May 6, 2024

web of quests

minsan, nalilimutan kong
may sinusundan na pala 'ko.
nawawala na lang talaga
sa isip ko. nagpaplano siya
na matagal para makatakas,
parang ako, hindi iniintindi
ang panganib ng hinaharap.

sanay siyang manghula
ngunit ayaw niya namang
magpaputol. minsan, limot
kong may sinusundan na
pala siyang isip, lampas pa
sa isipan ng iniisip ng isip ko.
isipin mo yun? madalas,
hinahayaan ko na lamang
din siya. sino ba ako
para magreklamo? siya
ang nagdulot sa kanya,
at ako naman ay iwan
sa pamimili ng mga ako.

saka lamang siya babalik,
at sakto, kung kailan
nakaikot na rin ako,
handa nang maghagis
ng lambat na kay tagal na
ring hindi pinapalitan.

lumalampas pa talaga ako
minsan. pero natuto na rin
akong magtimpi. pinahihinga
ko rin sila at inaalalang
sa akin naman sila nanggaling.

maaalala rin kaya nila? o hindi
ko na dapat pang isipin? dahil
kung iniisip man nga nila ako,
kusa sana nila akong kalingain,
o kilalanin man lang, o subukang
maipakilala sa iba, kahit yung
mga simpleng ako na lang muna.

wala namang intense na kapalit.
wala namang nagmamadali.
wala ring nagpapadali kundi
walang katapusang palitan,
alitang walang galit, buhay na
sa kalunus-lunos na kagustuhang
makapanggaya. kapuwa na
nagkakayayaan, kapuwa na may
nais na tapusin.

kung may mauna mang pasalubong
ay maghahanap muna ng lilim.
aaralin ang bawat bato't bituin
sa paligid. makikibalita hanggang
sa gutumin. maghahanap
ng makakain. manghuhuli
kung kinakailangan. huwag lang
may maiiwanan. minsan lang ako
may nalilimutan.

May 3, 2024

make some noise

malayang nagsasabing may bala
sa tinalupan. yakag na ang mga
'di na mabilang pang pagkurot
sa kung sakali. maaga na agad
ang bukas, sira pa rin at lagi
ang kahapon. mananatili kang
antok na lang kung tinitiis
ang pagbangon, ng pagbangon,

'pagkat 'di lang ikaw ang galit
sa mundo. bad trip na rin
ang mundo sa 'yo. sino lang ba
'tong ubod ng handang matakot
sa matagal niya nang kinikilala?

hindi matapus-tapos at
parating napapagod.
ang pagtitiwala sa imbentong
alamat ang hudyat ng pagkasira
ng pag-iintindi sa iniisip ng iba.

meron naman talagang pakialam
ang lahat. tsismosong sumasanib,
nakikianib sa hiyawan, palakpakan,
walang pakundangan. higitan mo
mang may ubaya, may pagbangga
sa sentido, at pag-aabot ng tubig
na malamig, ang mainit
ay mananatili munang mainit
hanggang sa umikot nang muli
ang daigdig. matutong maghintay.

magkakasugat din ang langit.
pipirasuhan ka rin ng panggapi.
manganganak din ang tuwa.
huwag ka nang maiinip pa.

kasya ka na sa kanila.

iba ka sa lungkot ng ibinaon na
nilang mga alaala. ang nag-iisa
ay pagtatakpan, ang malungkot
ay pagbibintangang ganid,
ang tahimik ay ipaaanod sa ragasa
ng kalsada, ang walang kuwenta
ay makakatikim ng hustisya.

kaya't ano 'yang pinagsasasabi mo
na iba ka? hibang ka na!
magbilang ka na dahil kung
hindi ka pa subukang halatain
ng mga pilit mong iwas
na pambubura, alam mong
hindi ka na aabot pa
sa hunos-dili na.