Manggagaling ako noon, palagi,
O minsa'y kadalasan
Mula sa panganib na araw-araw ko ring inibig
Araw-araw nating inibig
Araw-araw tayong naghuhubad
ng kanya-kanyang maskara
Bilang pagtatapos
ng kung anumang hingiin nila sa atin
Atin lang ang mga umagang iyon
Atin lang din ang kulimlim
Atin ang maghapong inipon lang natin
hanggang sa muling pag-uyap
Araw-araw mo akong hiningi
Hindi pagbibigyan ang kabulagang
Pilit na binabantayan ng 'di makilalang hambangan
Magbabalik ako sa iyo, sa mga ihip na paipo
Kakagat nang maputi ang hiyaw ng mga ulap
Sisinagan ako ng mapurol na daan
hanggang sa muling pagbagsak ng mga dahon
Nanggaling sila sa iyo
Ikaw na natanging alaala
Mula sa panganib na tayo lamang ang nagtapos
January 18, 2017
January 8, 2017
Kapag Nakita Mo na Siya - Maimai Cantillano
Kapag Nakita Mo na Siya
ni Maimai Cantillano
Kapag nakita mo na siya, huwag kang magtaka kung ‘di ka agad niya makilala. Kung ano yung naramdaman mong kilig, baka yun naman ang naramdaman niyang inis. Kung paano mo siya titigan, baka ganun ka lang din niya lagpasan, balewalain, at hindi pansinin. Kung gaano kabilis yung tibok ng puso mo nung nakita mo siya, baka ganun din kabilis ang pag-alis niya. At sigurado ‘ko, itataboy ka niya palayo.
At kapag nangyari ‘yon, ‘wag mo sanang isiping wala nang pag-asa. Siguro, sanay na lang din talaga siyang mag-isa. At sa hinaba-haba ng panahon ng pag-iisa niya, iniisip niyang hindi niya na kailangan ng iba, ng isang katulad mo na maaaring magdala sa kanya sa ibang mundo. Marahil ganyan ang turo sa kanya ng buhay at pag-ibig – ang damhin ang lahat ng sakit, ang tanggapin ang anumang ibato ng buhay, ang palayain ang lahat ng emosyon hanggang sa wala na siya muling maramdaman pa.
Kaya’t kapag nakita mo na siya, hindi na siya naniniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Hindi na siya namamangha sa mahika ng buwan at mga bituin, o sa kung anumang puwersa ng uniberso na maaaring magtulak sa kanya patungo sa’yo. Hindi na siya naniniwala sa anumang salita na nilikha ng pag-ibig. Hindi na siya naniniwala sa pag-ibig.
Kapag nakita mo na siya, baka ang tanging papel na lamang ng puso niya ay ang panatilihin siyang buhay. Baka tumitibok na lamang ito upang padaluyin ang dugo sa katawan niya, dahil kapag nakita mo na siya, hindi niya na alam ang pakiramdam ng magmahal at ng mahalin, ng arugain, at yakapin.
Ngunit, huwag kang mag-alala dahil mukha lang naman ng pag-ibig ang nakalimutan niya. At ipaalala mo ito sa kanya. Huwag kang magsasawang ipaalala sa kanya kung gaano siya kaganda. Huwag kang titigil sabihin sa kanyang mahal mo siya kahit na sa bawat pagbanggit mo ng mga salitang, “Mahal kita,” ay pait at sakit ang naaalala niya. Huwag kang titigil na sabihin ito sa kanya hanggang sa maalala niya na sa likod ng bawat pait ay may tamis. Sa likod ng bawat sakit, ay may ligayang dulot ang mga salitang, “Mahal kita."
At kung saktan ka man ng mga salita niya, gantihan mo ito ng yakap. Kung magpumiglas siya, hatakin mo siya pabalik at yakapin ulit. Kung paulit-ulit siyang umalis, paulit-ulit mo rin siyang habulin. Kung paulit-ulit siyang bumitaw, paulit-ulit mo rin siyang hawakan.
Pakiusap, huwag na huwag mo siyang bibitawan. Huwag na huwag mo siyang pakakawalan. Ipaalala mo sa kanya na minsan rin siyang naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw, na minsan rin siyang namangha sa mahika ng buwan at mga bituin, na minsan rin siyang naniwala sa mga salitang nilikha ng pag-ibig, na minsan rin siyang naniwala sa pag-ibig.
Ipakita mo sa kanya ang bagong mukha ng pag-ibig. Pakiusap, huwag na huwag mo siyang susukuan hanggang sa maisip niya na ang pag-iisa ay mayroon ding hangganan.
January 3, 2017
Merlyelp
Sumilip ang bago
Hindi naman na alintana
Kung anuman yung pilit mahuli
Kay sarap nang magkibit
ng balikat
Pamaalam, sa mga luma
Sa mga ewan, sa mga mali
Sa mga hindi ninais
Masimulan
Paalam, sa lahat ng bago
At lahat ng paborito ng iba
Tamang maging tama na
Katatapos lang ng usok
Lumubay na sa 'di taal na init
Magsisindi na ng panibago
Hihigop nang muli
Ngunit ng sariling nais
ng kamusta
ng paalam na talaga
Hindi naman na alintana
Kung anuman yung pilit mahuli
Kay sarap nang magkibit
ng balikat
Pamaalam, sa mga luma
Sa mga ewan, sa mga mali
Sa mga hindi ninais
Masimulan
Paalam, sa lahat ng bago
At lahat ng paborito ng iba
Tamang maging tama na
Katatapos lang ng usok
Lumubay na sa 'di taal na init
Magsisindi na ng panibago
Hihigop nang muli
Ngunit ng sariling nais
ng kamusta
ng paalam na talaga
Subscribe to:
Posts (Atom)