July 29, 2010

May Naririnig Ka ba?

For some reasons, kailangan kong baguhin ang nakasulat dito.
Siguro siyempre, para tanggalin ang kayabangang pakonti-konti ko nang inaalis sa aking buong katawan.
Ayaw kong lumabas na mayabang sa harapan ng ibang tao.
Oo, masarap tingnan ang mga matang inggit na inggit sa iyo
Pero minsan matuto tayong magpakumbaba.
Huwag minsan, gawin na nating lagi.
Minsan, boring sa UP.
Madalas.
Magulo.
Ang daming buildings.
Puno.
Trees
Track Oval
Acad Oval
Acads.
Jogging.
Maraming kabigan
Kaunti?
Wala.

Magtapon ng basura sa tamang lagayan.
Iwasang maging late.
Sumunod sa batas.
Huwag dadaan sa malawak na kalsada.
Huwag sipain ung pusang naglalambing.
Manlibre kung kinakailangan.
Huwag madalas manlibre.
Masarap ang siomai sa kanto.
Mag-aral lang kapag tahimik.
Masarap mag-aral.
Huwag ipagpalit ang kinabukasan sa kung ano.
Tapusin ang mga nasimulan.
Magtipid ng bala.
Timing ang kailangan sa pag last hit.
Huwag gagayahin ang adbot na easy.
Magaling mang-headshot si Xavier.
Sobrang lakas ni Ted.
Magkumot pag malamig.
Masarap din ung crinkles.
Inaantok na ako.
Wala ako sa mood magsulat.

Awayin niyo si vince_of_cebu. Haha.

click me

July 24, 2010

BAUL: Pan Pil 12, Movie: Moral

07/20/2010

Moral


Dumaan ang lumang panahong ang mga lalaki at mga babae ay hindi pantay-pantay. Minsang tumatak sa isipan ng mga taong ang babae ay simbolo ng kahinaan, kalinisan at kapayapaan. Maaaring naging ganito nga ang pananaw ng mga sinaunang sibilisasyon pero marami nang makapagsasabi at makapagpapatunay ngayong walang mas makaaangat pa sa isa at hindi pupuwedeng limitahan ang mga maaaring gawin ng kababaihan.


Ipinakita ang kababaihan sa palabas ang diretsong pagkakasalungat ng mga naihayag na simbolo noon para sa kanila. Hindi maikakait na hindi lamang mga lalaki ang maaaring magkaroon ng magugulong buhay, samu’t saring mga problema at bisyong nakasisira ng napakagandang kinabukasan. Itinampok ng mga artista ang pagkakaroon ng kamalayan ng mundong hindi lang pala mga lalaki ang nalululon sa masamang droga. Totoong may mga halimbawang masipag mag-aral ang mga babae at mas mataas ang probabilidad na makapasa sila nang may matataas na marka ngunit hindi pinahuli at mas binigyang-pansin ang pagiging magulo ng buhay ng isang babae. Ipinakita rin ang pagiging mapangarapin ng kababaihan at mayroon ding mga nawawalan ng pag-asang makamit ang mga pangarap. Naisiwalat din ang pagiging “pabrika ng mga bata” ng isang asawang babae na hindi naman tama kung hindi naman ginusto ng isa ang kanilang ginagawang responsibilidad. Napasuot man ng maraming maskara ang isang babae, dalawang bagay lamang ang masasabi ko. Unang-una sa lahat, nakatutuwang isiping ang mga lalaki at babae ay pantay-pantay na sa halos lahat ng aspeto sa buhay. Hindi na nagkakaroon kadalasan ng diskriminasyon sa kasarian at bawat isa ay nirerespeto ang kani-kanilang mga kakayahan. Ikalawa, nakalulungkot sapagkat nang namulat ang kababaihan sa kamalasan at karumihan ng mundong ito ay walang awat na rin ang pagdami nilang gumaya, makihalubilo at makibagay sa mga napapanahong kabulagan sa mga nararapat na gawaing kailangang gampanan. Nasira na ang imaheng lahat ng mga babae ay hindi sanay sa gulo, napakamahihinhin at magaan ang saloobin sa buhay.


Gayunman, hindi na natin masasabi pa ang kaibahan ng kalalakihan sa kababaihan pa sa ngayon. Oo, siguro sa mga pisikal na katangian ngunit umiibabaw pa rin ang ideyang nagagawa na halos lahat ng isang kasarian ang kanilang mga gustuhin sa mundo.

BAUL: Pan Pil 12, Matandang Panitikan

07/17/2010

Ang Ating Panitikan


Ang ating panitikan ay hindi na tumigil sa pag-unlad simula nang ito ay sumibol panahong wala pang nananakop sa bayan. Simula sa mga awit, matatalinghagang mga pahayag at mga kuwentong bayan, hindi naawat sa paglawak ang imahinasyon ng mga mapag-isip at mapaglarong mga utak ng mga Pilipino. Nagkaroon man ng pagbabago ng lenggwaheng ginamit, tuloy pa rin ang malusog na agos ng ating mga nauuhaw na lapis at bolpen sa bawat papel.


Ang mga sinaunang Pilipino o sanay tayong tawaging mga katutubo ay mayroon nang mga diyos at espiritung mga sinasamba bago pa man tumapak ang Katolisismo sa kanilang mga lupain. Nagkaroon sila ng sinasambang ideya sa bawat trabaho o gawaing kanilang ginagawa at may katumbas na awit ang bawat pagsambang iyon. Nakatutuwang isiping sa simpleng pamumuhay noon ay napakahalaga na sa kanilang kausapin ang nakatataas sa kanila. Naging napakasagradong tulay ng panitikan para sa kanila para maiugnay ang kanilang mga saloobin sa kanilang mga espiritu at diyos. Sa panahon naman ng pananakop ng mga dayuhan, nakalulungkot mang isiping maraming nasawing kaunlaran, hindi pa rin nagpatalo ang mga manunulat na Pilipino. Nakita man nating gipit ang ating mga kababayan sa paglaban sa mga dayuhang walang habag, idinaan na lamang ng mga nakararami ang pagsulat at pagsisiwalat ng mga kawalang-hiyang ipinataw sa ating lahi lalung-lalo na ng mga Kastila. Ang mga taong alam na wala silang laban ay humawak na lamang ng mga panulat at nagsimulang ilabas ang kani-kanilang mga pasakit, saloobin at kahirapang dinaranas. Takot mang dumanak ang sariling mga dugo, buong tapang nilang iminulat ang mga paninira at panlilinlang na ibinabato sa kanilang mga kababayan. Nagsuot man ng iba’t ibang mukha ang gamit na wika, nagsilbing sandata pa rin ang ating panitikan ng mga bayaning Pilipino upang sugatan ang mga moral at konsensya ng mga dayuhan.


Nabanggit sa itaas na maunlad na ang ating panitikan kahit noong wala pang mananakop sa ating bansa. Nagsimula lang naman tayong makibagay sa ibang wika (ibig sabihin ibang mga titik ang ginamit) nang sakupin tayo ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Bagamat napakakaunti na lamang ang gumagamit ng lumang alpabetong Pilipino ngayon, may kasiguraduhang halos lahat ng mga sinaunang Pilipino ay gumamit ng kanilang sariling alpabeto. Kung ating palalawakin, may mga dalubhasang nakahanap pa ng mga pangkat-etnikong napanatili sa kanilang mga isipan at kultura ang ating lumang tradisyon ng pagsusulat. Nakalulungkot sapagkat halos nawala na ito at napalitan ng modernong alpabetong ginagamit sa kasalukuyang panahon. Hindi gaya ng mga bansang Tsina, Japan at Saudi na may sari-sariling pagsulat, nabawasan ang napakalaking bahagi ng ating kultura sa pagsulat gaya ng mga katutubo. Napakasaya sanang isiping may sarili tayong paraan ng pagsulat at maging mas makulay pa ang nasimulang kultura noong unang panahon.


Kaugnay ng matandang pagsulat na ito, may mga napakatanda nang sibilisasyon at pangkat-etniko ang naninirahan sa ating bansa sa Banaue – ang ating mga kaibigang Ifugao. Ang kanilang nakamamanghang hagdan-hagdang palayan ay hindi lang basta-bastang ginawa. Naging mabusisi ang pagbuo sa pinakamainam na taniman ng palay sa buong mundo. Mayroon din silang mga ritwal na ginagawa sa bawat panahon – panahon bago magtanim, pagtatanim, paghihintay at pag-aani. Bawat nilalang, lalaki man o babae ay may sari-sariling mga parteng kailangang gampanan sa bawat panahon. Sa mga pahayag na ito, masasabing ang kanilang pamumuhay ay umiikot sa kanilang mga pananim – sa kanilang napakagandang likha.


Nawalan man tayo ng napakalaking puwang sa kultura, dumaan man tayo sa hirap at hinagpis, naging makulay pa rin ang ating panitikan. Ang papel natin ngayong mga Pilipino sa kasalukuyang panahon ay hindi lamang ipagpatuloy ang napakagandang simula ngunit magkaroon din ng utang na loob sa mga nagtaguyod at nagligtas sa ating napakagandang panitikan.

July 23, 2010

BAUL: 2ndQ, Output 1

-->
Filipino IV

IV - Faraday
Agosto 30, 2009
Gawain 1
Ginang Gozo

May Karapatan Lahat


Sa ating paglaki, marami nang mga impormasyon ang ating naririnig, nalalaman. Maaaring galing ang mga ito sa ating tahanan, sa paaralan at maging sa lansangan. Maaaring noong bata pa tayo, sa loob ng ating mga tahanan, sa mga naririnig natin kung kani-kanino ay naniniwala na kaagad tayo, hindi man lamang natin inisip kung tama sila o mali. Hanggang sa makapasok na tayo sa paaralan, may mga itinuturo nang mga bagay sa ating hindi rin natin maiiwasang paniwalaan sapagkat guro na ang nagsasabi sa atin. Sa lansangan, marami rin tayong maririnig. Ngunit sa tagal ng panahong nahihigop natin ang iba't ibang mga impormasyon mula sa iba-ibang pinanggagalingan, 'di maiiwasan ang maguluhan at maitanong sa sarili - nasa tamang panig ba ako?


Lahat tayo ay mayroong karapatang magsabi ng ating mga opinyon. Lahat ng opinyon at tama. Lahat tayo ay may kalayaan sa pananalita. Nasa sa atin naman kung may gusto tayong sabihin tungkol sa isang bagay na ating nakita, narinig, nalasahan o kahit ano pa man. May kalayaan tayo sa pagpapahayag ng damdamin sa mga palabas na ating napapanood, mga awiting ating naririnig at mga tsismis na ating nasasagap. Wala ring makapipigil sa ating magbigay ng ilang kumento sa mga nababasa nating mga pahayagan o mga likha ng mga letra. May kalayaan tayong sabihin ang ating mga saloobin sapagkat masamang naiipon ito at baka sa huli'y pagsisihan natin kung hindi natin ito nailabas habang maaga pa. Maaaring hindi tayo maliwanagan kung hindi natin minsang ilabas ang ating mga nais sabihin. Walang napapala ang tao kung hindi siya susubok. Ngunit sa kabila ng kalayaang ito, may mga pangyayaring tila nakapagpapagulo sa ating isipan o hindi natin matanggap. Ang mga anak na sumasagot sa magulang ay mali. Oo nga, sabihin na nating ipinagtatanggol natin ang ating mga sarili habang pinagagalitan tayo ng ating mga magulang ngunit sa bandang huli, lagi nating iisiping alam nila kung ano ang pinakamakabubuti para sa atin. Ang mga nagtratrabaho naman sa mga pahayagan at pagbabalita ay minsan na ring tinanggalan ng kalayaan. Sila ay pinapatay ng mga makapangyarihan, pinatay silang mga taong walang ibang ginawa kundi iparating ang boses nila, ang boses ng bayan, iparinig sa maraming tao ang mga saloobin ng iba. Sobrang mali ang pagpaslang sa kanila.


Sa huli, ang tama pa rin ang magwawagi. Maaaring magustuhan natin o hindi ang mga posibleng kalalabasan ng ating paghahayag. Ang importante'y lahat tayo ay may pagkakataong masabi sa ibang may kalayaan tayo sa pagsasalita.

BAUL: 1stQ, Output 5

-->
Hulyo 12, 2009

Mayroon Pa Ba?


Kaya pa ba natin? May makalulutas pa ba? May tutulong pa ba sa atin? May pag-asa pa ba tayong bumangon? Wala na ba talagang kuwenta tayong mga Pilipino, ang ating mga napag-aralang pag-uugali, ang ating kultura, ang ating mga tradisyon, tamang pag-iisip, determinasyong magtagumpay, sentido komun at bait para lang magtapon ng basura sa tamang lalagyan?


Siguro naman alam natin ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin. Hindi na natin kailangang pag-isipan pa nang sobrang tagal kung madali lang nating matutukoy kung ano ang sagot sa napakasimpleng tanong na ito - Mali ba ang ginagawa ko?


Laganap na ang krimen sa bansa. Noong simula pa lamang ay napakaunlad ng ating bansa. Hindi naman sa may maipagmamayabang na tayo sa mga nangungunang mga bansa ngunit tayo ang tipo ng bansa noon na maraming maipagmamalaki sa iba, natatangi at hindi pahuhuli. Sa kabila ng lahat ng mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin, may kagustuhan ang damdamin ng karamihan sa atin ang maging mas mataas sa kapwa, makuha lahat ng gusto at sumama sa pagpaparami ng mga kotse nina Gates, Sy at Akon, karamihan pa sa kanila ay mga matataas na.


Magsimula sa itaas. Mayaman na, nagpapayaman pa, dukot dito, dukot doon. Hindi na naawa. Inuubos ang pondo ng ating bansa para lang sa kanilang sari-sariling mga panggastos. Takot mabawasan ang saku-sakong pera. Ang iba siguro'y hindi na nagagamit. Hindi na umiikot ang mga perang naipon sa pandaraya, pahirap na nang pahirap ang ating bansa.


Bawas na ang pondo natin nang malaki kung gaganyan ang ating mga pinuno. Tingnan ninyo, nakaririwasa ang ating bansa sa buhay noon, ngunit nang lumaon, unti-unti tayong humirap.


Alam nating nabawasan ang panggastos natin sa mga matataas pa lamang, pero hindi roon nagtatapos lahat. Papasok na ang mga namumuno sa mas mababang kapulungan at ang mga bundat sa kalsada. Kumukuha rin sa mga kapwa, wala talagang awa. Kakaunti na nga lang ang sinusuweldo ng mga tsuper at iba pag mga manggagawa, pilit na ngang nagbabayad ng buwis ang mga mamamayan, todo kupit pa rin sa kaban ng bayan.


Anong resulta? Siyempre, mauubos ang pera ng bayan, dadami ang mahihirap, madadagdagan ang dami ng walang trabaho at mapipilitang gumawa ng hindi kaaya-ayang bagay ang mga tao. Pumapasok ang mga magnanakaw, manghoholdap, mangingidnap, manloloko, illegal recruiters, akyat-bahay gang, mangungupit, drug pushers, drug lords at mamamatay-tao. Hindi rin mauubusan ng mga pupuwedeng ibenta tulad ng kidneys, lungs, alindog ng katawan at baka sa sobrang hirap ng bansa natin sa mga susunod na panahon ay pati hanging nilalanghap natin ay ibenta na rin.


Noong simula ay maunlad tayo, sa mga panahon ngayon ay humihirap na tayo, isa lamang ang ibig sabihin - unti-unti tayong bumababa. Kung ganito na lang ang nangyayari, malamang ay padamot na nang padamot ang mga nakatataas, makokotong at makokotong ang mga tsuper at dadami nang dadami ang madudukutan ng cellphone pagbaba ng mga pasahero sa may bandang Divisoria.


May pag-asa pa ba?