pa para balik-balikan ko. Pinili kong isulat ang mga araw na ito para lang, baka sakali, hindi mo man makita sa mukha kong palabiro at palaasar sa tuwing nagkakasama tayo e mabasa mo sa mga walang kuwentang pangungusap na ito yung sabik at galak na ibinubuhos mo sa mundo kong walang ibang hinangad kundi ang simpleng pamumuhay, pamumuhay na walang nagpipilit sa akin, buhay na walang problema, mga araw na paghanap lamang ng oras na makita ka at hindi pahirap na paghugot sa utak kung ano ang maaaring sabihin ng natataranta kong dila sa tuwing tinitingnan mo ako sa aking mga mata. Malapit na tayong dumating sa ating street pero sinabi mong ayaw mo pang umuwi. Ayos lang sana kung nakamaong na shorts ako e kaso pambahay na shorts lang ang suot ko. Hindi ko alam kung matutuwa akong dalhin ang cellphone, sukli at ballpen na aking mga dala pero sige, sasamahan pa rin kita. Dineretso natin ang Siomai St. hanggang sa kabilang kanto, nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan. May mga oras na gusto kong hawakan ang iyong kamay kapag nagkakabanggaan ang ating siko o braso. Pero dahil mahina ang aking loob, lalo na sa mga babae ay hindi rin ako nakapag-isip at nakagalaw nang maayos. Naging maayos pa rin naman ang ating paglalakad. Nakarating tayo sa tapat ng pesteng FI, at dineretso ang kantong papunta sa likod ng Eng'g Building, malapit sa School of Statistics. Umabot din tayo sa College of Law at Ilang-ilang saka kumaliwa na sa kanto ng simbahan. Papalapit na tayong muli sa ating street pero nagpumilit ka pang maglakad pa habang napapasma na aking mga kamay sa pagbitbit ng aking bagong ballpen, cellphone at sukli. Pinabulsa ko na ang aking cellphone sa'yo nang umabot sa malapit sa Kalay. Iminungkahi kong mandapa tayo ng joggers sa Acad Oval kaya iyon, imbis na malapit lang ang ating lalakaran e napahaba pa ang oras ng ating pag-uwi. Pagdating natin ng Acad Oval ay nagsimula na tayong maglakad sa sidewalk. Hindi man natuloy ang masamang balak para sa mga nagtatakbuhang mga itik ay masaya pa rin kasi tuloy pa rin ang daldal mo sa akin. Nagsimula tayo malapit sa Eng'g at umikot tayo't dumaan sa Tres Marias ngunit nawalan ng ilaw ang ating mga nais na madaanan kaya itinuloy natin ang pag-ikot hanggang sa makarating tayo ng Quezon Hall at tapat ng Vargas Museum. Niyaya kitang umupo sa isa sa mga benches hindi lang para magpahinga dahil napagtanto kong mahaba pa ang ating lalakarin kung tatapusin natin ang Acad Oval at para mas tahimik at wala akong masyadong taong nakikita kapag tumigil na tayo at nagkatabi. Nagpatuloy ka sa iyong pagkuwento at pagte-text. May mga maiikling mga minuto man tayong namamangmang sa tahimik na paligid, masaya na rin ako kasi katabi kita. Hindi ko man mahawakan ang iyong kaliwang kamay ni mayakap ka noong gabing iyon e masayang-masaya na ako. Umabot ang ating usapan sa mga nakakatakot na bagay kaya nagyaya na akong umuwi. Kasalanan ko man ang pagputol ng masasayang mga kuwento, ginusto ko na ring maitago ang aking ballpen kasi baka mawala pa. Dumaan na tayo sa Freshie Walk patungo sa ating street.


Kinakabahan ako paggising ko kinabukasan kasi hindi ko tiyak kung tama yung ginawa kong reaction paper. Pakiramdam ko talaga may mali akong ginawa sa papel ko sa Pan Pil 17. Hindi naman ganon kabigat ang pasaning nabanggit kaya magaan pa rin ang pagbati ko sa araw na iyon. Martes na naman, makuwelang discussion na naman sa Fil 40, nakakasabik na reporting sa Kom 1 at matinding hintayan na naman sa Pan Pil 17. Oras na ng huli kong klase at pumunta na ako sa ikaapat na palapag ng..

Mungyo - Part II

..si Gela. Si Gela, yung unang aso namin. Matagal ko na kasing gustong maranasang magpaligo ng aso, pero nakakatamad talaga. Buti na lang at nagpagawa ng assignment sa Geog 1 na gumawa ng isang bagay na hindi pa nagagawa at sumulat ng kung ano tungkol dito. OMFG! Ngayon ko lang napagtanto!! Walang sinabi si Ma'am kung paragraph form yung kailangan naming ipasa (o hindi lang ako nakikinig). Pero kung ganito nga, sana tinula ko na lang yung akin kasi sobrang ikli lang nung karanasan, kahit masaya, at naubusan talaga ako ng mga nakatutuwang isulat. Anyway, sinabi ni Ate na hindi pa naman napapaliguan si Gela, kaya lumabas na ako habang tinatali na ang aso. Ibinigay na sa akin ang dog soap, balde at tabo. Ipinantay ko na ang balde sa gripo, binuksan ito, at tumingala sa sikat ng araw matapos ipatong ang sabon sa semento. Nag-unat-unat muna ako ng aking katawan, hindi dahil tamlay na tamlay pa rin ang aking pag-iisip at pagkilos kundi kinakabahan talaga ako. Hindi ko alam kung bakit kailangang kabahan ako sa pagpapaligo ng aso na matagal na akong kilala. Malamang, hindi naman niya ako kakagatin pero kasi, unang pagkakataon, ayaw kong magkamali, may makalimutang gawin, hindi magmukhang pinaliguan si Gela, kahit na walang nanonood sa akin. May halong sabik naman ang nararamdaman kong takot sa magiging resulta ng aking pesteng assignment kaya kinuha ko na ang tabo at sumalok na ng tubig. Natawa ako kasi hindi naman sumubok na kumawala si Gela sa kanyang pagkakatali (parang gusto niya pa ngang mapaliguan e) pero walang tinamaan yung una kong buhos ng tubig. Nabasa lang yung semento kasi umilag lang si Gela. Gusto ko sanang unahin yung ulo niya para basa na yung mukha niya bago ko basain ang kanyang katawan at mga binti. Nasasagwaan ako sa hitsura ng asong basa ang katawan at tuyo ang ulo, eww. Matapos paliguan ang semento ay natamaan ko na rin ang ulo niya. Nung nabasa na ang ulo niya, tumigil na siya sa pag-ilag. Binuhusan ko na rin ang buong katawan niya at nagpatuloy na sa dapat kong tapusin. Matapos kong paliguan ang aming aso, pumasok na ako sa bahay para magpalit ng damit. Hindi ko na maalala ang mga sumunod kong ginawa. Ang naaalala ko lang ay magkikita na tayo nang ala una sa kanto. Matapos ihanda ang aking gamit at sarili, nagpaalam na ako sa aking tahanan at lumabas na ng gate. Nakita kita agad sa kanto at hindi ko na inisip na mabigat ang aking mga dala. Naglakad na tayo patungo sa sakayan ng tricycle, na maghahatid sa atin sa sakayan ng jeep. Hindi pa rin maawat ang pagiging madaldal mo, mabuti na lang at mahilig ako magtanong. Tuwing nagkikita na lang tayo, hindi ka nauubusan ng mga nakakatuwa at nakakaaliw na mga sasabihin. Kapag naubusan ka na ng bala ay magtatanong agad ako para mas mahaba pa ang usapan. Masaya na akong marunong akong makipag-usap. Kahit na wala naman ako masyadong nasasabi at nagmumukha lang akong interviewer. Sumakay na tayo ng jeep, ng bus tapos MRT na. Sinabi mong may bibilhin kang kagamitan para sa iyong course. Hindi ko na maalala kung sino ang nagyaya sa ating dalawa pero gusto kong sumama sa'yo patungong SM North, kapag naibaba na natin ang ating mga pesteng gamit sa boarding house. Hindi ko rin maalala kung sino ang nagyaya pero ang alam ko gusto nating manood ng Transformers 3 noong mga oras na iyon. Pagbaba natin ng ating mga gamit sa kanya-kanyang mga boarding house ay nagkita na tayo sa shed. Sinabi ko na manood na muna tayo ng sine sa Trinoma bago tayo bumili sa SM North ng mga pabigat mo sa bag. Pumayag ka naman. Pagdating natin sa palapag ng sinehan ay bumati sa atin ang pagkahaba-haba at pagkakapal-kapal na mga pila. Kahit na alam nating wala tayong pag-asa pang makabili ng ticket ng Transformers 3, nakipila pa rin tayo. At dahil sa matagal tayong nakatayo sa pila, siyempre magpapatawa na naman ako. Mabuti na lang at mababaw nang kaunti ang iyong kaligayahan kaya ibinabato ko na agad ang aking mga biro at inis, kahit na hindi ko pa iniisip kung masagwa ang magiging dating kasi madalas e tatawa ka na lang sa aking mga sasabihin, kahit na paulit-ulit na lang sila. Pumila tayo nang 15 minutes at saka lang natin napansing talagang tunay at totoong taos na tayong tinatarantado ng mga tumatayong matatatag na tila 'di tanggap ang tadhana kung tutulan sila ng tickets ng Transformers 3. Umalis na tayo sa pila at napagdesisyunan na lang na manood nang Tuesday dahil sabay ang ating uwian. Pumunta na tayo sa National Bookstore para sa isang itim na cartolina at nagtungo na ng SM North para sa iba pang pampabigat mo ng bag. Sa SM North na rin tayo kumain, kahit na wala ako sa mood kumain noong mga panahong iyon. Pero masaya na rin kasi nagkuwento ka tungkol sa iyong kuwelang tatay. Na-miss ko rin tuloy si Tatay. Matapos magpataba sa Burger King e umuwi na tayo sa kanya-kanyang boarding house.

Kinabukasan ay maaga talaga akong gumising, mga 8. May kailangan kasi akong panooring palabas para sa subject na..

July 8, 2011

Hello Panda - Part I

Alam kong walang Arkiyoloji 1 class last Friday kaya sumabay ako sa'yo paglabas natin ng classroom ng Geography 1. Sumama ako hanggang sa paghatid natin sa blockmate mong hindi kaya kapag mag-isa. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating dumaan doon sa mahabang ruta na inunahan ng iyong mga kaibigan pero sige, sasabay ako, basta kasama kita. Paghatid natin sa isa sa iyong mga kaibigan ay sumakay na tayo sa Ikot at napakasuwerte nga naman kasi libre ang nasakyan nating jeep. Gusto kong may kasabay pauwi. Hindi ko alam pero halos buong buhay ko noong High School ay wala akong kasabay umuwi. Masaya yung feeling kapag may kausap ako pauwi. Hindi mauubos agad yung battery ng cellphone at PSP ko. Marami akong makukuhang mga balita at may magagawa akong matino kapag may kasama ako pauwi. Hindi ako mababaliw, mahihilo, paghugot ko ng earphones sa aking mga tenga. Magaan sa pakiramdam kapag hindi ko minamadali yung driver sa pagmaneho, mahaba man ang pila ng mga sasakyan o hindi. Hindi ko na alintana ang oras, kung magkakasya man ito pag-uwi ko ng bahay para sa mas marami pang mga walang kabuluhang mga bagay. Hindi ko na maiisip na nag-iisa ako. Minsan masarap pag may kasama ako. Nagkita tayo sa waiting shed na malapit sa ating street. Dala-dala mo ang lalagyan ng iyong camera na may takip na tape sa ibabaw ng kanyang pangalan. Hindi ko alam kung paano mananakaw sa'yo yung lalagyan ng camera mo nang ganun-ganon na lang. Unang-una sa lahat, alam kaya ng mga lecheng magnanakaw na brand ng camera ang pangalan ng dala mong bag? Pangalawa, mukhang lunch box ang lalagyan ng iyong camera. Pangatlo, ang pangit tingnan kapag may tape, swear. Hindi ko na nileche ang buhay mo, ukol sa pagtakip ng pangalan ng lalagyan ng iyong camera, bagkus, sinabi ko na lamang na wala nang dadaang MRT na jeep. Hindi ko na maalala kung sino ang nagmungkahing magsimula na tayong maglakad at sumakay sa Ilang. Habang tayo ay naglalakad patungong Ilang ay may namataan na tayong jeep na maluwag kaya doon na mismo tayo sumakay. Una kong iniabot ang aking bente pesos para magbayad para sa aking sarili lamang. Isinunod mo naman ang iyong bayad na sakto sa pamasahe. Matagal kong hinintay ang aking sukli ngunit hindi na ako nabigyan agad. Inisip kong para kay Manong Drayber na lang yung sukli ko, hehe. Pero bigla mong sinabi na hindi ka nakapagdala ng pera pamasahe dahil inakala mong ililibre kita pauwi. Matapos mag-multiple facepalms ay tinawag ko na ang atensyon ni Manong Drayber para sa aking sukli. Tiningnan lamang ako nang masama ng driver mula sa kanyang salamin at nagpatuloy na sa pagmamaneho. Nagpatuloy ang biyahe hanggang sa umabot na ang sasakyan malapit sa babaan. Muli kong iniangat ang aking boses at hiningi ang aking sukli sa driver. Sinabi ng driver na dalawa raw ang binayaran ko, bakit pa raw ako humihingi ng sukli. Matapos mag-multiple facepalms sa aking isipan ay ipinagtanggol ko ang aking panig at mapayapa namang ibinigay sa akin ni Manong Drayber ang aking sukli. Ngunit hindi naman natigil si Manong Drayber na sumilip-silip at titigan ako, na hindi rin naman ako naawat sa pagtingin sa kanya kung nakatingin pa kaya siya sa akin. Bumaba na tayo sa dulo at naglakad patungong MRT. Na-badtrip lang ako lalo kasi hindi gumagana ang escalator at may lamang bedsheet at punda ang dala kong bag. Wala na akong magawa kundi mag-multiple facepalms sa aking isipan at inakyat na lamang ang walang hiyang Bundok Apo. Pagdating naman natin sa itaas ay hindi na tayo nahirapan sa pagsakay at pagbaba ng tren. Sumunod na ang isa sa mga pinakaayaw ko kapag bumibiyahe ako pauwi: ang paghintay at pagsakay ng bus. Pero dahil sobrang lupit ng tadhana paminsan-minsan para sa atin, nakasakay tayo agad ng bus. Pero na-badtrip lang ulit ako kasi halos puno na ang nasakyan nating bus at magkahiwalay tayo ng upuan. Wala na naman akong kasabay. Isinuot ko na lamang ang aking earphones at hinintay na dumating ang sasakyan sa South Station. Pagdating sa nasabing lugar ay lumipat na ako ng puwesto. Naghanap ako ng upuang may katabing bakanteng upuan, para hopefully, tumabi ka sa akin. Tumabi ka naman. Ang lupit ng feeling, masaya ako kasi, may katabi ako pauwi. Muli kong pinaalala na hindi pa ako kumakain sa araw na iyon at pinakuha ko ang Hello Panda na sinasabi mong magdadala ka. Pagbukas mo ng Hello Panda ay nagtaka ako kasi tinitingnan mo ang mga larawang nakaguhit sa bawat pagdukot na ginagawa mo, bago mo kainin ang panda. Nakakatuwa kasi gawain ko rin iyon noong maliit pa lang ako at nakikita ko pa rin ito hanggang ngayon, at sa'yo pa. Ang cute, promise. Naubos din ang pagkain at dumating na tayo ng Metropolis upang magsimulang maghintay para sa iyong kapatid. Pagdating ng Metropolis ay umakyat tayo sa 7 Eleven kasi nagugutom na talaga ako. Bumili ako ng cup noodles. Tapos siyempre kinain ko. Doon ko lang din nalamang libre sa ibang 7 Eleven ang disposable forks ngunit sa ibang branches ay hindi. Matapos ang siguro'y 20 minutes na paghihintay ay dumating na ang iyong kapatid. Nagtungo na tayo sa terminal at malamang, sumakay na sa jeep pauwi. Ang saya ko ulit kasi upuan sa dulo, malapit sa driver ang nakuha kong puwesto. Ipinatong ko na ang aking kanang braso sa upuan sa harap at iniyuko na ang aking ulo, matapos ilagay ang earphones sa aking tenga. Paggising ko, naramdaman kong nakapatong ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat. Hindi ko maipaliwanag nang maayos yung naramdaman ko, pero ang alam ko, hiniling ko na sana'y humaba pa nang matagal ang ating biyahe sa loob ng jeep. Sobrang astig ng feeling, yung tipong maaadik ka, kasi unang pagkakataon. Yung feeling na natuto akong maggitara o mag-Ragnarok tapos paggising ko kinabukasan iyong mga iyon ang inaasam ko. Yung feeling na bagong lagay yung braces sa ngipin ko tapos paggising ko kinabukasan, haharap ako sa salamin at titingnan yung sarili ko kapag ngumiti ako. Nakasasabik ng pakiramdam, nakapagpapatalon ng puso, nakapagpapabilis ng takbo ng isip, nakakaadik. Nakakaadik ka. Pero siyempre, dahil hindi naman totoo ang mga genies ay saka ko na lang namalayang malapit na tayo sa ating bababaan. Pinindot ko ang iyong ulo gamit ang aking daliri at medyo pabigla ka namang nagising. Naglakad lamang tayo pauwi, habang kinakausap mo ang iyong kapatid at ako nama'y nakikisabay na lamang sa inyo. Nagpaalam na ako sa inyong dalawa at dumiretso na sa aking bahay at kuwarto. Wala nang kuwenta yung ginawa ko hanggang sa sumapit ang Sabado. Hindi na masapawan ang galak na naramdaman ko. Natulog na ako ng Sabado ng gabi pagkatapos maglaro.

Maaga akong gumising. Ay, hindi pala ganoon kaaga, mga 9. Tapos natulog ulit ako, kasi ang sarap ng feeling pag matutulog ka ulit pagkagising mo. Luckily, nagising ako nang 10. Bumangon na ako at naghilamos na. Tinanong ko kung napaliguan na..

July 2, 2011

Sobrang Pahinga

Promise, tinatamad pa rin talaga akong magsulat,
kahit sobrang grabeng dami ko nang ideya.
Yung ibang ideas nabura na sa malupit kong utak.
Yung iba naman nakalagay sa notes ng cellphone ko.
Yung ibang notes, hindi ko na maalala yung thought.

Hindi ko na maalala.
Pero gusto ko na ulit magsulat.
Kahit na ayaw kong tinatamad.
Pero nakakatamad talaga.