December 19, 2011

Pasko Na!

Tawad!!

Dagdagan natin, para dumami naman at magmukhang hindi ako walang kuwenta at gustung-gusto ang Pasko. Susubukan ko na ring magsulat for 8 minutes bago umalis at pumuntang Canada. Sorry. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong magsalita sa mga pangungusap na nagsisimula sa 'Hindi ko alam'. Hindi ko talaga alam. Kailangan ko lang talagang magsulat nang tuluy-tuloy, kung anong lumalabas sa utak ko, todo ratrat ang ipinagtatatambol ng mga daliri ko sa pagta-type. Naaalala ko, noong elementary kami, may subject na kami noon na Computer. Masaya kami, kasi, alam naming pupunta kami sa aircon at magdididikit lang kami ng kung anu-anong Word Art at Clip Art sa MS Powerpoint. Masaya na ako sa ganoon kahit na feeling ko noon, ang galing-galing ko na magkompyuter. Pero hindi yan yung talagang gusto kong pagbigyan ng punto. Gusto ko sanang alalahanin yung pinag-print kami dati ng keyboard para magpraktis daw kami mag-type o ituturo sa amin yung tamang placing ng fingers sa keyboard. Matatandaan naman siguro ng nakararami sa atin ang mga letters na A, S, D, F at J, K, L, pati character na ';'. Yan yung turo sa atin. Nandiyan dapat yung apat mong daliring maliliit tapos yung thumbs e nakapuwesto sa spacebar. Leche. Hindi naman ako nakapag-type nang mabilis dahil sa ganoon. Alam naman nating lahat na mas nakakapag-type tayo nang mabilis sa kung paanong pagta-type ang itinuro natin sa ating mga sarili.

Kagaya na rin sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin. Sa mga karanasan natin tayo natututo, hindi sa mga walang kuwentang mensahe sa mga korning pages sa Facebook o yung mga pagpapapansin lamang na GMs sa text sa cellphone. Masayang matuto sa kung anong napapala mo. Maganda na rin yung tayo mismo ang nagtuturo sa ating mga sarili. Sabi nung isa kong prof, kahit na korni na ngayon yung nagko-quote mula sa mga prof, kapag may hindi ka alam, hindi lang ikinakamot ng ulo yon, hinahanap yon. Dapat palatanong ka. Mahirap na rin yung maging tanga kasi magkakalat ka ng katangahan kapag nakisalamuha ka na sa mga mas bata sa iyo. Huwag mong ipagpilitang isuksok sa kokote mo ang lahat ng nababasa mong akala mo e totoo kahit na maraming nag-like. Maging mapanuri at higit sa lahat huwag masyadong seryosohin ang mundo. Ayaw kong mamatay nang depressed. Ayaw kong lumingon sa buhay ko sa kahapon, kung ang makikita ko lang e ang sarili kong nagmumukmok at hindi sinusulit ang bawat segundong ibinibigay sa akin sa araw-araw. Maganda na rin yung nakaipon ako, at yung masasaya lang yung naipon at naaalala ko, kaysa mamatay ako nang malungkot at walang narating.

December 10, 2011

Ikaw 'Yan?


Unang araw sa kolehiyo. Dapat poging-pogi. Dapat mukhang matalino. Hindi dapat pahuhuli, hindi dapat magmukhang gago. Nahanap ko na ang room ko sa building na bagung-bago sa paningin ko. Bagong feeling, bagong uniform, bagong mga tao. Naghanap na ako ng upuan, default na sa unang araw ang pumunta sa pinakalikod na mga upuan, baka sakali kasing terror ang prof at ayaw lahat nang natatawag at walang gustong napahihiya sa klase. Minabuti ko nang sundan ang ginagawa ng nakararami kahit na magmumukha talagang paharap na mapupuno ang mga upuan sa silid.

Hindi ko alam kung masasabik ako sa prof at subject na pinasukan ko kapag natatakot ako sa mga posibleng mangyari, kaya pinasabik ko na lamang ang sarili ko sa mga makatatabi ko o mga posibleng kaibigan. Unti-unti nang napupuno ang silid, papalapit na kasi ang oras, malaki na rin ang tsansang magkaroon ako ng katabi. Tingin sa dingding, tingin ulit sa pisara, pinto, desk, dingding. Ayos ng buhok, ilong, pisngi, kilay, tingin sa mga kaklase. May papalapit na magandang babae sa puwesto ko, mukhang mas matanda sa akin, mukha namang mabait at madaling kausapin. Di hamak na tumabi siya sa akin. Feeling ko naman ang pogi-pogi ko dahil sa iba pang bakanteng upuan, harap na lang ang tigang sa estudyante. Wala na akong pakialam.

"Freshie ka po?" tanong sa akin ng babae. Hayop. Bumilis ang takbo ng puso ko. Perotekawait, nag-'po' siya sa akin? Alam kong medyo masungit ang dating at unang impresyon sa akin ng mga tao pero hindi naman talaga ako mas mukhang matanda sa kanya. Alam kong alam niya iyon dahil inisip niyang freshman nga ako at di hamak ngang malaki ang posibilidad na mas matanda siya sa akin. Bakit? Bakit siya nag-'po'? Kailangan bang gumalang nang ganyan kapag hindi mo pa kilala ang isang tao? Iniisip ba niyang isipin kong mabuti siyang tao kahit na alam ko sa sarili kong pamamlastik lang ang paggamit ng 'po' sa mga mas bata o kaedad niya?

Kahit na anong sabihin ng mga taong gumagalang nang ganito sa akin, isa na agad ang pumapasok sa isipan ko: Hindi ka ganyan magsalita, alam ko. Walang kabataan ngayon ang nagsasalita nang may nakaiiritang ‘po’ para gumalang talaga. Hindi nila ako ginagalang, binibilog lamang nila ako na tingnan silang magalang, mabait at pakyut kunwari. Kunwari tunog mas bata sila sa akin kahit na hindi naman talaga sila ganoon makipag-usap sa mga matatagal na nilang kaibigan. Kung kakausapin ako ng babaeng ito para makipagkaibigan, para lang may makakausap siya nang matino kapag nakikipagdiskusyon na ang prof namin sa blackboard, bakit hindi niya lantarang ipakilala ang kanyang sarili sa mga unang salitang matatanggap ko mula sa kanya? Hindi ba’t mas maiging makipag-usap nang natural para mas madali kang makilala ng hindi mo pa kilala? Bakit kailangang may makita munang magandang side na hindi totoo? Banal ba ako para igalang nila ako nang ganoon? Gusto ba nilang magustuhan ko sila dahil feeling nila mabait sila sa paningin ko?

Ayaw nating napapahiya, ayaw nating nakikita tayong tanga, pero mas okay bang unang makita tayo ng mga tao sa paligid natin bilang isang nagpapakyut lamang na bata? Okay bang maging plastik? Bakit? Bakit nila ito ginagawa? Bakit ganito sila magsalita?

Hindi ako nauuto sa ganyan. Kahit anong subok, may pahapyaw ka nang pagkilala sa isang tao kung paano ka niyang kakausapin. Kung gusto ka ba niya o hindi, kung nagpapapansin lang ba siya o ginagalang ka niya talaga, lalo na kung kaedad o kahenerasyon mo lang siya.

Gumising na kabataan! Ipakilala nang maayos ang sarili. Huwag iisipin ang sasabihin ng iba sa’yo kung sakaling ayaw nila ang trip mo. Kanya-kanyang trip lang yan. Malamang sa malamang, may mga makaka-vibes tayo at sila ang mga taong hinding-hindi natin makalilimutan. Huwag intindihin ang iba, intindihin ang gusto, ang sariling pagkatao nang walang bahid ng pagpapakyut lamang at kunwaring paggalang.

“Oo.”

December 9, 2011

Tuldok

Matagal na akong tinataranta
Sa tuwing titingin na lang ako
Ng tula
Tutukuyin nang tusung-tuso
Ang mga tagong temang di makita
Ang katuturan
Titigil na talaga ako
Sa pagtula
Tae

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Itatapon ko na ballpen ko
Wala naman akong ma-gets
Wala na
Akong
Ma-gets
Kailan ba ako naka-gets?
Ayokong intindihin
Ayokong maghanap ng wala
Ayoko mag-imbento

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Wala na akong makamot sa ulo
Wala na akong maramdaman
Hindi ko sila
Mapakiramdaman
Babae ba lahat ng makata?
Utak ko hindi makata?
Katha
Katha
Katha
Ayoko nang tumae
Wala akong maramdaman

Ayoko nang tumula
Itatapon ko na papel ko
Ayoko nang magpapansin
Hindi naman ako natuto
Hindi na ako natuto
Bobo!
Ayoko na.
Putang ina
Bakit?
O bakit ganyan?
Puro kulay lang ang nakikita
Umiikot
Itim
Buwisit

Perfect
Gusto nila ng perfect
Lilipad na lang ako
Putang ina, wala akong ticket
Madamot ba sila?
Tinatamad lang ako.
Mascot
Akin na ang mascot ni Jollibee