November 26, 2011

Pakiusog Pa Banda Rito. 'Yan! Thanks!

Kapapagupit ko pa lang, hindi dahil sa kagustuhan ko kundi dahil sa kagustuhan ng nanay ko. Ayaw kong nagpapagupit. Ang lambot kasi ng buhok ko kapag malago. Kapag nagpapagupit ako, tusok-tusok ang nakakapa ko kapag hinihimas ko ang tuktok ng ulo ko. Ayaw na ayaw ng nanay kong nakikitang malago na ang buhok ko. Oo, malago ang ginamit kong paglalarawan sa aking buhok. Hindi ko naman kasi ito nakikitang humahaba pababa. Pataas ang paglago ng aking buhok. Kulot ako.

Kung madalas kong makita sa mga tao ang kanilang mga mata at tiyan, buhok ang unang napapansin sa akin ng mga tao, kapag malago na ito. Sinabayan pa ng kutis kong hindi maputi ngunit hindi naman sobrang itim, hindi matangos na ilong na nasa hindi katangkarang katawan. Siguro, kung hindi ako kulot, hindi ako magmumukhang katutubo. Noong maliit ako e inaasar na ako sa elementarya na malapad ang aking noo. Sa itim ko ba namang ito, kumikintab ang aking noo sa tindi ng liwanag ng araw. Natutuwa ang mga kaklase ko sa kaaasar sa akin habang nilalasap nila ang aking pagtahimik at pag-intindi sa kanilang mga pang-aasar. Alam nilang nababadtrip ako kaya tuloy pa rin sila sa pang-aasar. Kapag sinabayan pa ng pansin nila sa aking buhok, tiyak at panigurado, ita naman o negrito ang mga susunod na banat sa akin.

Gumradweyt naman kami ng aking mga kaklase sa elementarya nang walang sama sa loob. Hindi na rin naman ako nasasaktan kapag tinatawag akong ita. Kaya noong high school, nakikitawa na rin ako kapag sinasabihan nila ako ng ita, negrito, kulot at maitim. Tinanggap ko nang pangit ako sa paningin nila. Ganito man ang mga tawag nila sa akin, tinatanggap ko pa rin sila bilang mga kaibigan. Okey na sa akin yung nakikipagbiruan nang ganoon, hindi ko naman na dinaramdam. Minsan na rin nagkaroon ako ng kaaway at tinawag niya akong ita, kulot at pandak (ito yata yun). Tinanong niya na rin kung saang tribo ako nanggaling. Minabuti ko nang i-print screen ang aming pag-uusap at i-post sa aking blog ang nangyari. Natawa naman ang mga kaibigan ko, hindi sa akin, kundi dahil sa kababawan ng mga ibinabatong pang-aasar sa akin, sa kababawang ng pang-aasar na minsan ginagamit din nila sa akin. Silang mga kaibigan kong kapag nakikita ako e hinihimas nila ang malambot na carpet sa ibabaw ng aking malapad na noo.

Nakalaya na ako sa mataas na paaralan, nakalayo na ako mula sa pagkadami-daming patakaran. Puwede na akong magpalago ng buhok hanggang sa gusto ko - pero akala ko lang pala iyon. Gusto ng aking mga kapatid na pa-afrohin ang aking buhok, gusto ko rin. Ang kaso lang, ayaw talaga ng nanay kong lumalago ang aking buhok, pangit daw. Siya lang naman yung nagsasabi ng pangit. Kung lahat ng mga nanay sa mundo e pogi at maganda ang itinuturing nila sa kanilang mga anak, yung nanay ko e napapangitan sa akin sa tuwing malago na ang buhok ko, na hindi naman napapansin sa akin ng aking mga kaibigang mali. Gusto kong magmukhang African o buhok man lang ng African o ita paminsan-minsan.

Madalas akong pagupitan ng aking nanay. Madalas niya ring pinipilit na suklayin ang kulot kong buhok. Magulo raw. Natural, magulo, kasi nga kulot. Kailan pa naging tuwid at hindi nakamamanghang tingnan ang kulot? May mga anggulo pa ring magulo. Ang pangit daw ng hitsura ko kapag hindi ako nagsusuklay. Hindi naman ako nilalayuan ng aking mga kaibigan at mga kaklase sa paaralan. Panay himas naman sila sa buhok ko. Hindi naman sila nandidiri sa akin. Nanay ko pa ang nandiri sa akin. Kung kailan naman tanggap ko na sa sarili kong katutubo ang unang nakikita sa akin ng mga tao, pilit namang sinusuklay ng aking nanay ang aking buhok. Minsan, muntik pa kaming mag-away dahil sa hindi ako nagsuklay bago matulog. Bago na iyon matulog, magugulo na talaga ang buhok kong magulo, pinapaayos niya pa.

Masaya akong naging kulot ako. Unang-una sa lahat, hindi ko na kailangan pang magsuklay pa. Kapag nahuhuli ako sa klase, kahit hindi na ako maligo, pakiramdam ko maayos na ang buhok ko. Hindi ako nagtatagal sa harap ng salamin tuwing pagkatapos kong maligo. Hindi ko na kailangang i-check nang paulit-ulit ang aking repleksyon sa bawat salaming aking dinaraanan. Hindi nauubos ang oras ko sa paglalagay ng kung anu-ano sa buhok para ito'y tumayo, tumigas, kumaway at kumintab. Hindi ko na kailangang hawakan ang aking buhok, pahawi-hawi bawat minuto, paayos-ayos bawat hanging malakas na iihip habang nasa expressway ang sinasakyan kong jeep. Hindi ko na kailangang atupagin. Bahala na kung maamoy ako ng mga tao, maayos naman ang hitsura ko.

Alam kong halos kakulay ko naman ang tunay na Pilipino. May mga kulot, pango at maiitim din naman tayong naging ninuno. Masaya na akong Pilipino ang mukha at pangangatawan ko. Natutuwa ako kapag malago ang buhok ko. Tanggap kong kulot ako at gusto ko ito. Nami-miss ko nang himasin ang malambot ng tuktok ng aking ulo.

November 25, 2011

Tree-Chop

Game. Kaunting kabanuan naman.

Ano ang konsepto ng buhay na tao? Paano mong masasabing buhay ang isang tao? Kung gumagalaw ba ito at nag-iisip, buhay na agad ito? Ang buhay na bagay ba, kailangan ng pagkain para mapanatili ang kanyang sarili na mabuhay? Masasabi bang buhay ang isang tao kung hindi natin siya kilala ni hindi natin alam kung anu-ano ang kanyang mga nais, ang kanyang mga saloobin? Buhay ba ang taong hindi maisaad ang kanyang mga kaisipan tungkol sa buhay? Patay ka ba kung hindi ka nag-iisip? Pagkain lang ba ang nagbibigay-buhay?


Ang panitikan ang sumasalamin sa bawat karanasan ng tao. Dito makikita ang kanyang mga saloobin, mga kaisipan, mga ideolohiya, mga paniniwala at mga pagpapahalaga. Kung may ganitong kahulugan ng panitikan, masasabing ang panitikan ay nilikha ng tao, ang panitikan ay galing sa tao. Mula rito, masasabi nating ang tao, kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, kung babalikan niya ang mga nabuo niyang ideolohiya, kung nauunawaan niya ang kanyang mga saloobin, siya ay nag-iisip. Ang buhay, nag-iisip. Buhay ang kanyang diwa, may ibig sabihin ang bawat kilos na kanyang mga binibitawan at naiintindihan ng kanyang kapwa ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Nakadepende halos lahat ng kanyang mga ipinararating sa kanyang mga karanasan, sa kanyang mga kaalaman. Sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang mga naiisip. Isang ebidensya ang panitikan na buhay ang mga mamamayan ng isang lipunan.


Sinabi na kaninang sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang sarili. Kasama rito siyempre ang emosyon ng isang nilalang. Ang buhay na tao, may emosyon. Nagagamit ng tao ang panitikan sa paghahayag ng iba't ibang emosyong ito, nabibigyan ng kulay ang buhay ng isang tao. Hindi lang naman masaya kapag makulay. Ang makulay, nakararamdam ng maraming emosyon. Hindi ko sinasabing kailangang sabay-sabay silang mararamdaman ngunit mahalaga na ring maramdaman ang bawat isa ng isang taong nabubuhay. Buhay ang isang bagay kung nagbabagu-bago ito. Ang nananatili lamang sa iisang lugar o puwesto ay patay. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikita ng lahat ang pagbabagu-bago ng isip ng tao, ang paglilipat-lipat niya ng kanyang mga pinipili sa buhay, ang pag-iiba-iba niya ng kanyang mga saloobin. Buhay ang panitikan sapagkat buhay ang tao. Buhay ang tao sapagkat buhay ang panitikan. Nasasabi ng panitikan ang bawat pagbabagong ito na ikinikilos, ipinapakita at ipinararamdam ng isang buhay na tao. Kung hindi dahil sa panitikan, walang pagkakaunawaan, walang magtutulungan, walang buhay ang isang lipunan. Mahirap mamuhay nang nag-iisa lamang at nagsisimula ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa-tao sa paghahayag ng sari-sariling damdamin sa iba.


Kilala na ba natin ang mga sarili natin? Mauugat sa panitikan ang pinagmulan ng isang lahi. Ang panitikan ang maaaring magsabi kung saan nanggaling ang isang lipunan at kung anong mayroon sa kanilang nakaraan. Kung inuukit sa panitikan ang bawat karanasan ng isang lipunan, masasabi nating malalaman ng mga susunod na henerasyon ang kanilang pinagmulan. Hindi kumpleto ang iyong pagkatao kung hindi mo nalalaman ang iyong pinagmulan. Ang buhay, kilala ang sarili. Sa panitikan nakasalalay kung paano mong titingnan ang iyong sarili, kung paano kang makikibagay sa iba o kung makikibagay ka, o kung kani-kanino ka lamang makikibagay. Mahalagang makilala mo ang iyong sarili nang hindi ka mapahamak at mapunta sa hindi mo naman gusto. Ang panitikan ang nagpapakilala sa iyo ng iyong sarili, ng lipunang iyong ginagalawan, ng kalinangang iyong kinagisnan ngunit hindi pa lubos na nauunawaan. Buo ka, kumpleto ka, kung kilala mo ang iyong sarili.


Nabubuhay ang tao sa panitikan. Ang panitikan ang ebidensya na buhay ang tao.


ipinasang sanaysay sa "Wala mang praktikal na gamit, bakit mas mahalaga ang panitikan sa pang-araw-araw na kinakain ng isang tao?

Naman

Para lang sa mga hindi ko masabi na gusto kong sabihin, magsasalita na muna ako nang walang sense. Susubukan kong hindi maintindihan ng ibang tao ang sarili ko habang may nakauunawa pa rin. Susubukan kong may magalit at may matuwa rin at the same time. Hindi naman para sa mga taong walang kuwenta at nagpapapansin lang kundi may dating at parating nagpapatakbo ng diwa at damdamin ko. Siya lang naman yata yun. Siya lang sa ngayon. Siya na sana parati. Siya na.

Si Em. Kilala mo naman na siguro siya. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko alam kung paano ko palulupitin 'tong post ko tungkol sa kanya. Baka nga maikli lang ang mailagay ko rito. May mga bagay ba naman kasi na hindi ko nasasabi sa kanya nang harapan? Nasabi ko naman na siguro yung mga gusto kong sabihin. Pero sana, sana ngayon, ngayong may pagkakataon na ulit ako sa simula, sana hindi na ako magkamali. Ayoko na talagang magkamali sa ganito. Ayoko nang niloloko ang sarili ko. Ayoko na siyang pahirapan. Hindi ko pa naman yata siya pinapahirapan kung hindi niya ika-count yung makailang beses ko nang pangingiliti sa nakaaakit niyang katawan. Masaya na rin naman siguro kung hindi niya titingnang pang-iinsulto ang pagtingin ko sa maliit ngunit cute niyang height. Aaminin ko, mas gusto ko yung mas maliit sa akin. Mabilis akong makyutan sa mga cute na bagay. Mabilis akong makyutan sa kanya.


Kung anu-ano na lang ba sinasabi ko? Hindi ko na rin mapigilan yung mga sinasabi ko. Gustung-gusto ko siya. Mabilis ko siyang ma-miss. Kapag nag-text siya sa akin bago matulog, parang gusto ko na ulit siyang makita. Kahit ilang oras na kaming magkasamang nakaupo at naghihintay sa improvement ng players sa track oval, hinding-hindi ako nagsasawang makasama siya. Madalas naming hilinging tumigil sana ang oras para lang magkasama pa kami nang matagal. Kapag nakayakap na siya sa akin, ayoko nang tumakbo pa ang oras, ang pesteng realidad. Ayoko nang bumalik sa realidad. Masaya na ako sa ganoon. Masaya na kami. Kapag gumigising ako sa umaga, siya yung hinahanap ko. Kapag nagising ako sa umaga at siya yung napanaginipan ko, gusto kong magwala. Para akong inagawan ng kung ano. Badtrip, ang aga-aga.


Galit siya sa mga tao. Galit ako sa mga tao. Galit siya sa peoplettes. Ayaw niya sa kanila. Maingay kasi sila, tapos nakapaligid pa sila sa amin. Gusto niya, kaming dalawa lang ang magkasama. Makulit siya. Ayaw niyang tumigil sa pangungulit sa akin na hindi ko rin naman pinipigilan. Masaya ako, kaya kahit na anong gawin niya sa akin, okay lang. Kahit sampal-sampalin niya ako, itulak, sabunutan, magpalibre, utusan, tapakan, magpabuhat, lahat, okay lang, basta kasama ko siya. Masaya naman na ako kapag kasama ko siya. Gusto ko siyang kasama parati. Lahat puwede sa akin, huwag niya lang akong sasaktan. Alam niya na siguro kung anong klaseng sakit yun. Alam na namin yun.


Alam naman na namin yun kasi nag-usap na kami dati. Sana maalala niya yung nagkuwentuhan kami, habang magkayakap, nang sobrang tagal sa hindi ko maalalang street. Doon sa street ng Main Lib at malapit yata sa Yakal. Alam niya na yun. Ang tagal namin dun. Kahit sa sobrang sakit na ng mga binti namin, ayaw pa rin naman paawat. Ang tagal naming nagkuwentuhan nang nakatayo, magkayakap. Ayaw na naming maulit ang mga nangyari sa amin noon. Sisikapin naming maging tama lahat ng gagawin namin, nagkasundo sa maraming bagay na mga korning tao lang ang gumagawa at naparami ng tawa, yakap, sandal, halik, kuwento, ngiti. Pero kapag tinuloy ko pa ang pag-alala sa mga ganyang bagay, lalo ko lang siyang mami-miss. Obvious naman kasing hindi ko siya kasama ngayon. Hindi ko rin siguro 'to maita-type kung katabi ko siya, o kung may katabi ako. Hindi rin naman siya makagagawa nang seryoso kapag may nanonood.


Wala siyang pakialam sa mundo. Kapag kasama niya ako, hindi siya nahihiya sa mga tao sa paligid. Gusto ko rin yung part niyang iyon. Malikot masyado, pero masaya. Kahit saan, kahit kailan, keri lang siya sa pagyakap at paghalik sa akin. Hindi man maipakita ng lubhang seryoso kong mukha parati, kinikilig ako. Hindi man karaniwan para sa akin, na para sa lalaki ang magsabi na kinikilig siya, kinikilig din kaming mga lalaki no. Kapag napangiti niya ako, alam niya na yun. Hanggat hindi ako sumisimangot, okay lang sa akin. Hindi niya ako kinakahiya. Mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya.


Hindi ko na talaga alam ang daloy ng mga pinagsasasabi ko rito. Madalas niyang ipaalala sa akin na sa kanya lang ako. "Hoy, akin ka lang ah!" Araw-araw ko yata yan naririnig mula sa kanya. Ayaw niyang mawala ako sa kanya. Ayaw ko ring mawala siya sa akin. Masakit kapag may crush siya, kahit normal lang iyon sa lahat ng tao. Exaggerated ba kapag nagselos ako sa crush niya kahit na alam kong hindi niya ako kayang iwan? Siguro. Masakit naman talaga kasi, kahit sabihin nating crush lang. Masakit talaga. Subukan mong magkaroon ng girlfriend at may crush siya na iba. Masakit nga.


Galit siya sa mga tao. Sinabi ko na kanina. Wala siyang pakialam kahit saan kami. Wala siyang pakialam sa paligid niya, sa mga taong nasa paligid namin. Para sa kanya, nawawala lahat sila, lahat ng nakapalibot sa amin, kapag kasama niya na ako. Wala na siyang ibang nakikita kundi ako. Hindi ko alam kung nagfi-feeling ako. Pero kapag ganoon na siya kumilos, na parang wala nang bukas, wala nang pakialam sa mga tao, ganoon ang nararamdaman ko. Ako lang ang nakikita niya, ako lang. Masaya na ako sa ganoong feeling. Masaya na akong kasama ko siya. Nakaaalis siya ng mga problema. Hindi ko kayang magalit kapag kasama ko siya. Araw-araw akong nakukyutan, natutuwa, naiinlab sa kanya.


Para kay Em. Para sa best friend ko.

Paglalapi - Filipino

Putang ina. NANDITO AKO PARA MAGPALIWANAG KAYA BASAHIN NIYO 'TO, PLEASE.

Oo. Alam ko sa sarili kong marami pa akong dapat na malaman. Aaminin ko ring marami akong inimbento pero hindi ko naman inisip na gagayahin na naman ninyong lahat. Nako. HAY NAKO. NAIIRITA NA AKO SA INYO. Pero wait. Sa akin na lang ako maiirita. Kung hindi dahil sa nagpauso na naman ako ng bago, susunod yung iba, hanggang sa ma-exaggerate na ng lahat ng tao. Katatanga niyong lahat. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyong dagdagan kaming mga tanga sa mundo e ang tatalino niyo na. Kung lahat ng tao sa mundo matatalino, sino na lang ang magbibigay sa'yo ng in-order mong chicken fillet?


Ganito kasi yan:


Kapag sa G o NG nagtapos ang unlapi na ginamit mo sa pandiwang trip mo, tapos patinig yung kasunod, saka ka lang gagamit ng gitling. Halimbawa na lang,


mag-ayos

nag-away
nang-away

Pero kapag katinig yung kasunod na titik sa unlapi mong nagtapos sa G o NG, hindi mo na kailangan ng katinig. Huwag kayong eengot-engot.


maglaba

nagluto

Kapag sa UM at IN nag-umpisa ang ginamit na pandiwa, hindi na kailangan ng gitling,

umalis
inaway


Kapag nagdodoble ka na ng pantig, kunwari para sa pangkasalukuyan, the same rules apply, hiwalay parati ang unang taal na pantig ng pandiwang nasa payak na anyo,


nag-aayos

nang-aaway

naglalaba

iniiwan
umaalis

Kapag nagdodoble ng unang pantig, hindi na kailangan pang gamitan ng gitling sa pagitan ng unang "first syllable" at pangalawang "first syllable" mula sa payak na pandiwa,
magtratrabaho
nang-iiwan

Kapag sa patinig nagtatapos ang unlapi, please, oh please, hindi na kailangan ng gitling,

nakaalis
nakadamit

Puwede yan sa lahat, hindi lang sa pandiwa.


GETS NIYO NA? Ngayong nakita niyo na ang katangahan niyo, kagaguhan ko naman ang ilalantad ko. Hindi dahil sa kailangan ko na namang magpauso, kinailangan ko lang talagang maintindihan kaagad ang mga sinusulat ko kaya naman gumagamit AKO ng hyphen kapag Foreign na salita ang kasunod sa mga ginagamit KONG panlapi,


nag-Playstation

nag-MRT
nag-enjoy
nag-swimming

nagpe-Playstation
nag-e-MRT
nag-e-enjoy
nagsu-swimming


Yan, yan yung naisip ko dati pa para lang sa akin. Para lang hindi ako malito (dahil sa sobrang katangahan ko) kung Filipino o Foreign yung nilalapian kong salita.


PLEASE. Huwag niyo na kaming dagdagan.

November 18, 2011

Warm Wind

Em. Naaalala mo when we were on Life Party when you asked me kung okay lang ako? Well, medyo hindi. Pero ayaw ko lang talagang sirain yung mga gabing magkasama tayo. Alam mo naman ako, ayokong pinoproblema ang ibang tao ng problema ko. Kapag tahimik ako nang ganun, alam mo na rin yun, hindi ako okay. Pero dahil ayokong may tinatago ako sa'yo at sa lahat ng fans ko, sasabihin ko kung ano yung iniisip ko noong mga panahong iyon. Suwerte mo kung maaga kang napadpad sa link na 'to. Hindi ko kasi alam kung trip kong i-send sa'yo ang blog post na 'to. Okay na rin sigurong nagulat ka, nagugulat ka. Paminsan-minsan ang cute mo 'pag sinisinok. Ay, hindi. Parati kang cute 'pag sinisinok kahit na alam ko sa sarili kong ang panggugulat ang nakaaalis ng sinok. Ewan ko. Sininok na yata ako dati dahil sa pagkagulat. Madali akong magulat. Huwag na huwag niyo akong gugulatin.

Magkukuwento na lang ako. Sobrang ikli lang kasi kapag sinabi ko lang nang diretso yung iniisip ko. Masyado akong maraming iniisip. Minsan, naaasar na ako sa sarili ko, hindi dahil sa sobrang dami kong iniisip na malulupit, kundi dahil sa tinatamad akong isulat kaagad yung mga naiisip ko. Tapos nabubura na lang bigla. Sayang. Ang dami ko nang nasayang, pramis. Kahit anong lalim na hukay na ginagawa ko sa paghahanap sa aking kinakalawang na diwa, hindi ko ulit sila matagpuan. Suwerte na talagang sinisipag ako paminsan-minsan.

Para sa mga taong tinatamad nang pindutin ang Retry, ready nang maging tambay at natapos na lahat ng libro sa bahay. Game? Game.

Badtrip. Nanginginig ako. Nandito na ako sa first class ko para sa second sem. Actually, papunta pa lang ako. Nandito na ako sa ikalawang palapag. Paakyat na ako. Paakyat pa lang ako. Nanginginig talaga ako. Hindi naman ako late. Alam ko, hindi talaga ako late. Tiningnan ko yung relo ko. Hindi nga. Ikatlong palapag. Napapagod na puso ko. Napapagod na hindi dahil umaakyat ako gamit ang mga pesteng hagdan. Napapagod na ako sa labis na kaba. Ayaw mawala. Mababaliw na yata ako. Ikaapat na palapag. Palapag na ng first class ko. Unang klase para sa second sem. Ang sakit na ng tiyan ko. Pagod na pagod na ako. Natuyuan na ako ng pawis sa likod nang ilang beses. Bumibigat na ang mga nakikita ko. Bumibigat na rin yata pati bag ko. May humihila sa akin. Hinihila ko na naman yata sarili ko pababa. Gusto kong umupo sa hagdan. Wala nang hiya-hiya kapag nagsimula nang magdilim ang iyong paningin. Wala ka nang pakialam bigla kapag tinanggap mo na sa sarili mong babagsak ka na, kapag pumayag ka nang magpatalo. Ayoko na. Pero, wait. Dapat na nga ba akong sumuko? Wala pa nga e. Hindi ko pa nga alam ang mga mangyayari sa akin para sa sem na may anim na majors. Hindi ko pa naman kilala mga prof ko. Hindi ko pa naman naririnig ang mga boses na mang-iirita sa akin sa buong sem. Hindi ko pa naman nalalaman kung anu-anong pagpapahirap ang mararanasan ko mula sa kanila. Hindi ko pa naman alam kung matutuwa ako sa mga ipagagawa nila. Pagpapahirap na pisikal. Masisira ba utak ko? Isasabay nila pati mental. Kung saan-saan pa ako maglalakad. Marami pa akong tatakbuhin, babasahin, tatawanan, mumurahin. Marami pa akong kailangang gawin, pero bakit ang hinaharap na agad ang iniisip ko?

Hindi ko mapigilan ang pesteng utak na 'to sa pag-iisip ng mga negatibong bagay na maaaring mangyari sa akin. Nahihirapan na agad ako, wala pa nga. Mabilis akong magulat. Mabilis akong kabahan. Kapag hinamon niyo ako ng kahit na ano, iisipin ko agad na matatalo ako. Kasi iniisip ko, wala agad akong magagawa, kahit na alam ko rin na meron. Madali akong matatalo sa lahat, mabilis akong mag-panic. Huwag na huwag niyo akong tatakutin, mabilis akong maniwala. Ayokong nakaririnig ng mga nagkukuwentuhan ng nakakatakot, ng grades, ng terror na profs, ng kawalan ng pag-asa. Mabilis dumami ang mga issues na related sa mga ganyan sa utak ko. Hindi ko na sila mapigilang magparami, sige lang sa pagpapabigat ng saloobin ko, sa pagpapababa ng sarili ko. Kaya mahalaga sa akin ang kaibigan, kahit isa lang. Okay na yun. Masaya na akong may best friend ako, kahit babae. Kahit isa lang na makapagpapaligaya sa akin, na makapagpapagaan pansamantala ng mga dinadala kong ilusyon sa buhay. Nakagagaan din ang pagdadasal. Kailangan natin ng pinaniniwalaan sa buhay, malakas na faith, para sa matibay at buo na loob. Pero kahit na ganoon, umaatake pa rin sa paggising ko ang pesteng pessimism. Hindi pa ako tinatawag ng referee sa ring, umaatras na agad ako. Wala namang gustong mahirapan. Wala namang gustong bumagsak. Wala namang gustong mapahiya. Wala namang gustong masigawan at mamura in the face. Lahat gusto ng pera. Lahat gusto ng malulupit na talent, o kahit pretty face, basta kumita. Pero yung mga pinakamalulupit na bagay sa mundo, pinaghihirapan. Hindi mo sila makukuha nang ganun-ganon na lang. Hindi puwedeng hindi ka lalaban, mahihirapan. Puwede kang madapa. Huwag ka raw mag-expect na iaabot lang sa'yo yung gusto mo. Siguro kung baby ka at mahilig mag-tantrums, baka pagbigyan ka pa ng tadhana. Pero sa panahon ngayon, hindi lahat ng baby na nagta-tantrums nakakakuha ng candy o bagong bisikleta, ikaw pa kaya? Magkakasugat ka raw muna bago lumupit ang buhay mong puno ng pasakit sa umpisa. Walang madaling boss fight. Maaaring mamamatay ka nang ilang beses pero baka puwede mo namang balik-balikan ang boss. Nandun lang yun parati, naghihintay.

Pero pepestehin ka pa rin talaga ng pag-iisip mo. Ikaw mismo ang hihila sa sarili mo pababa. Kahit anong sisi ang ipagtuturo mo sa iba, MAY KASALANAN KA PA RIN. Marami ka nang iniisip. Anong mangyayari sa'yo paglaki mo? May trabaho ka kaya? Maibibigay ko ba sa mga anak ko ang naiparanas sa akin ng mga magulang ko? Kakayanin ko ba ang mga ipagagawa sa akin ng prof ko? Tatanggapin kaya ng lipunan ang mga pinagsasasabi ko? Sa dinami-dami nang nailimbag, may maidaragdag pa ba ako? Kailangan ba talaga malupit ang pagkaka-cite o document? Maaabot ko pa kaya ang mga pangarap ko? May pangarap pa ba ako? Nabura na ba nang tuluyan ang mga pangarap ko? O puwede ko pang isulat ulit ang pangarap kong unti-unti nang naglalaho? Gusto ko ba talaga ang gusto ko?

Siguro kasi, natatakot ako sa pagbabago. Marami naman yatang katulad ko. Oo, masayang magpalit ng desktop paminsan-minsan, pero nami-miss ko pa rin talaga yung gusto ko. Masayang mag-settle down na sa kung anong puwede na talaga, puwede na talaga 'to. Pero hindi ganoon gumana ang buhay. Lahat nagbabago. Kung may jejemon nang nangyari sa wika, aircon na mga jeep, nagsasalitang aso at lumilipad na bola sa Japan, kailangan talagang humabol ng tao sa kung ano ang tama, kung ano ang mga dapat gawin. Walang gustong magpahuli. Sulit naman siguro lahat ng mga nakamit sa pagpapahirap no? Hindi ganoon kasaya kapag nandaya. Mas masayang nadiskubre mo sa sarili mo kung saan makakakuha ng Poké Flute kaysa sa naghanap ka pa ng guide sa Google.

Paano kung bumagsak nang ilang ulit na? Paano kung hindi na gumradweyt? Paano kung maiwan ako? Paano kung nauubusan na ng pasensya? May darating namang tulong. Siguro, may tutulong naman din habang simula pa lang. Siguro, kaya ko naman.

30 minutes na ang lumipas. Hindi dumating ang prof ko para sa unang klase. Badtrip pa rin.