"Penge ako testi."
"Sige."
Atat na atat ka talaga. Akala mo naman, siya ang nagsimula. Nagsimula lang iyon kasi nga, ikaw talaga yung nagsimula. Maraming bagay sa mundo ang hindi nagsisimula kung hindi naman pinasimulaan. Magandang halimbawa na yung kanina, tanga. Bibigyan ka ba niya ng testi kung hindi ka nanghingi? Maaari. Kung trip niya lang, o lasing, o may tinatago rin siyang gusto sa'yo. Pero meron ba? Madalas, wala 'di ba? Malakas lang talaga yung tama sa'yo nung sinabi niyang, "Sige." Akala mo naman, siya nagsimula. Malamang, hindi. Bibigyan ka ba niya talaga ng testi kung hindi ka nanghingi? May sasagot ba kung walang magtatanong? May mabibigyan ba kung walang bibili? May mabibilhan ba kung walang nagbebenta? May magbebenta ba kung walang nagpauso? May magpapauso ba kung walang nagsimula? May magsisimula ba, kung hindi okay? May uuso ba, kung hindi okay? Kanya-kanya naman tayo ng trip. Kanya-kanya tayo ng pagka-okay ng isang bagay. At hindi ko sinasabing maling magpasimula.
Maraming magagandang bagay ang nagsisimula dahil pinasimulaan. Pero huwag kang tanga. Hindi ko sinasabing nagsimula ang pagkain kasi may nagutom. Sinasabi ko lang na nagsimula ang pagkakaroon ng iba't ibang putahe't panlasa, kasi may nagutom. HINDI mo pa rin gets. Hindi ko naman nilalayong magets mo. Nilalayon ko lang na magsimula. Nilalayon ko lang na magets mong kailangan mo nang magsimula.
Pero huwag mong simulan sa testi, ohmygod. Bulok na 'yon. Bulok na rin ang cellphone, im, cam. Well, medyo okay rin naman yung cam. Pero huwag kang magsimula sa bulok na sistema. Bulok ang pagkausap nang hindi nakikipag-usap. Nakakatawang maraming tao pa rin ang nag-eestablisa ng kaugnayan sa pagitan ng kanilang mga kapwa pero goma lamang o sinulid ang tanging nagbubuklod sa kanila. 712 nga ang friend mo sa Facebook, pero baka ni limampiso, walang maipapahiram sa'yo mula sa mga mokong na'yon. Bulok ang sistema ng ganitong uri ng ugnayan. Tuluy-tuloy ang mga tao sa pag-uusap, hindi naman nagpapatuloy ang ugnayan. Dadami ang friends lists. Dadami ang contacts lists. Dadami ang jeje clanz. Dadami ang fiends. Dadami ang setbacks. Dadami ang fans. Maraming mabubuong bulok na relasyon. Maraming mabubuong pekeng pagkakakilanlan. Maraming pekeng pagkakakilanlan. Sikat naman na sa internet yung meme na, "In the internet, no one knows that you're a dog." Makipagkikilala sa marami. Maraming-marami kang kilala. Wala ka talagang kilala.
May mga tao rin namang okay. Yung nakikipag-usap nang harapan. Pero may problema pa rin sila. (Actually, ako ang may problema, hindi sila. Napakaipokritong galit ako sa salitang 'weird' pero pinoproblema ko ang mga hindi KO naman dapat pinoproblema.) Hindi problema yung mahiyain. Hindi problema yung walang hiya. Nasa antas ng pakikipag-usap nakasalalay ang daloy ng ineestablisang relasyon. Matutong makiramay. Matutong bumasa ng tao. Matuto ring magpabasa ng sariling pagkatao. Tumanggap ng kritisismo. Hindi lahat ng tao perpekto. Hindi rin lahat ng talata, may sinusunod. May mga taong hindi kilala ang sarili. May mga talata ring walang thesis statement. At may mga taong inilulusot lang ang mga akdang hindi pinag-isipan dahil sa walang kakayahang magpursigi at isipin ang mga pinag-iisipan bago pumatak ang tikatik ng keyboard.
Katatapos mo lamang itype ang password ng iyong friendster account.
E mabagal yung internet niyo. Lalong bumilis ang pagtibok ng iyong puso! Sa katunayan, kanina pa sa biyahe sa jeep ka kinakabahan. Hindi mo alam kung anong mararamdaman mo talaga. Masaya ka habang sinasabi niya sa'yo na bibigyan ka niya ng testi bago kayo maghiwalay. Masaya ka habang naghihintay ng paparahing jeep. Hindi ka na ganoon kasaya noong nagbayad ka ng pasahe. Medyo nabadtrip ka kasi may ipapasa yata kinabukasan. Naalala mong muli na bibigyan ka niya ng testi. Edi sumaya kang muli. Malapit ka na sa bababaan matapos makatulog nang isang oras sa biyahe. Una mong naalala na kailangan mong pumasok sa bahay para magpalit ng damit at kumain.
Pabilis na nang pabilis ang pintig sa dibdib. Nagloload na ang pahina. Scroll down. Scroll down.
Testimonials:
"Good evening. :)"