Iiwan
ko na ito rito dahil ako naman din ang nag-umpisa, ang nagdala sa aking sarili
sa kung saan na naman ako ipinadpad ng puso kong maramdamin. Mula sa mga katiting
na pagtingin mo sa akin, lubhang hindi ko mapigilan ang aking sariling magtigil
muna, na huwag na muna sana akong mahulog sa iyo. Alam ko, mahirap, mahirap pa
rin akong unawain, kaya sinadya ko pa ring hindi na muna magpakilala nang lubos
sa iyo, sa iyo, na araw-araw na nagbigay-kulay sa araw-araw kong muntik ko nang
kabatuganan. Maraming salamat, sa mga hindi mo pinagsasawaang pangungulit at
pangingiliti, maging paikot man tayo sa isa’t isa. Ang malungkot nga lang para
sa akin, hindi nga pala tayo isa’t isa.
Isa.
Una kitang nakausap kasabay ng mga nagsasayawang usok ng hindi pa rin
inililibing na mga pagkain. Halos makinis na ang boses ng mga nagkakantahang
kulang sa tulak ng alkohol at maasar kong pagpaparaya. Binanggit mo ang iyong
pangalan, at akala ko nama’y aking narinig nang maayos. Tumatak na iyon sa
aking isipan at buong gabi na kitang hindi pa tinanong sapagkat baka sabihan mo
lang ako na bingi, at maaari ko rin namang ipalusot ang linya ng ating trabaho,
ang trabahong panibago sa iyo’t tila kinasasabikan ko na pala.
Magugulatin
pa rin pala nga ako, dahil ang hinhin mong tingnan para sa akin. May bahid pa
rin talaga ng kung anong simoy ng probinsiya sa bawat ngiti at halakhak na
binibitawan mo. Pero saka na muna iyon dahil papasok na rin tayo sa anyaya ng
kalasingan. Naghalo na kami ng kaibigan ko ng kakaibang bullshit at kapuwa
nating lahat hindi nagustuhan ang lasa. Siguro’y ang tunay na manginginom nga
nama’y saya’t hustisya sa pagpapakagago ang habol sa bawat bangkang
ipinapalaot.
Kayo
lamang na magkakaibigan ang nagkausap noon, kasama ng isa kong kaibigan dahil
pinilit kong magpakasasa na lamang sa pag-awit. Kagagaling ko lamang kasi sa
pagsubok noon at ayaw ko rin namang magpakadalos kahit na, putang ina, ikaw pa
rin ang may pinakanangingibaw na rikit sa buong gabing iyon. Ang creepy pero, madalas
lang akong maghintay sa mga bibitawan mong ngiti, halakhak, at kahit pagkunot
ng iyong noo, kilay, pisngi, bilang pagkurot na lamang sa aking puso, atay, at
mga mata. Hindi ako nagsawa noong gabing iyon.
Hanggang
ngayon pa rin naman.
Dalawa.
Nakabalik na sa pugad ang mga ibon at nakailang hingi na rin ng paumanhin sa
amang lawin. Hindi naman tayo dinagit ngunit nandoon pa rin ang kaba sa pagitan
namin ng kaibigan ko kung sakali mang mayroong nasaktan ang ating pagpapangkat
sa kalayuan. Pagbalik sa puwesto’y nabanggit ko sa isa sa ating mga punong
tagagabay ang tungkol sa kung anong spark ang naramdaman ko sa una nating/kong
karanasan nang magkasama. Doon ko lamang din nalamang mali ang pagkakadinig ko
sa iyong pangalan. Simula noo’y inumpisahan na ang pangangantyaw ng mga kapuwa
ko ring lapnos na ang pag-asang makaramdam pang muli. Naunahan ko lang din
siguro sila pero alam kong hanggang umpisa na lang ako.
Masaya.
Masaya naman sila para sa akin. Ilang linggo rin kasi akong nagkulong sa sarili
kong mga hapdi at ilusyong araw-araw akong masasaktan hangga’t tinatanggap ko
sa aking sariling wala nang magbabago. Hindi ko sinadya, I fucking swear, nang
mag-iba na lang din bigla ang ihip ng hangin. Minsan lang akong maniwala sa
tadhana, at hindi ito iyon. Mga mata mo na lang ang makapagsasabi kung saan
lang ako dapat pumuwesto sa mga darating na araw nating pagkikita.
Pinauwi
na kami nang maaga noon. Wala na rin namang pakialam yung hangover ko sa mga
kung sakaling salaping kikitain para sa araw na iyon. At wala na rin na muna
akong pakialam sa iyo kahit na aaminin kong hinanap muna kita nang saglit nang
makapagpapansing-paalam. Hindi naman din natupad.
Tatlo.
Training, at pagpapakilala. Siyempre, taas-pabalandra kami sa aming mga
sariling feeling magagaling dahil nauna kami sa inyo. Handa naman kaming
tumulong ngunit iba pa rin ang may pakiramdam ng authority. Lider-lideran.
Pseudo-approver kung makasagot sa inyong katanungan. Kami ang nagdadala sa
inyo at hindi na naming madalas iniisip kung natututo ba kayo sa amin.
Malapit
ka lamang sa akin kahit na sinasadya ko nang ilayo ang aking mga atensyon. Ang
badtrip lamang, parang may kung anong koneksyon sa ating dalawa na ako lang
naman din ang nag-imagine. Mapamusika, panonood sa ilan, at ibang pagpapatawa
kong napipilitan ka na lang tawanan. Iba. Iba sa pakiramdam. Tungong pakaibigan
lang siguro at ganun naman din dapat ang mamagitan kung ganun lamang din ang
aking obserbasyon sa ating pagitan. Pinipilit ko ang aking sariling huwag nang
mailang sa tuwing nagtatagpo ang ating mga mata, sa bawat pagtawa mo sa aking
mga bagsakan, sa bawat… bawat higpit ng pagkuha mo ng aking atensyon sa
pagkapit sa aking brasong araw-araw na nahihiya sa iyo. Unti-unti kitang
nakilala. Siyempre, patalukbong-torpe ako sa aking sariling feeling pogi na
lang dahil ako lang madalas ang biruin mo sa usapang break na tayo at akala mo
ikaw na lang. Handa naman akong masaktan ulit ngunit iba pa rin ang may
pakiramdam ng pagkagaan kapag kasama kita. Tanga-tangahan. Pseudo-love kung
makaramdam itong puso kong nagbabalak sa pagsabak muli sa kasukalan ng isip ng
isang babae, babaeng panibago. Ikaw ang nagdadala sa aking mga araw at hindi ko
na madalas iniisip kung may gusto. ka. rin. ba. sa. akin.
Apat.
Fast forward. Pinapasabugan ka na ng katanungan ng ilan sa ating mga katrabaho
kung sakaling gan're at gayon. Hindi ko naman mapagsabihan ang aking sarili na
huwag na itong bigyang-kahulugan. Sila na lamang ang namimilit sa magaan naman
sana nating pagkakaunawaang-diwa. Inumpisahan nila, natakot ako sa pagtatapos.
Laking kaba ko’t pinili kong huwag ka na munang pansinin. Natakot ako. Hindi
naman ako malagkit sa aking mga ipinapahiwatig ngunit nakakatakot malaman kung
sakaling hindi naman ako maaari para sa iyo. Hindi naman ako mamilit. At
ipokrito rin akong tunay dahil nais ko rin namang malaman, ngunit yung hindi
ganito kaaga. Mahirap. Mabigat sa pakiramdam. Ayaw ko muna. Ayaw ko na muna.
Dumating
ako sa bahay. Pinag-isipan ko nang mabuti kung gusto pa nga ba kita. Tinawanan
nga lang ako ng buwan, hindi ba? Sinigurado niya lamang na nababaliw lang din ako.
Nagtiwala na lang ulit ako sa aking sarili’t inisip na wala naman sigurong
nawala.
Sana
nandun na lamang tayong muli sa tatlo.
Tatlo’t kalahati. Sa dalawang gabing namagitan sa atin ang ilang usok at alkohol, sa pagitan ng mga taong tipsy na rin kahihintay sa sipa ng mga bote, at posibleng pag-ibig, ikaw at ikaw pa rin ang sinasagot ko sa iyong walang kamatayang tanong kung sino ang. aking. gusto. sa. atin.
Tatlo’t kalahati. Sa dalawang gabing namagitan sa atin ang ilang usok at alkohol, sa pagitan ng mga taong tipsy na rin kahihintay sa sipa ng mga bote, at posibleng pag-ibig, ikaw at ikaw pa rin ang sinasagot ko sa iyong walang kamatayang tanong kung sino ang. aking. gusto. sa. atin.