January 28, 2012

Oo, Putang Ina

Pagsusulatan?


Sa likod ng notebook ko. Ang linis e. Hindi ako makatiis sa mga empty spaces sa notebook ko. Ayaw ko rin ng mga hindi pantay na bagay. Punung-puno yung kaliwang bahagi ng notebok kong malupit tapos yung kanang part e walang laman? Naaatat talaga akong sulatan ang mga blankong papel. Kahit siguro mag-drawing lang ako ng nakatayong taong naggigitara, masaya na ako para sa likod ng notebook ko. Minsan, kapag tinatamad akong kunin yung notebook ko, ita-type ko muna sa notes ng iPod o cellphone ko. Saka ko lang sila isusulat kapag may time na o nasa mood na akong tumae. Sa mga blankong yellow pad, notebook, quiz booklet at ticket sa bus, maraming salamat.



Panulat?



Ballpen. Black. Panda or Pilot masaya na ako. Babaliin ko sa harap mo ang ireregalo mo sa aking G-Tech or whatever sign pen, or sobrang tulis na pen. Naiirita ako sa mga ganung klaseng pen. Kung hindi nabubutas yung papel na sinusulatan ko e nawawalan ng itatae yung ballpen na yan sa akin kasi sobrang diin ko magsulat. Kapag nagsulat ako e bumabakat sa tatlong papel. Tanggap ko na rin ang MS Word para sa pagsusulat. Okay na yung mga daliri ko sa keyboard. Masaya na silang katatalon sa mga titik kaya kahit sobra-sobra ang pagsabog na pinagpuputok ng butsi ko, mas mabilis na nasusundan ng mga daliri ko sa keyboard ang daloy ng aking mensahe kaysa sa pagsulat ng aking kanang kamay sa papel. Masaya rin namang may draft na akong naisulat sa likod ng notebook ko bago ko siya ilipat sa laptop ko.



Eh ano naman?



Wala lang. Naaatat talaga ako. Parang super call of nature. Hindi ako mapakali kapag hindi ako nagsusulat. Hindi ako makagawa nang maayos ng mga gusto kong gawin kapag nananawagan ang mahiwaga kong ballpen at nagdudugong utak. Feeling ng inner side ko, gusto niya talagang ilabas ang gusto niyang sabihin dahil araw-araw niyang isisigaw yung gusto kong isulat hanggang sa bumigay na ako sa paninigaw niya at magsisimula na akong isipan ng malupit na intro yung naisip kong akala ko'y malupit na paksa o kahit isang malupit lang na linyang naisip ko. Mula sa isang maliit na obserbasyon sa masarap pagtripang mga tao o kaya magandang punch line o astig na kumento, marami nang gustong idagdag ang aking naiisip. Hanggang sa nakakabuo na ako ng maraming pangungusap, ideya, paksa, talata, hanggang sa gusto ko na talagang isulat dahil baka makalimutan ko yung iba.



Eh para kanino?



Para sa akin. Masaya akong binabasa ko ang sarili ko. Masaya ako sa mga nagawa ko kasi ang saya sa feeling nang may natapos at binabasa. Para sa mga pinatatamaan, para sa masa, para sa mga mokong, mga papansing katulad ko. Para sa mga Pilipino, para sa kabataan, para sa mga tanga, para sa mga nagtatalinu-talinuhang katulad ko, para sa mga bobo, para sa mga tao. Para makahanap ako ng tamang paraan, para sa kapwa ko, para sa mga kaibigan ko, kasama sa buhay. Para sa kanila, sa inyo. Para sa mga jologs, para sa mga fans ni Justin Bieber, para sa mga mahilig sa musika, sa laro, sa pagkain. Para sa isang taong may masayang pagtingin sa buhay at kakaibang pagtingin sa mga tao.



Kung manunulat ako, gugustuhin kong mabasa ang mga sinusulat ko. Gugustuhin kong makapagmulat ng isipan, makatulong sa panitikan ng Pilipinas at makapagpasaya ng aking mga mambabasa. Kung manunulat ako, layunin kong tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Hindi ko hinahangad na sumikat bagkus ay luminaw lamang ang pagtingin ng mga tao sa mundong aking ginagalawan. Gusto ko lamang makita nila ang mundo kagaya ng malabo pa ring pagtingin ko rito. Kung manunulat ako, gusto kong masipa ang damdamin ng mga tao, makiliti sila o kaya'y mapaisip sila sa mga sinasabi ko. Kung manunulat ako, may pakialam ako, magtatanong ako nang magtatanong, pipilitin kong sagutin ang aking mga tanong, maghahanap ako, makakahanap ako at magpapahanap ako.


creds

Urbana at Feliza


Freshie: Ate, kinakabahan po talaga ako. Isang week pa lang, takot na takot na ako. Haha. Patulong naman po. Kahit konting advice lang po. Hehe.


Upper: O ano, kumusta naman ang first week mo sa klase, sa school? Hassle no? Ang daming kailangang ipasa na feeling mo e hindi mo naman magagamit nang buo at nagsasayang ka lang ng pera. Pero, sinasabi ko sa iyo, kailangan mong gawin, ang dami mo ring dapat bilhin, lahat ‘yan ay kailangang matupad sa ayaw at sa ayaw mo kasi ayaw nating lahat na napapagalitan at napapahiya.


At dahil matagal na akong nag-aaral dito, (Huwag mo nang itanong kung ilang years na! Mahirap lahat dito! Mahirap makapasok, mahirap sa loob, mahirap din makalabas!) at alam ko naman na kung anong oras na naman ako matatapos magpo-procrastinate, bibigyan na lang kita ng mga advices na sa tingin ko e makakatulong para maka-survive ka naman kahit papano at heads up na rin sa nakakagulat at nakakaasar na mga pangunahing ipinapatupad sa school, para ngayon pa lang magsisi ka na at makapag-isip nang maaga kung ayaw mo ng ganitong buhay.


Huwag na huwag mong kalilimutang magsuot ng ID, unless kilala ka na ni Papa Guard. Dahil sa dinami-dami nang pumapasok dito para sa mga kung anu-anong bagay, maganda na rin yung hindi ka pinaghihinalaan ng mga tao sa loob ng campus, lalung-lalo na ng mga prof at ng mga papa guards. Hindi naman sigurong nakakatuwa kung haharangin ka na lang maya’t maya ng mga matatanda.


Huwag mong masyadong gawing bonggacious nang bonggang-bongga ang iyong hairstyle. Yung tipong, kulay parrot (huwag ka na lang magpakulay kung hindi naman talaga kinakailangan), sintaas ng mga punk sa internet, sintigas ng buhok na parang sa Statue of Liberty. Una sa lahat, nakaka-distract kang tingnan at ayaw ng mga prof dito na nakaka-distract kang tingnan. Pangalawa, gusto ng council dito na iisa lang ang nakikita nila sa mga estudyante. Ayaw nilang may bigla na lang naiiba. At diyan na rin papasok ang uniform kasi nga gusto nila ng ‘uniform’ na populasyon sa campus. Nako, ngayon pa lang ay magba-bye ka na sa mga alahas mo sa katawan, kahit yang mga baller na yan. Suwerte mo kung walang nakapansin sa mga iyan sa una mong linggo. Kapag nakita yan ng mga matatalas na mga mata, kukunin iyan sa iyo at puputulin sa harap mo. Kapag medyo mahal e baka kumpiskahin na lang nila at ibenta sa magpagkakakitaang presyo – pero teorya ko lang naman yan. Para na naman sa pagtataguyod nila ng iisang paniniwala at iisang pagtingin, huwag mo munang kulayan ang iyong katawan pag nasa campus ka na.


Syempre girl, kapag naka-PE uniform ka na, baka bumakat ang iyong bra. Baka naman may mga hindi ka rin colorful na bra. Bahala ka, baka ipatanggal sa iyo yung bra mo. Joke! Pero please, iwasan na lang natin talaga ang masita nang masita at magkaroon ng rekord sa office. Nako, ayaw natin ng ganyan!


And last, but not the least, para sa ikagaganda na rin ng reputasyon mo, maligo ka bago pumasok ng school. Dapat neat kang tingnan kaya para kahit nakalimutan mo ang ID mo, na sana’y hindi mangyari sa’yo, hindi ka pagsusupetsahan ng mga papa guard at mga taong naghahanap ng mapagtitripan sa campus bilang masamang tao o kung anupamang makapagpapapangit sa image ng school natin.


Napansin mo na siguro ang pagdadasal before and after class. Masanay ka na. Pero siguro naman, nung elem e tinuruan na rin kayo magdasal, before and after. Okay na rin siguro yung feeling na humihingi ka ng guidance from God sa mga makakasalamuha mo pang mga tao dito sa campus. Ipag-pray mo rin na sana hindi maalala ng prof na may quiz kayo that day, na submission niyo na pala ng requirements, may exam pala kayo or recitation, report, at malay mo, malay mo lang talaga, sagutin iyan at malimutan ng prof ang lahat, kasi, sa DAMI talaga ng gagawin mo rito, iwiwish mo talagang ma-delay ang ilan sa mga gawain. Siyempre dun sa prayer after class magpapasalamat ka, pero kapag naalala ng mga prof mo, baka tanungin mo si Lord kung bakit niya ginawa iyon sa iyo, kung bakit ang hirap-hirap ng quiz or exam. Bale makakapag-reflect ka sa sarili mong ang tamad-tamad mo pala at hindi ka talaga nakulangan sa oras. Masaya rin magdasal no? HUWAG na huwag ka ring gagalaw kapag Angelus time at 3 o’clock Prayer time kasi pagagalitan ka rin. Magbigay ka na lang ng paggalang, saka ka magwala sa bahay kapag nakauwi ka na.


Ang pagkuha ng 12 units of Theology ay requirement din kaya dehins ka makakaayaw sa mga subjects na yan. Pero malay mo, makaramdam ka ng ‘calling’ o ‘pagtawag’, para sa pag-aalay mo ng iyong sarili sa ating Panginoon. Huwag sanang ‘calling’ ng magulang mo kasi bagsak ka. Hahaha!


Marami ring fee ang mae-encounter mo rito – Donation Fee, Powerplant Fee, Energy Fee, and so on. Nako, kailangan mo talaga Magtim Fee sa mga fee na yan kasi required din sila. Kailangan bukal sa loob, pero required. Required na DONATION FEE. As in. Magbigay ka na lang kung gusto mong manatili sa school.


Kung may ‘calling’ ka naman sa ibang mga bagay tulad ng pagtataguyod ng iyong sariling Org or whatever council, lahat ng mga iyan ay dadaan sa Admin. Nako, kung ako sa’yo, hindi na ako makikipagkilala o makikipagbanggaan sa Admin. Pero kung gusto mo, sige, BAHALA KA. HUWAG MONG SABIHING HINDI KITA BINALAAN. MAGSISISI KA BAHALA KA.


Ay ito pa pala, may mga camera everywhere sa school. Huwag kayong magkukumpulang magkakaklase dahil oras na naabutan kayong magkakadikit at mukhang nagp-planong team sa basketball, muli’t muli, lagot na naman kayo sa mga papa guard, or council, or prof, or kung sinumang walang mapagtripan. Mag-smile ka na rin kung may time ka sa mga camera na madadaanan mo para magmukha ka namang mabait sa paningin nila. Pero huwag naman araw-araw kasi, kahina-hinala rin naman pag ganon.


Yung mga school supplies mo pala, sa susunod, sa school mo na bibilhin. Sayang lang yung mga pinamili niyo sa National kung ngayon mo lang ito nalaman. Gusto rin siguro ng pamunuan e pare-pareho lang tayo ng ginagamit. Parang wala na tayong pinagkaiba sa mga factory workers, iisa itsura, iisa ang gamit. Pero drama ko na lang yan, chos!


Huwag na huwag ka rin sasalampak o uupo sa mga corridors at hall ways. Pagtitingnan ka ng mga tao, kasi ikaw lang ang gagawa ng ganun, kahit na lahat naman tayo e gustong magpahinga kung saan dadapuan ng pagod. Marami namang benches sa campus e, kaso nasa initan. Ayaw lang nilang magmukha tayong pulubi, kahit na alam nilang hindi naman sila nagpapapasok ng pulubi. Ayaw nilang magmukhang makalat ang hall ways at corridors kahit na alam naman nilang naka-proper attire tayo at may ID at all times.


Kapag may discussion kayo sa loob ng classroom, huwag na huwag mong tatanggihan ang prof. Puwede kang magtanong pero ang tanong mo e dapat may hindi ka lang naintindihan o narinig o may gusto ka lang ipaulit. Hindi mo puwedeng i-engage sa isang debate ang isang prof para lang ma-prove mo na mas tama ang iniisip mo, kahit na feeling mo talaga, tama ka. LAGING tama ang mga prof dito. Sumunod ka na lang sa mga sinasabi ng modules at huwag nang kuwestiyunin ang kanilang mga sinasabi. Magbabasa ka na lang, makikinig at magtatanong ng hindi narinig. Kapag may assignment, sa module o book nilang ini-require ka na lang tumingin. Nandun naman na siguro yun. Huwag ka nang mag-research pa sa internet, dahil kahit na tama at may point ang mga isasagot mo, ang isasagot lamang na TAMA ng prof mo e yung mga itinuro niya at yung mga nakasulat sa module o book na memorize na niya cover to cover.


Huli sa lahat, pag aalis ka na sa school at nakatapos ka (na sana ay matupad naman sa takdang oras. Haha!), ibabalik mo nang bukal sa loob ang mga BINILI mong libro. O diba, ang saya-saya.


Sana manatili ka rito gaya ng mga ginawa ko para maka-survive in an environment like this school. Sinabi ko na ang ilan sa mga bagay na puwede mong magamit at matandaan para makatulong na rin sa iyo.


Freshie: Wow, Ate, thank you po!


Upper: Good luck!

January 25, 2012

Buhat


Em,

Feeling ko, gusto mong magsulat. I mean, hindi mo siya hobby, pero from time to time, siguro, kapag may hindi ka ma-express sa pagdo-drawing, isusulat mo na lang. Katulad ng ginawa mo ngayon, sinulat mo. Ang sarap ng feeling di ba? Ang sarap ng feeling ng may inilalabas ka ng sobrang bigat sa feeling kapag patuloy mo siyang dinadala. Parang utot lang yan e. Sasakit tiyan mo kapag hindi mo ilalabas, mahihiya ka pa, e lahat naman ng tao umuutot. Malakas ang impact ng utot kapag walang tunog – na kadalasang nangyayari kapag matagal mo nang pinigilan o kaya masakit talaga sa tiyan. Tulad ng utot na mabahong iyan, napakalaki ng impact sa akin ng ginawa mong paglalabas ng saloobing ito. Hindi ko man inaasahan mula sa iyo, kasi nga, ayaw mong nagsusulat, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Para sa akin kasi, ikaw, okay pa yung pagsusulat mo, natutuwa pa ako sa mga sinasabi mo. Kapag ako na ang nag-drawing, baka tawanan mo na lang ako. Kunwari, gusto ko talagang ipakita kung gaano ako kasaya sa tuwing kasama kita, sa pagguhit ko gustong ipakita kasi nga sinulatan mo ako, baka mag-drawing na lang ako ng smiley face.

Iba rin kasi yung nakakapag-express ka sa salita, right? Marami kang puwedeng isingit nang isingit, makikita ng kausap mo yung mga gusto mong sabihin. E napakagaling mong visual artist, itinatago mo sa mga pagguhit mo ang iyong mga nais sabihin. Kailangan ko pang magtanong o di kaya ay titigan pa nang mabuti yung drawing mo. Kapag nag-drawing ka kasi, may memories agad yun. Isipin mo, after many years, kapag nakita ko ulit yung drawing mo sa ating dalawa na may hawak akong gitara at yung iyo naman ay drum sticks, marami na tayong maaalalang gunita. Siguro, nandun na yung a picture with a thousand words. Yung iyo, maraming kulay, mas masayang tingnan. Kapag ako nagsulat, black and white lang malamang, tapos babasahin mo pa bago ka makaalala. E ang drawing, isang tingin mo lang, BOOM! Sasabog agad lahat sa utak mo. Masuwerte akong nakilala kita, kasi magaling ka mag-drawing. Kapag may natuwa sa’yo em, ibig sabihin nun, magaling ka, at may igagaling ka pa.

Sa mga iniisip mo sa buhay, pareho lang naman tayo e. Gaya-gaya ka na naman. Pero dahil nagmamahalan tayo, siguro sasabihin ko na lang na mutual ang pag-iisip natin, o pareho, magkatuwang parati yung iniisip natin. Masaya sa pakiramdam yung nagkakasabay tayo ng sinasabi paminsan-minsan, tapos ngingiti tayo, tapos kiss na. Pero sa susunod na panahon na yung kiss. Pag-usapan natin yung nagkakasabay tayo magsalita, ng parehong pangungusap, ng parehong tono, ng bilis. Yung epic moment na ganyan, ang saya alalahanin, kasi ang dating sa akin, pareho tayo mag-isip, hindi mahirap kuwestiyunin kung para nga tayo sa isa’t isa.

Maaalala ko lang, noong una kitang nakita, noong grade school, sinabi ko agad sa sarili kong crush na kita. Maliit pa lang tayo non. Tapos ngayon medyo maliit na lang. Pero ang tagal-tagal na non em, many, many years ago. Ipapasok mo pa yung fact na 4 years tayong hindi nagkakausap noong high school. Simpleng chat lang. Simpleng text lang. Simpleng paglalakad lang sa Festival. Pero kung susumahin, halos hindi talaga tayo nagkakilala. Pero last sem, nung nakita kita, iniisip ko, bakit gusto kitang kausapin? Bakit gusto kitang makatabi? Bakit gusto pa rin kitang makasama kahit na alam kong anim na taon tayong halos hindi nakapag-uusap? At sa tinagal-tagal nating panahong hindi man lamang nagkakilalahan ng bawat isa, sa anim na taong paggawa at pagpapakita ng wala sa isa’t isa, bakit may gusto pa rin ako sa’yo?

Gusto ko na sanang magbago. Gusto ko na sanang makakausap ng babae initially nang harapan. Ayoko nang magkamali sa chat, sa Facebook, sa text. Ayoko na ring magkamaling tumingin sa iba. Ayoko na ring mang-iwan, manakit, madapa, hindi mamansin. Noong nakita kita, hindi lang iyong simpleng pagtingin lang kung okay ka ba maging girlfriend. Hindi. Inuulit ko, gusto kong magbago. Gusto ko nang gawin yung hindi ko nagawa sa iyo noong grade school, yung mga dapat na ginawa ko na agad, yung mga bagay na hindi ko dapat gawin sa mga panahong nasa high school na tayo. Noong nakita kita ulit sa Geog room natin last sem, inisip kong gusto ko nang magbago. Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong magbago. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng kakaibang mundo mo. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng pagbalik, muling pagkilala sa sarili, muling paglasap sa sarap ng pag-ibig at yung feeling na may kaisa-isang nakaaalala sa’yo na kaedad mo.

Alam mo, mabilis din kitang ma-miss. Yung tipong alas diyes na, ay, time na. Kahit na naririnig mo akong ‘Hoy, alas eight na. Malapit na ang curfew mo.’ Hindi ako nagmamadaling umuwi. Kung puwede nga e, iuuwi kita. Haha. Pero many years from now pa iyan. Let’s not break the trust our parents have given us. Kaya kapag naaatat na akong umuwi ka na, e para rin sa ikabubuti natin. Para rin sa mga tao sa boarding house mo, na umuuwi ka naman before 10. Ayoko lang na magsumbong yung mga tao riyan sa boarding house mo sa mommy mo. Kapag nangyari yun, mas malala. Ayokong pagbawalan tayo. Ayokong paghiwalayin tayo. Ayokong mailayo ka sa akin. Ayokong pigilan nila ako para sa’yo, kasi ikaw na talaga yung gusto ko. Ikaw na yung gusto kong makasama. Ikaw yung gusto kong pakasalan. Ikaw na yung magiging purpose ko sa buhay paglaki ko. Ikaw yung gusto kong makasama sa mga karanasan pang dadapo sa akin. Ikaw na talaga. Ikaw na nga. Ikaw na.

Sana alam mo rin na magaling kang tao. Kaya parang ayaw kong sumagot kapag sinasabi mong hindi ka magaling, minsan kapag dina-down mo sarili mo, ngingiti na lang ako, kasi alam ko namang hindi totoo. Napapangiti rin ako kasi, kapag dina-down ko sarili ko, ayaw mo, tapos biglang ida-down mo sarili mo. Baliw ka ba em? Haha. Uulitin ko, kapag naelibs ako sa gawa mo, magaling kang tao. E ako nga na hindi visual artist, elibs na elibs na sa’yo, paano pa kaya yung mga naeelibs na mga ka-course mo sa’yo? E di hamak namang mas magaling silang mag-drawing sa akin, natatapakan nila yung mga comments at reactions ko sa mga gawa mo. Maging masaya ka na dahil magaling kang gumuhit. Ako ang kaya ko lang i-drawing e... ay... wala pala.

Naging malaking bagay ang pagkakakilala ko sa iyo. Ikaw yung nagbigay sa akin ng bagong pagtingin sa mundo. Naging iba ang tingin ko sa mga walang buhay na stuffed toy. Natatawa pa rin ako, sa tuwing binubuhay mo ang mga walang buhay na bagay. Ikaw ang nagpakita sa akin na hindi lang tayo ang maaaring mabuhay sa ating mundo. Maaari tayong magbigay-buhay sa iba. Ikaw ang nagpakita sa akin nun. Ikaw ang nagpakita sa akin na may mata ang mga kotse, na tamad ang mga pusa at aso. Noon, ang tingin ko lang sa paligid ko, background. Hindi ko na tinitingnan. Yung mga bagay na wala akong pakialam, bahagi na sila agad ng background sa akin. Ngayon, dahil sa mga simpleng pagturo mo lang sa mga bagay-bagay dahil sa nakyutan ka, dahil sa mga simpleng pagbibigay-boses sa mga stuffed toy mo, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo. Lalong naging maliwanag sa akin, mas makulay, mas masayang tingnan. Masaya ka parati. Masaya ka kasama. Parati kang masaya. Nagdadala ka madalas ng kasiyahan sa mga taong kasama mo. Ikaw ang nagbigay sa akin ng bagong mata sa pagtingin sa, akala ko, boring na mundo natin.

Hindi mo na kailangang subukang maging karapat-dapat para sa akin. Kahit na anong gawin mong aksyon, magiging okay sa akin. Tanggap na kita. Hindi na tayo nagkakahiyaan, wala nang ilangang nangyayari sa pagitan nating dalawa. Wala na ring bilangan. Sana tanggap mo na rin ako. Alam kong hindi ko kaya ang isang araw nang hindi kita nakikita, or nakakausap. Kumpleto ang isang araw ko dahil lang sa iyo. Sana, magawa ko yung mga gusto mo. Sana, hindi kita masaktan. Sisikapin kong pasayahin ka, higit pa sa pagpapasayang ibinibigay mo sa akin sa tuwing magkasama tayo. Gusto ko, parati tayong masaya, nagbibigayan, nagtutulungan, nagkakaunawaan. Sa’yo ko na lahat gustong gawin lahat ng gusto kong pagpapasaya. Sisikapin ko ring alagaan ka, pasayahin ka, tulungan ka sa abot ng aking makakaya at tawag ng oras. At dahil ikaw lang ang best friend, girlfriend, friend ko rito sa UP, sa Mandarin, at sa kahit saan pa mang sulok ng universe, iingatan kita. Nag-iisa ka lang para sa akin. Alam kong hindi na ako makakahanap, AT HINDING-HINDI AKO MAGHAHANAP NG IBA, at NEVER DIN AKONG TITINGIN SA IBA, dahil masaya na ako sa’yo. Alam kong mahalaga ka sa akin. Alam kong kailangan kita. Alam kong isa kang malaking bahagi ng aking buhay. Iingatan kita hanggang sa makakaya ko – ay, iingatan na lang kita hanggang sa maubusan ako ng lakas – ay, iingatan kita kahit ubos na ang aking lakas. Handa kong ipaglaban yung nararamdaman natin sa isa’t isa. Hindi ako nagsisisi at sinubukan kitang yayaing manood ng Transformers 3.

Hindi pointless yung mga sinabi mo. Tulad ng sinabi ko kanina, matindi ang impact nito sa akin, dahil ang dami mo palang gustong sabihin, at marami rin akong gustong sabihin. Nagalak ako nang labis sa mga sinabi mo sa iyong sulat. Ang daming ngiti ang inihatid sa akin ng bawat pangungusap na pinagsilbi mong bahagi ng iyong mga nais sabihin sa akin. Masaya ako dahil masaya ka rin sa piling ko. Masaya ako dahil ako ang gusto mong makasama, dahil ikaw rin ang gusto kong makasama habambuhay. Masaya ako dahil masaya ka rin.

Ayoko na rin ng ‘sana’. Sabay nating ipaglaban ang pag-ibig na nararamdaman natin. Ang korni mang pakinggan ng pangungusap bago ito, seryoso ako. Sana, matutunan nating posible kung gusto natin. Ayokong magkahiwalay pa tayo.

Sorry kung inaasar kitang maliit ka. Ang cute mo kasi e. Iniisip ko, wala namang cute na matangkad. Kaya bagay yung height mo sa’yo kasi napaka-cute mo talaga. Lagi mong napapatalon yung puso ko sa tuwing nagpapakyut ka, sa tuwing sinasabi mong iyo lang ako, sa tuwing niyayakap mo ako, sa tuwing hinahalikan mo ako, sa tuwing napapaligaya mo ako.
Mahal na mahal kita.

Yung tipong inuna ko pa 'tong sulat na'to kaysa sa mga kailangan kong isalin pa sa Tagalog at kakaibang mga payo ng isang upperclass man sa isang freshie sa bagong pasok na Catholic private school na scripted. Wala na. Tinamad na ako mag-acads ulit. Ang sarap magsulat ng hindi required.