Matagal akong hindi nakipag-usap; sumagot nang pabalang sa aking sarili, sa aking iba pang mga sarili. Madalas naman akong mapagbigay sa mga kailangang mahuli ngunit paminsa'y pinagkakahulugan ko rin ang aking iba pang mga sarili nang masilayang marilim, sa lenteng kung ayaw.
Maghahanap lamang daw ako pero kunwaring naghihintay. Bawat pag-iling ay tukoy nang ipangyayari, ipangyayari sa akin, akong hindi malaman-laman kung bakit at oo, kung ako o ibang tao. Takot akong lumabas pero may tapang na susubok. Lahat ng maalala'y tagpi-tagpi lamang na mga sinuotang butas.
Alam kong nagkakamali ako. Ako mismo ang nakakaalala at makakaalala. Madali lang sumasakit ang tuluyang pagdiriin sa mga itim at bilog, sisingit ang mga salungguhit ngunit siyempre, babalik at babalik pa rin sa sakit ng ulo, sa paghihintay ng paalam, at sa kumusta ng saan.
Bakit ka pa ba nandito? Hindi ka pa rin sigurado. Papayakan mong saglit ang mga paano, at mag-iimbento ng galit dahil sa hindi naman ako iyo, at ikaw ay may angking paglingon sa pangungusap ng mga alon at inaantok din minsang pungay ng buwan.
Sa huli, hindi pa rin umuusad ang may katha; lugmok pa rin siya sa mga tanong. Minsan pa rin siyang magbibigay ngunit hindi na matututo pa. Nais niyang magbago pero ayaw niyang magnais pa. Ipipilit niya ang pagtatama kahit ayaw sarilinin ang liwanag.