June 28, 2020

Kung walang pakundangan
Ang bigwas ng pananalita,
Pasaan pa't nariyan
Mga nakikinig nang mayroong
Mas ikaaayos kaysa sa iyo?

Pinasok ang rimarim
ng gusaling hitik naman
Sa kakintabang parangal
Ngunit bakit kumitid ang tindi
Nang sa desisyong kumitil
ay walang may balak na
Umalam, umunawa;
Sa panggalaiti ang badya.

Walang respeto siyang madla
Maski pang may ibinuhos nang
Mga araw, dugo, at impunto.

Kung sakaling may isang ayaw,
Lapnos na ang lahat ng niluto
'Pagkat ano pang kasalanan
ng mga hinusayang may alam
Kung hungkag lang din namang
Makikinabang nang walang dangal.

June 21, 2020

Kung waring makipagpalitan
Ang mga isinulat na hindi titik,
Iigwa kaya ang takot
Sa bating iniwan sa init
Sa ilalim ng buwang kinakaya-
Kaya na lamang 
ng mga ayaw sa tulog,
Ayaw sa atin, ayaw sa layaw,
Ayaw sa himbing 
Dahil ang agnas na dulot
Mula sa ayaw lumimot,
Manggagaling lang din
Sa inumagang bangungot,
At kung pamamarisan
Ang paglalayasan,
Makakayanang maging mayaman
Kahit pang pumagitan
Sa singil ng diyablo't anghel,
Lumubos nawa sa papel
'Pagkat aanhin ang kakausap
Kung payag din namang umirap.

June 14, 2020

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ako
ng paglalagyan
ng aking mga palagay,
Kalagayan, kalayaan.

Palalayain ko ako
Nang magkaroon ako
ng sarili, ng repleksyon,
ng ako.

Itong aking ako,
Natatanging aking ako,
At inaakong ako
ay patlang dating
Inangking ako.

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ng ako
ng pinalayang ako,
Natatanging kalagayan,
At hindi sa iyo.

June 7, 2020

May humampas siguro ng kape
Sa elevator na aking pinaglamayan
Kasama ng aking opisina, damay,
At isinilid na mga hahagkang
Mamaya na pilapil,
Sintapang sa loob ng isang buwan,
Sa loob pa ng mga susunod na araw.

Takot sa kutis na tumaba
Dahil ang ehemplo'y natitilamsikan.
Ang bisa ng kunwari ay
Sadyang malinis kahit kabilaan
Pang magsipahid, may hangganan sa amin.

Ang pinababayaang kitid ng yaman,
Nasa pag-uwi na lamang na 'di laging
Nakikitaan, ni dinaraanan
Sapagkat ang una'y mas matulin,
Takot nang mabawasan pa.
Sa sumunod ay pagpapawisan,
May asim pa't magmumura
Kung hindi sasalubong ang inabangan.

Pangyarihan man sana ng tuwa
Kung sakaling bisitahin ng pag-iwan.

Matapos pa rin sa lahat ng ginising
Ng kapeng tilamsik sa hapon at gabi,
Sa dalisay na antok na pag-uusapan
Ay balisang kwenta sa kalye.