July 28, 2020

Puta lang ako.
Puta mo lamang ako.
Igiit mo mang may
Pakunwaring laya
Sa iyong bawat pagbitaw
Sa akin, anong gaya sa iba
Ang dapat kong isangguni
Sa aking kaya lang abutin?

Puta lang ako.
Puta lamang ako.
Mamaya-maya'y
May guni-guning
Bibisita sa akin
Ngunit kailangan pa ring
Pagsilbihan - parang ikaw.
Aakbay sa akin pero
Parang ayaw ko na 
Munang maging ako.

Hindi naman ako yun.
Hindi naman totoo yun,
Sabay bigat pa
Nang kaunti
Hanggang sa

Baka naman ganito,
Baka naman ganyan.

Ano pa nga bang
Hindi ko dapat
Malimutan?

July 21, 2020

Minsan nang pinapili
Kung alin ang mas uunahin
Mula sa may putuka't luha,
Habulan ng mga
Inubusan na ng silbi
Ngunit nagmamadali pa ring
Humabol sa kung anong
Responsibilidad na ipinipilit
ng nagmamabagong buhay na
Malayong-malayo na sa
Makamundong mundo

Laban sa pahimatay na
Pakikinig na lamang,
Paghihintay ng ibang liryong
Pagtulo at pagbutil ng mga
Pinagsama-samang lawak ng
Tipan, iba-ibang kislap,
Sabay-sabay na palakpak,
Maliligalig na pamamahinga't
Sunod sa awit ng duyang himlay

O kaya nama'y pagulung-gulong
na pag-aaring hindi kailanman
Maipinto kung sino ang patunay.

Ang sa hindi kamukhang kabila'y
May hindi sinadyang pagpilit,
Mga kulay, bumuhol nang maayos,
May pagkaipit na sumasandali't 
Hahampas nang masinsinan.

Nagtagpo pa rin kung tutuusin,
May kaiba lamang sa kukong may
Hiwang humahawak, sa pag-aaway
ng mga pinipisil, hinahayaang magdala
Sa akin kung saan man patungo
Ang mga inipong pamikit, pabulag.

Saka mo na ako kausapin.

July 14, 2020

Lahat ng makilala'y
Naluluma sa tingin
Ngunit sa tahanang bago,
Kay sarap mahalin.

Mayroong kasanayang
Hindi imposibleng umapaw
Sa landasing likha
Para sa yaring araw-araw.

Ang hindi pagbibilang ay
Palalampasin sa katagalan
Dahil ang mas mahalaga'y
Pagpansin sa katangiang

Hindi naiiba
At naiiba sa hindi.
Lahat ng kilala'y oo,
Lahat ng hindi ay hindi

Kaya't ano pang malaman mo
Sa mga talinghagang dinukot
Lamang kung saan-saan,
Madali rin nating malilimot.

July 7, 2020

Tutuluy-tuloy galing aking pasya
Ang magpakalunod sa abo
ng mga ligalig at pantasya,
Mga ayaw ipaliwanag ngunit
Nais na maikuwento,
Salaysay na wala pang lamat,
May gustong ipamiyendo.

Gawa sa taling ihinulma
Nang paulit-ulit hanggang sa
Makitang marikit at hirayang
Mapamaslang sa siyesta.

Iduduyan kang paslit
Sa matandang punong mangga,
Sitsit ng ibo'y patay na,
Magpapausok na naman ang mama
ng kanyang mga winalis na dahon
Kaya't atupaging bumangon
Tuwing papasukin ng alon
ng mga pakalmang tadyak.

O, nasaan na ang tabak
na iniwan ko lamang
Kangi-kanginang layong
Patimpla ng maling kape?

Ina ko, o, ina ko,
Hindi na muna ako'ng bahala
Sa isip na mamahingang
Doon na muna sa malayo
Magkikita-kitang nagtatago
Katabi ng tintang lagkit sa ulirat.