August 10, 2011

Baraha

Yes. Please. Tapusin mo na. Okay na 'tong laway na 'to. Tantsa ko, sa lapot kong 'to, malapit nang mag-time. Joke lang. Kanina pa kasi ako tumitingin sa relo ko. Ang relo kong na-miss ko for 1 week. Grabe as in last week, tingin ako nang tingin sa left wrist ko. Tapos nabaliw pa ako kasi tinanong ko pa yung sarili ko kung anong Tagalog ng wrist. Sobra akong nabaliw.

Tinapos na rin ang pagtatalumpati at walang katapusang headbangs. Sana lang maalala kong kailangan kong kumuha ng readings na naman kay Ate Jophel. Minsan may hiningi akong readings na pinapakuha galing kay Ate, wala naman daw. Kaya minsan, tinatamad na rin akong kumuha ng readings. Kailangan ko rin palang mag-refresh ng mga lalawigan sa ating bansa. Grabe. Ito pa isa. Last last week ko pa siyang inaaral. Mabuti na lang talaga last last week ko pa siyang inaral, para magre-review na lang talaga ako. May blank map kami sa Friday. Buti na lang talaga.


Lumabas na ako mula sa pesteng classroom at nagmadaling pumunta sa CASAA. Wala na kasi akong barya. Sasakay kasi ako ng jeep para makapag-MRT at makapunta sa office ni Nanay. Pinadala ko kasi yung camera para may gagamitin ako sa Geog camp namin sa Sabado. Sabi ko mga 1 pm ako dadating. 11:30 am sakto tinapos yung klase - akala ko mga 11:20 ~ nairita na talaga ako. Ang taas pa naman ng sikat ng araw kanina, e tapos wala pang jeep mula CAL hanggang CASAA. Nahihilo na ako. Bumili ako ng pasta sa Pipanganan nang mabaryahan yung isanlibo ko, kung hindi, isanlibo ang ibabayad ko sa jeep. Ayaw ko rin namang mabaliw si Manong Drayber. Tinake out ko na yung pesteng pasta at kinain ko na sa jeep.


Pagsakay ko ng MRT, natuwa naman ako sa air con. Lecheng init sa labas yan. Pero nung nadagdagan na nang nadagdagan yung mga pasahero, e bumaho na nang bumaho yung naaamoy ko. Hindi ko naman alam kung paano ko ipupuwesto yung ulo ko. Panay ihip na lang ako. Hindi ko siya carry, yung amoy. Grabe. Hindi ko alam kung makahihinga ako nang maluwag paglabas ko ng tren kasi nga ang init, tapos air con ang habol ng kalbo ko na namang ulo.


12:40 ako dumating ng Ayala Station. Super mother fucking nagmamadaling paglakad ang ginawa ko. Kunwari talaga natatae ako. Tinamad akong tumakbo kasi nga ang init. Lalo lang akong mahihilo. Tumatakbo-takbo ako kapag may nabubuksang space mula sa mga tao para makasingit ako. Nakarating naman ako nang ala una sa tapat ng office ni Nanay. 1:30 pm pa naman yung meeting na a-attendan niya so nilibre niya muna ako sa canteen nila.

Yung in-order niya sa akin? Chicken + talong + kamatis + boiled egg. Solb. Nabaliw lang yung tiyan ko sa pineapple juice. Habang kumakain..


..tinanong ko si Nanay. Sabi ko, kung may anak man siyang babae, anong mas okay sa kanya: magpapaalam sa kanya yung manliligaw sa anak niya o bigla na lang sinabi sa kanyang may boyfriend yung anak niyang babae? Sabi ni Nanay hangga't maaari dapat open ang mga anak sa kanilang mga magulang. Mas okay raw sa kanya yung magpapaalam yung boyfriend. Tapos tinanong niya naman ako kung marunong akong manligaw. Ngumiti ako sabay iling. Sabi ni Nanay, wala lang naman yun, mag-uusap lang naman daw kami ng nililigawan ko. So ganun lang pala kasimple yun. As in napa-THE FUCK?!!?!!? ako sa isipan ko. Mag-uusap lang ba talaga? Ang dami talagang kaartehan ng mga babae ngayon.


Buti nag-uusap lang tayo. Ni wala tayong sinunod na gimik na kung ano. Sana magkaroon na ng araw na makapagpapaalam na ako sa makulit mong mommy at pagkalupit-lupit mong daddy. Kailangan ko ng super powers para sa araw na iyon. Haha.

Nagpabili na ako ng banana cake para sa ating dalawa at umuwi na akong hilong-hilo pabalik sa Rm 328-A.


May nakasabay nga pala ako sa jeep na matanda kanina. Ingat na ingat yung mga pasahero sa kanya. May gusto sana akong i-type tungkol sa matatanda. Aawayin ko sanang sana hindi na sila iniingatan. Pero nagkamali ako. Bigla ko kasing naalala si Mama, yung lola kong nagpalaki sa amin ni Kuya at Mig at nagturong matulog kami nang hapon kahit ang taas-taas ng energy namin at nagpakain sa amin ng gulay. Noong maliit ako, ayaw na ayaw ko talaga ng gulay. Dahil kay Mama, natuto akong kumain ng gulay, naging masarap para sa akin ng gulay. Huwag lang talaga okra.

Nahiya tuloy ako sa naisip ko. Sa naisip kong sana hindi na lang sila iniingatan kasi baka naman hinihintay na lang nilang mamatay sila. May napanood kasi ako sa South Park. Pinipilit niyang barilin siya ng apo niya kasi gusto niya na talagang mamatay. Kapag namatay si Mama, iiyak talaga ako. As in. Na-miss ko tuloy si Mama. Sorry. Alam kong malulungkot kaming lahat. Alam kong malulungkot ako. Alam kong ang mga astig na lolo at lola ay binibigyan ng halaga. Masaya makipagkuwentuhan, makipagbiruan kay Mama. Minsan, siya pa mismo ang nagpapatawa sa bahay. Iniisip ko talaga paminsan-minsan, kay Mama ako nagmana. Singkit, masayahin, astig, walang kakupas-kupas. Sana matuto rin akong magluto nang masarap.


Para sa mga astig na lolo at lola.

August 9, 2011

Kill Us All

Kunwari naghihintay ako. Excited na naman ako. Natuwa talaga ako doon sa ginawa kong comic strip sa Pan Pil 17. Hindi nagbigay ang prof namin ng kahit na anong paksang gagamitin para sa iguguhit na comic strip. Hindi ko alam kung bakit ako nasabik gumawa ng comic strip kahit na alam ko sa sarili kong kahit bundok at palayan e hindi ko ma-drawing nang matino - tao o hayop pa kaya. Hindi ko naman puwedeng pasalitain ang mga bundok at halaman, masyadong korny. Mas masayang makita ang mga ekspresyon ng mukha sa mga tao. Gusto ko silang pinag-oobserbahan, sa malayo man o sa malapit. Ang sarap ng feeling kapag nawiwirduhan ako sa mga ikinikilos ng mga tinititigan kong tao. Yung tipong mga kilos nila ay dumdepende sa kung anong uri ng mga tao ang nakapaligid sa kanila. Hindi ako kuntento sa pagtitig sa isang tao kapag nasa iisang lugar lang siya. Kailangang may record ako sa gunita ko kung anu-ano ang mga ginagawa niya sa bawat lugar na inuupuan niya at sa bawat grupo ng taong nakakasalamuha niya. Iba-iba. Alam kong ganoon din ako, ganoon tayong lahat. Isang magandang halimbawa na lang ay yung kapag nasa school tayo at kapag nasa bahay tayo. Magkaiba talaga.

Ibang-iba rin kapag alam na nilang tinititigan ko sila. Nagbabago na ang kilos ng tao kapag alam na nilang inoobserbahan na sila ng tao. Nagiging conscious na sila kapag pinapanood na sila. Nag-iiba ang kilos, nagpupunas ng panyo, pasimpleng retouch ng make up, lumalakas ang boses, nag-iisip ng witty statements or arguments na wala namang saysay sa naunang pinag-uusapan. Wala na silang paki sa kanilang mga kausap, sa grupong kanilang kinabibilangan, sa lugar na kanilang pinaghintayan, pinagtagpuan, pinagpahingahan. Nakafokus na ang kanilang atensyon sa kanilang manonood. Mas kailangan nilang i-satisfy ang mga tao sa paligid nila, na pakiramdam nila ay nakatingin sa kanila. Mas mahalaga ang mga taong hindi kilala.


Marami-rami na ring kakatuwang senaryo ang aking mga napanood sa malaking TV na aking kasabay tuwing ako ay nagko-commute. Masaya paminsan-minsan mag-ordinary na bus. Mas maingay, mas masalita ang mga kasabay ko, mas nakikita ko kung ano talaga sila. Walang hiya ang mga tao sa ordinary bus. Hindi ako makaamoy ni kaunting kaplastikan sa mga nakasasabay ko sa ordinary bus. Hindi man pabor ito sa mga naunang kong nabanggit na kailangan ko silang makasama sa iba't ibang lugar, masasabi ko pa ring alam ko kung totoo sa mga tao kung gusto talaga nila ang kanilang mga ikinikilos.


Na-miss ko tuloy ang Taft Avenue. Gusto ko na ulit malanghap yung usok, marinig ang busina ng mga jeep. Gusto ko na ulit makarinig ng mga nagsisigawang driver at ang pagdaan ng LRT. Gusto ko na ulit makita yung mga vendors ng candy, yosi, dos tres, isaw, hotdog, fishball, squidball, kikiam, banana cue. Gusto ko na ulit maglakad sa mga marurumi at di pantay na mga kalsada. Gusto ko nang makipagsabayang tumawid ulit sa mga tao kapag papasok ng aming paaralan o pauwi. Gusto ko na ulit makasakay ng ordinary bus. Gusto ko na ulit makatulog habang nasa biyahe. Gusto ko na ulit maramdaman yung feeling na pinag-iisipan ko habang nasa biyahe ako kung gagawa ba ako ng assignment pagdating sa bahay o matutulog na lang ako, o kakain, o maglalaro, o manonood ng.. video sa Youtube, o magsusulat. Gusto ko na ulit isandal yung ulo ko sa bintana. Gusto ko nang matulog nang nakapatong yung ulo ko sa sandalan ng upuan at nakanganga ang bibig ko. Gusto ko nang ipatong at idikit ang aking ulo sa likod ng upuan sa harap ko habang nanginginig ang aking utak. Gusto ko nang pagulat na magising ulit kapag tinatanong na ako ng konduktor kung saan ako bababa.


Yung ginawa kong comic strip e yung kapag nagtatanong ang konduktor sa mga pasaherong may kasamang bata kung ibabayad ba nila yung bata. Nakakatawa kasi. Natatawa talaga ako sa isipan ko kapag naririnig ko 'tong tanong na 'to. Hinding-hindi siya kumupas sa pandinig ko. Napapangiti ako kapag ganoon talaga yung pagkakatanong. Parati ko na ngang inaabangan e.


Inaabangan ko na talaga. Kanina pa kasi malakas ang ulan, kanina pa ako naghihintay. Excited na akong ma-suspend na naman ang klase. Kanina pa ako nakaupo sa library, habang minamadali ang reviewer para sa quiz na magsisimula after 2 hours. Gusto ko na talaga ma-suspend kasi hindi pa talaga ako nakakapag-aral. Mabuti na lang interesante yung paksang pinapabasa sa amin. Buti na lang talaga tawa ako nang tawa habang binabasa ko yung essay na may pesteng quiz. Minsan nakalulungkot kahit gaano pa kalupit yung binasa mo, may quiz naman. Pero wala akong magagawa. Kahit itinatanggi ko sa sarili kong GC ako e kailangan ko pa ring mag-aral para sa pesteng quiz, habang naghihintay.


Tapos may lumapit sa akin. Tumayo sa harap ko. Babae. Hindi ko alam kung bakit namumukhaan ko siya. Hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko. Yumuko. Ako na ang unang nagsalita. "Anong subject ka?", sabay turo sa mukha niya. "Uh.. Pan Pil 17", sabay ngiti. Napakunot yung noo ko, tapos isip.. isip.. isi- .. . ... "Uh.. Ah! AHHHH!!!" *facepalm Nakakahiya. Pero hindi naman siya nagalit. Lumapit siya sa akin kasi nakilala niya ako malamang. Habang hawak din ang pesteng essay, inihatid na niya ang mensaheng gustung-gusto at na-miss ko rin.


CLASSES SUSPENDED.


Nagsigawan din ang mga masusungit na librarian. Nagagalit sila sa amin kapag nag-uusap kami pero sila, nagsisigawan talaga ng


CLASSES SUSPENDED.


Na-miss ko talaga 'to. Noong nakaraang taon kasi, halos mabasag na yung mga bintana sa kuwarto, nililipad na papaloob ng kuwarto yung mga butterflies na kawawa, may mga nahuhulog na ngang branches sa Acad Oval, hala, sige, klase.


Gusto kong umuulan, lalo na kapag suspended. Ang sarap ng feeling.

August 7, 2011

Press It For Glory

Nakatitig lang ako. Nakaharap sa pisara. Hindi ko alam kung bakit nakaupo ako sa pinakaharap. Ang tanga. Talagang pinakaharap na row yung pinili ko. Bakit? Hindi ko talaga alam. Siguro kasi feeling ko babagsak ako kapag nasa likod ako umupo. Feeling ko wala akong matututunan kapag nasa gitna ako umupo. Baka kasi lumipad na naman yung utak ko. Kahit nga nasa harap ako lumilipad pa rin yung utak ko. Nasa harap na nga ako, kung anu-ano pa rin ang iniisip ko. Nasa harap na nga ako, naririnig ko na nga yung malinaw at dahan-dahang pagsasalita ng aking prof e wala pa rin akong naiintindihan. Mabuti na lang talaga at umaga ang oras ng klaseng 'to. Mahirap magklase sa hapon ng boring na klase. Hindi naman siya ganoon ka-boring kaso ang bagal niya talaga magsalita. Buti na lang talaga sa hindi ako malapit sa bintana tumabi, baka kung anu-ano pa rin ang makita ko, lalong lumipad ang diwa ko.

Wala pa rin siyang tigil sa pagsasalita. Suwerte at malayo sa mukha ko ang inis, inis sa kawalang-kuwentahan na ng kanyang mga pinagsasasabi. Hindi rin naman ako sigurado kung alam niyang hindi talaga ako nakikinig. Minsan, madaling makuha yung nararamdaman o iniisip ng isang tao sa mata lang. Ayoko makipagtitigan sa kanya. Hangga't maaari e patingin-tingin lang ako sa mukha niyang patangu-tango. Hindi rin naman tumititig mga prof. Umiikot yung mga mata nila. Totoo kaya yung sinasabi nilang kita nila lahat kapag nasa harap sila? Kapag nagre-report kasi ako, hindi ko makita lahat. Mas nakikita ko nga kapag nakatuon lang sa isang point yung mga mata ko, ewan ko na lang talaga sa mga guro. Siguro kasi, matangkad sila.


Panay tingin ako ng oras. Mag-iisang oras nang kinakain ng upuan yung puwet ko. Ito mahirap kapag nasa harap - hindi mo alam kung mag-aayos ka ng puwet. Yung tipong pasimpleng paghila lang ng brief na kinakain na rin ng puwet mo. Mahirap. Gusto ko nang mag-stretch. Nagsasawa na ako sa mga sinasabi niya. Isa pang mahirap sa harap e yung tumatalsik yung laway niya. Hindi ko alam kung napapansin niyang naliligo na ako sa laway niya. Kung mapapansin ko lang talaga kasi, halos malalaking patak na talaga yung mga pinipilit kong ilagan. Ayaw ko namang ipakitang umiilag ako sa laway niya. Unang-una sa lahat, itatanong niya kung bakit ako umiilag sa laway niya. Sunod na doon ang pagtawa ng buong klase, kasabay ng pagngiti ko. Sasabihin ko, "E, Sir, laway niyo." Hindi ko lubos na maiisip kung mapapahiya ako dahil tumawa ang buong klase sa sinabi ko sa pagka-obvious ng pagpapaulan ng aking prof o matutuwa ako dahil sa tumawa rin ang aking prof dahil alam niya at nakikita niya mismo sa harap niya na may binabaha na siya ng kalaputan. Hindi ko alam. Baka sumikat pa ako sa buong klase.


Alam ko naman yung feeling kapag kilala na ako ng buong klase. Alam mo naman siguro yung feeling. Alam naman nating lahat kung paano maging kilala sa klase. Dapat lang may nagawa kang malupit. Hindi natin alam kung anong lupit ba. Depende pa rin sa guro yung pagkalupit mo. Maaari natin sabihing gusto-ng-prof malupit o lagot-ka-nainis-yung-prof-kaso-natawa-yung-buong-klase malupit. Pero kahit alin man diyan, dapat malupit. Pinakamadali na yung pagpapatawa ng klase. Isang simpleng punch line lang sa tinatalakay ng guro, puwede na. Isang malupit na joke lang para pampagising ng klase, oks na, sikat ka na. Minsan din, kahit hindi mo alam na nakakatawa talaga yung nagawa mo, ang dami mo nang ngiting matatanggap pagkatapos ng klase. Maraming titingin sa'yo. Lahat pupuntahan ka, tumatawa pa rin dahil sa hindi maka-get over sa pinaggagagawa mo sa klase. Tapos ipaaalala pa nila yung nangyari sa Facebook, Twitter at Google +. Kailangang malaman ng lahat ng grupo ng indibidwal yung kalupitan mo. Pero dahil ibang tao ang nagkuwento ng tungkol sa'yo, sila ang sisikat. Maraming magla-like sa post niya at halos pantay lang siguro kayo ng kasikatan. Hindi mo alam kung matutuwa ka kasi sikat ka na sa mga taong hindi mo pa siguro nakikita, pero sa kabilang banda e maganda yung pagkakasalaysay ng taong nagbanggit sa'yo kaya siya yung kakausapin ng mga tao. Suwerte na lang kapag ikaw mismo yung piniem ng mga tao tapos tatawa pa rin sila. Kaso doon banda na talaga sila nag-uusap.


Puwede ring lumupit ang ihip ng hangin kapag ginalit mo yung teacher. Instant celebrity ka rin kapag pinalabas, sinigawan, pinahiya, pinatawag ang magulang, binato ng eraser o chalk, tinalikuran, binara, tinuro, hindi pinaupo, tinanong ng personal na tanong, pinagbasa ng mga linya, pinatawag sa harap ng teacher mo. Nag-eenjoy talaga ako kapag may mga ganitong eksena sa loob ng klase, lalo kapag hindi ako. Ang sarap talaga nilang panoorin. Yung tipong may bagong nangyayari para sa araw na iyon. Hindi yung ni-replay niyo lang yung ginawa niyo last week.


Kulang na lang talaga sabon pati tuwalya. Solb na solb na yung paligo ko. Kahit next rainy season na lang ulit ako maglinis ng katawan. Ang laput-lapot na ng mukha ko. Ang dami nang butil sa T-shirt ko. Gusto ko nang suntukin 'tong prof na 'to. Gusto ko ng isang malupit na uppercut. Isa lang. Tapos eksenang exit na expected ng excited ng klase sa eksplosibong execution ng eksperto kong pambo-boxing. Hindi ako siguro kung may tatalsik na pustiso o kung ano, basta ang gusto ko lang, masapak yung prof ko. Gusto ko na talaga siyang sapakin. Parang nasasayang na talaga ang oras ko. Hindi na talaga ako nakikinig. Paulit-ulit na lang yung naririnig ko. Nakakatuwa naman yung mga sinasabi niya, pero sa unang pagkakataon lang yun puwede. Kapag first time lang puwede. Suwerte na yung mga banat na nakakatawa pa rin sa second time. Legendary na kapag nakakatawa na siya sa third time to infinity. Pero kadalasan, kapag prof yung nagpatawa, o simpleng nagbigay ng astig na fact, sa unang beses lang siya malupit. Puwede mong ikalat sa ibang tao pero ibang bagay na iyon.


Nahihilo na ako. Sawa na ako sa laway at mga pinagsasasabi niya. Gusto ko nang magwala. Hindi ko na lang siya sasapakin. Ewan ko. Baka batuhin ko na lang siya, o kung ano man. Basta huwag lang ganito. Ayaw ko ng ganito. Gusto ko, kahit paminsan-minsan naman may bago. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil ang lapot ko na talaga. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil naaasar na ako sa pagmumukha niya. Baka gusto ko siyang sapakin dahil nagsasawa na ako. Baka gusto ko siyang sapakin kasi gusto ko ng bago. Ayaw ko ng normal. Ayaw kong walang nangyayaring malupit sa isang araw. Minsan talaga gusto kong manapak ng prof.


Paminsan-minsan,


gusto kong manigaw ng prof.

gusto kong mang-flip off ng mga tao sa MRT.
gusto kong nadidisgrasya yung mga nagp-perform sa circus.
gusto kong may nadadapa sa AS Steps.
gusto kong nakakikita ng nag-aaway.
gusto kong may nadadapa, natatalisod, natitisod, nasusubsob.
gusto kong mambalibag ng tray na puno ng pagkain sa CASAA.
gusto nating nasu-suspend ang klase kahit mahina ang ulan.
gusto kong mandapa ng joggers sa Acad Oval.
gusto kong sanggain ang mga ninja sa CASAA.
gusto kong may isang araw na walang ninja sa CASAA.
gusto kong maging ninja.
gusto kong may pumapasok na insekto sa loob ng classroom.
gusto kong nawawalan ng kuryente at tubig.
gusto kong yumakap ng di kilalang tao.
gusto kong mayakap ng ibang tao.
gusto kong hindi GM ang tinetext sa akin.
gusto kong nakukuryente.
gusto kong nagkakasabay kami ng tingin ng crush ko.
gusto kong may nababanggang kotse.
gusto kong nagkakamali yung mga aktor at aktres sa dula.
gusto kong pumipiyok yung mga nagsasalita sa harap.
gusto kong nakakalimutan ng guro sa harap yung dapat niyang sabihin.
gusto kong may sumasabay sa akin kumain ng malalaking bula.
gusto kong manipa ng mga nagp-plank.
gusto kong umorder nang galit sa kahit na anong restaurant.
gusto kong umorder ng Chickenjoy sa Mcdo.
gusto kong lumabas sa isang station ng MRT at papasok ulit sa susunod na tren.
gusto kong may nalalaglag na pustiso.
gusto kong makakita ng batang natae sa kanyang shorts.
gusto kong umutot sa elevator.
gusto kong naglalakad sa mga maninipis na kahoy, bakal o kung anuman.
gusto kong ginagawang adventure ang pagtakap sa iba't ibang kulay ng tiles.
gusto kong walang typo yung ginawa kong blog post.
gusto kong nawawalan ng mic ung emcee.
gusto kong may napapahiya.
gusto kong umakyat sa pababang escalator.
gusto kong bumaba sa paakyat na escalator.
gusto kong chine-check talaga ng guwardiya yung bag ko.
gusto kong nagha-hang yung PC, PS 3 o PSP habang naglalaro yung kapatid ko.
gusto kong may nauuntog.
gusto kong may nadudulas.
gusto kong may natatapong juice o kung anuman.
gusto kong may nakalilimutan ako.
gusto kong manapak ng paa.
gusto kong mangalabit ng di kilalang tao.
gusto kong makarinig o makakita ng malupit.

Hindi lang siguro ako yung nagsasawa sa mundong 'to. Hindi lang naman siguro ako yung nakikita yung pagkakapareho ng mga nangyayari sa paligid ko. Hindi lang naman na siguro ako yung nakakapansin ng mga gaya-gaya at lame na mga linya sa lahat ng mga teleserye sa prime time. Hindi lang naman siguro ako yung naiirita sa mga hindi realistic na scripts ng writers at pa-cute lang na pag-arte ng mga artista ngayon. Lalong hindi lang ako yung nakakita na maganda lang ang gusto ng mga manonood, na wala na silang paki sa talentong dapat na hinahanap sa isang totoong artista.

Paulit-ulit na lang naman na yung mga pinagsasasabi niyo. Hindi naman nagbabago mga ginagawa at pag-uugali niyo. Puro lang tayo protesta, pero sarap na sarap naman tayo sa paghiga sa kama habang yung assignment na kanina pa naghihintay e pinagpapabukas na ang paggawa.


Hindi lang ako yung nag-iisip ng ganito. Ayaw ko rin ng flat, ng pure, ng boring.

August 6, 2011

Goku

Kailangan ko ng magic beans ngayon.
Gusto kong mag-Super Saiyan mode.
Kailangan ko ng special mode kapag malapit nang matalo.
Gusto ko bigla akong lumalakas kapag malapit na akong mamatay.
Gusto ko nakakapulot ako ng mga bala para sa shotgun ko.
Kahit ngayon lang.

Official Ulit, Medyo Parang Paminsan-minsan

Matutong iappreciate any genre of music. 
Except maybe Ang Bandang Shirley. Eww.

August 3, 2011

+3 Perfect Dodge

At dahil nakatambay lang ako sa AS Lobby kanina, nagsulat na lang ako sa likod ng notebook ko. Kung noong maliit ako e puro drawing ng flashbang at HE grenade ang likod ng mga notebook e ngayon puro salita, titik at kabalastugan ng walang hiya kong utak ang naka-vandalize:

Baka kasi kailangan ng kung ano sa likod (ng notebook). Ano ba dapat yung mga nilalagay sa likod (ng notebook)? Madalas, kapag wala ka lang magawa talaga, binababoy mo yung likod ng notebook mo. Nababaliw ka sa pagkapresko, pagkalinis, pagkaputi ng dulong pahina ng iyong kuwaderno. Hindi mo talaga mapipigilan yung kamay mong may ballpen, lalo na't malinaw na malinaw pa ang tinta nito. Sige ka lang sa pagdumi, paglabas ng iyong saloobin, ng iyong mga naiisip, o sadyang malakas lang magpaantok yung gurong nakikipag-usap pa rin sa pisara. Naalala ko, may narinig akong nagsabing nakahahawa raw yung antok. Wala lang, share niya lang, at share ko lang din. Ano bang puwede kong isulat? Kahit ano naman siguro puwede kong isulat. Lahat ng gusto kong isulat, isusulat ko. Minsan mas madaling magprotesta kaysa umunawa, umintindi. May pipigil ba sa akin? Marami kaya ang pipigil sa akin?

A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S
T U V W X Y Z

a b c d e f g h i j k l m n o p q r s
t u v w x y z


Nasa likod nga pala ng notebook ko lahat ng hindi naka-italicize. Wala lang. Ang cute pag naka-italicize lolAt dahil nabanggit ako sa isa sa mga blog entries ni Denielle..

Natutuwa ako. Sobrang natutuwa ako. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na saya. Perfect na naman kasi ang combo na nagagawa ko habang walang pakialam at walang muwang na patuloy na tinatanguan ang mga kaibigan ko kuno na walang kaide-ideya sa mundong aking nililiparan ngayon. Panay ngiti at pag-uusap ang nakikita ko sa kanila habang binibingi na ako ng aking earphones. Malapit nang matapos ang round, malapit nang matapos ang kanta. Handa na namang i-record ng memory stick ang malupit kong high score. Halos ibenta ko na ang mahihiwaga kong daliri at mata. Ramdam ko na ang finish line. Ito na, ito na talaga.

Tapos nag-hang sandali yung PSP - wala nang baterya. Peste. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na galit. Napansin kong isa-isa nang tumayo ang aking mga kasama at tinatapik na nila ang balikat ko. May mga klase na sila, samantalang ako e isa't kalahating oras pa ang hihintayin. Matapos tumango ulit ng ilan pang beses, itinabi ko na ang pesteng PSP at kinuha na ang aking cellphone. Hindi ko alam kung bakit naghihintay ako ng text message kahit na alam ko sa sarili kong wala naman akong kaaya-ayang matatanggap para sa araw na ito. Isinaksak ko na ang earphones sa cellphone at hinanap na ang Music Player. Pinindot ko na ang play, tapos next, tapos next. Nag-play ang intro ng kanta mula sa mga pinakaastig kong banda. Habang tumatagal ang kanta, sinasabayan ko ito, yung lyrics, yung gitara, yung rhythm. Kunwaring may gitara sa ere, habang ipinapadyak ang kanang paa, sabay headbang konti ng ulo at sigaw pabulong ng lyrics.

Napaluha ako. Napaluha ako hindi dahil walang nagte-text sa akin. Napaluha ako hindi dahil iniwan ako ng mga kasama ko, ni hindi man lamang ako nilibre ng Chicken Steak, habang silang lahat ay kumakain at ako naman ay binabantayan ang aking bag na laman ang pitong pesteng pelikulang aming pinagpuyatan. Napaluha ako hindi dahil hindi sila tumatanaw ng utang na loob. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi ko talagang mga tunay silang kaibigan. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi kong mga kaibigan ko sila. Napaluha ako kasi may naalala ako noong 3rd year high school, mga biglang pagsanggi ng mga ala-ala dala ng pinapakinggang kanta. Pasimpleng pinaalala ng pesteng kanta ng malupit kong banda ang kantang paulit-ulit kong pinakinggan dahil may nanakit sa puso ko. Ang korny man ng 'puso ko' e hindi pa rin ako natutuwa sa kantang 'to. Hindi sinadyang mapaluha, nabigla na lamang nang may naramdamang basa malapit sa mata, sa pisngi. Hindi sinadyang maramdaman ang lungkot, maalala ang lecheng nakaraan. Sa susunod, magdadala na ako ng charger ng PSP.