May 31, 2012

You're Welcome

God ka nang God, e di ka nga marunong magpatawad?
Ano, gusto mo? Gusto mong aking iladlad?
Yang pagpapapansin mong walang patawad?
Huwag ka nang tatanga-tanga kung ayaw mong malaglag
Ano ba, nakikita ba talaga Siya o ika'y tungak na bulag?
Kapag tinira kayo nang ganito, feeling mo may palag
Kang titira pabalik para ano? Para magpaliwanag?
Ng ano? Kung paano kang nagiging mapalad?
May nangyaring malupit at masaya, si God na agad?
Kung sa bagay, wala naman akong damdaming sagad
Sa pagkamapangarapin mo; sa langit ay hangad
Pero kung mapangalandakin yang bunganga mong bangag
Sa Facebook o Twitter, pagtunganga'y saki'y labag
Sa katulad ng utak mong ang Ebanghelyo'y last week lang e nilipad
Na kung saan mang lugar, dala na ng hangin: karag-karag
Pilitin mo mang alalahanin, wala kang puso, HUNGKAG!
Butas yang dibdib mo, wag magmalinis, sawimpalad
At nagkakalat pa ng pictures, wow, maraming Tags,
Hits, Likes and Shares galing sa mga tulad mong internet fag
Magpopost ng ganito, sa internet naman nagbababad
Ni walang oras sa bible na pinababasa ni God
Photos ni Jesus sa timeline mo, wow, nakabilad
Galit na nakapulupot sa kaaway nama'y 'di kalag
Kumbaga sa laro, yang utak mo lag
Sige, padyak pa! Maraming uling, idagdag
Sa utak mong mangmang, aamin ding banayad,
Sa balak mong magpakitang-tao lamang, hatak ng kasikatan ay bihag,
Sa gimik mong walang lamang pagpapakatanyag,
Sa plastik mong yang madaling mabarag,

Itigil mo na ang nakahahawang kamandag

May 28, 2012

Dapat

Forever nang masarap ang leche flan. Matamis. Pati yung syrup. Yung lahat. Buong leche flan. Masaya simutin. Kahit malagkit sa mukha, okay lang. Wala nang tanung-tanong kapag kumakain. Wala nang manners-manners kapag nasa hapag. Basta't alam mong ubusin yung gusto mong pagkain, ngatngat lang. Wala kang pakialam sa iba. Mga tao lang din naman ang gumagawa at nag-uumimbento ng tama. Wala naman talagang tama. Tao ka rin naman. Wala ka nga lang pikachu sa bulsa. 

Forever na rin masarap ang siomai. Steamed. Okay lang, malambot. Hindi sinlambot ng mamon. Malambot yung siomai wrapper. Okay na rin, sumasabay sa lambot ng karne. Kahit ano, hipon. Beef. Pork. Chick. Gulay. Kahit ano, carrots. Basta siomai. Kahit may itlog ng pugo, okay lang talaga. Forever na talaga silang masarap. Ikaw maghahanda, bibigyan ka lang talaga ng siomai. Pipisilan mo ng kalamansi, tapos lalagyan mo ng toyo. Padagdagan mo na rin ng chili. Masarap yung chili. Ang akala ko dati, yung balat yung maanghang sa sili. Yung buto raw pala. Puwede ring fried. Gusto ko yung fried. Malutong. Lahat ng malutong na pagkain, masarap. Chicharon, mani, bawang, balat. Lahat. Hindi lang sa basta malutong ang fried siomai kaya masarap. Iba yung lasa niya sa nakasanayang steamed. Feeling ko lang naman. O mas gusto lang talaga ng bibig ko yung malulutong. Lutong. Pakitong-kitong.

Forever nang masarap ang kapeng ako ang nagtimpla. Secret.

Forever nang nakapandidiri ang okra. Para kang nakikipaglawayan sa kung sinuman. Kadiri. Ayoko nang isipin. Kapag kumakain ka ng okra, may kasamang laway ng iba. Kaso napipilitan pa rin akong kumain ng okra kapag nasa pakbet. Nakasanayan ko na kasing kainin lahat ng pagkain malalagay sa plato ko kapag nakaupo na ako sa hapag. Ayokong nagtitira, parang ampangit. Baka na rin kasi maoffend yung nagluto. Kung ako man yung magluluto, panghihinaan din naman siguro ako ng loob kapag may tinabi sa niluto ko, kapag walang pumansin sa ginawa ko, kapag dinedma lang ang ipinundar ko.

Pinakamasarap na Feeling #11.5

Okay na? Kumain ng munggo. Bumili ng bagoong. Mamitas o magnakaw ng mangga sa kapitbahay. Pagsabayin. Bumili ng shawarma, palagyan ng chili sauce. Kainin. Magtimpla ng chocolate milk, damihan ang chocolate. Magpaluto ng adobong pusit sa lola. Ulamin. Maghintay. Huwag lalabas ng bahay. Hihilab? Enjoy.

Susubukan Ko 'Yan, Panlaman sa Utak Hindi Tiyan

Yung Facebook profile mo, parang CRS, kanina ko pa binabalik-balikan
Ang cute ng picture, may kutis mong malinis, nanaising halik-halikan
Mga linya, gusto kong ipraktis, nang maunawaan
Mahal kita, yung buhay mo oh please akin na lang
Ang korni na, parang ipis, ang sarap tapakan
Kokornerin, lalapitan, tsitsinelasin, lalabas ang laman
Cinareer ang pagpaslang, sobrang intense ng laban
Yung kay Pacquiao, shit, imbis na pagtulungan
Yung mga tao at pulitiko mabilis na pinagpustahan
Sa karerahan, ang pagtakbo nang labis ng kabayong hinihingal
Todong tatadyak ang mga tirador at tugis na tandang
Balbasero, maputi na ang buhok, hugis ng mukha'y buwan
Maraming naaalala, mula beginning hanggang finish ng nakaraan
Ako'y naiinis, dahil sa history ay walang kaalaman
Kaya mga sinasabi'y shit, boring at walang laman
Ang tulang ito parang sa disco, maingay pero walang maintindihan
Pero matagal pa ring inisip ko para mapagtiyagaan
Na parang CRS, na kanina ko pang binabalik-balikan
Mamintis na hihina ang boses, whisper sa kawalan
Careless, I feel, kapag hinimas mo ang aking tiyan
You won't fail, parang Christmas, sobrang kasiyahan
Pag wala ka, parang CRS, handa akong maghintay hanggang sa katapusan

May 7, 2012

Darating

Hindi ko alam kung kailangan kong maghanda
Maganda na rin naman yung mga bagay na pinagkakasya
Sa isang maliit na box, libro, panty.
Pero bakit? Hindi ko naman na talagang ginustong sumakop
ng mga alaalang mahirap isipin kung titiklop
O nagpapapansin lang
Sama-sama silang gumagawa ng mga gagambang
Halos sabay-sabay na ring sumasapot
Sa mga walang saplot, sapot, supot
Supot ng mga alaalang hindi masigurado
Kung kailangan bang sunugin, irecycle
para kunwari tumutulong ako sa mga puno
Boobs, tite, puke, malamang mga tao
Naghuhubad para lang mahiya
Nagsasaplot para lang mapagsabihan, magtago
Sa loob ng damit, ng maskara, ng kasinungalingan
Kasinungalingang tumutuon sa tama, sa totoo
Sa tunay na hinahanap ng mga tao
Wala naman talagang bayag, atay, o buhok
Bulbol sa siko, bulbol sa tuhod, bulbol na dila
Bulbol sa dila, idadaan na lang sa ngipin, sa flash
Ngingiti, bibili ng plastic cover para balutan
Ang sarili, itago sa iba
Sayang lang ang puno
Dahan-dahan muna, mawawala ang liwanag
Kunwaring mag-eexercise ng leeg, ng ulo
ng buhok, basa.
Minsan talaga basa.
Pagpapawisan kaunti, tapos pahinga
kaunti lang din
Akala mo'y bumubulong ka na lang, pero hindi na talaga
Bilis, wala nang naririnig, nakikita
Pipikit, didilat, sisilip
Bilis, pawis, malinis
Kailangan nang maglinis

May 5, 2012

Luc

Ang pelikula ay tungkol sa isang lalaking nangarap maging isang ganap na babae. Hindi man niyang napansin agad, at hindi niya rin naman ginusto, naging daan ang kick boxing para matupad ang kanyang pinakapinapangarap. Naging isang magandang ironiya ito para sa akin sapagkat kung sino pa ang mas madalas na makitang mahina ng lipunan ay siya pang mas nakapagtaguyod ng tunay na lakas, hindi lamang sa mula sa panlabas ngunit pati na rin sa panloob na pagpapakilala ng sarili. Isa si Toom sa mga nabubuhay na tao lamang din, ngunit sumisira sa mga “pinagbabatayan at kinokondisyong” pamantayang nakadikit sa pangangatawan ng isang nilalang, na magsisilbing hantungan ng kanyang magiging papel at responsibilidad sa buhay. Nagustuhan ko ang palabas sapagkat nagamit ni Toom ang pangangatawang nagkataon ay napunta sa kanya para makamit ang pangangatawang ginugusto niya talagang panatilihan. Kadiri man para sa akin ang pagpapasex change dahil sa operasyong pagtatanggal ng ari, nakatutuwang isiping may mga tao bumabalikwas sa idinidikta ng lipunan kaugnay ng matinding pagbase sa pangangatawan. Isa akong malaking tagahanga ng mga taong inaabot ang mga gusto nila at hindi nagpapatalo sa mga “tama” sa lipunang kanilang ginagalawan.

Nais ko ring pansinin ang sinabi ng kanyang ina sa simula na hindi dapat nagpapahaba ng buhok ang lalaki. Hindi rin daw dapat nagsusuot ng pambabae ang isang lalaki dahil sa pagtatawanan lamang siya. Mula rito, sa isang mababaw na pagtingin, mukhang ayaw lang mapahamak ng ina ang kanyang anak. Tama nga namang tingnang ayaw ng isang ina na nahihirapan at pinagtitripan ang kanyang anak. Kung nasasaktan ang anak marahil ay masakit din ito para sa kanyang mga magulang. Maganda na rin namang hindi pinahihirapan at nagagawa ang gusto ng mga magulang, ngunit sa mas malalim na pagtingin, sumusunod sa social construction ang ina. Marahil ay hindi pa nila tanggap ng kanyang asawa ang ninanais na kasarian ng kanilang anak. At dahil nga sa madalas na pagtuunan ng pansin ang mga bakla o bading, mas pinipili nila ang direksyong makabubuti para sa kanilang anak. O makabubuti nga ba talaga? Makabubuti ba ang pagpigil sa gusto ng anak kung wala naman itong halos na panama sa kanyang kinabukasan? Makapagpaphirap ba ang kanyang pagiging bakla sa pagkamit niya ng kanyang pangarap? Pinaghirapang sagutin ni Toom ang mga katanungang ito ng kanyang mga magulang. Ipit man sa ilang mga diskriminasyon, naitulak pa rin ng tinaguriang Beautiful Boxer ang kanyang sarili sa dulo ng kanyang minimithi.

Sa huli, nais ko na ring pansinin ang isang linya ni Toom, “In the ring, you have no choice.” Sinabi niya ito dahil sa kailangan niya talagang talunin ang kanyang mga kalaban. Kahit na sa paminsan-minsa’y nakikita niyang nahihirapan siya sa paghihirap ng kanyang kalaban, kailangan niya pa ring ituloy ang laban. Hindi niya lamang ito ipinakita sa ring kundi maging na rin sa labas ng stadium, sa kanyang buong reyalidad. Ang ring na iyon ay hindi ang pagkulong ng lipunan sa mga nararapat mo lang na gawin kundi wala kang ibang puwedeng gawin kundi ipaglaban mo ang gusto mo kahit ano pa mang idikta sa iyo ng iyong mga manonood.

Passenger's Seat?

Para sa mga Organizers?

1. Ano po yung mga usual dates na idinaraos ang Santacruzan sa lugar ninyo?

2. Bakit niyo po napili ang mga ganitong linggo? Anong oras? Bakit ganoong oras po?
3. Mula saan po nagsisimula ang prusisyon? Paano po ang ikot ng prusisyon? May kasama po bang mga sakristan at pari?
4. Kayu-kayo rin po ba ang pumipili ng mga Reyna at Hermana?
5. May mga nagvovolunteer po ba para magreyna o hermana?
6. Anu-ano po ba ang batayan sa pagpili ninyo ng Reyna? Pangangatawan? Pagmumukha? Dapat ho ba e sexy? Maganda? SEKSING-SEKSI? NAGSALI NA PO BA KAYO NG MATABA? O KAHIT CHUBBY PARA WALA NAMANG MASAKTAN KUNG NAKAKABIT MAN ANG INYONG TIMBANG SA INYONG PAGTINGIN SA SARILI?
7. Isinasali niyo rin po ba yung mga mayayaman? Yung may kakayahang magsponsor sa mga gaganaping pangyayari patungkol sa simbahan?
8. May back-up po ba kayong plano kung sakaling umulan? Bumagyo? May nagkasakit na Reyna o kung sinuman? May nawalang mahalagang gamit? O sa madaling sabi e naghahanda ho ba kayo ng pamalit? Pamalit na tao? Pamalit na bagay o kung anuman?
9. Magkano ho ang nagagastos ninyo?
10. Bakit ninyo dinaraos ang ganitong okasyon?
11. Masaya ho ba kayo sa ginagawa ninyo?
12. Bakit ho iyon ang mga pamantayang napili at napagdesisyunan ninyo para sa pagpili ng mga Reyna o Hermana?
13. Naging Reyna o Hermana na ho ba kayo? Anong feeling? Anu-ano ang mga preparasyong ginawa ninyo bago idaos ang mismong Santacruzan?

Para sa mga napili nang Reyna o Hermana?


1. Anong feeling?

2. Pinili ho ba kayo o nagkusang-loob ho kayong sumali?
3. Anu-ano ang mga preparasyong ginawa ninyo para matugunan ang hinihingi sa inyo ng nasabing okasyon?
4. Magkano ang gastos?
5. Kung saka-sakali, gusto niyo pa bang umulit? Bakit?
6. Bakit po kayo sumali dati?

Para sa mga pari?


1. Magaganda ba yung mga sumasali? Masaya ba silang tingnan?

2. Ayos ba?
3. Maganda bang idinaraos ang mga ganitong okasyon?
4. Ano ang significance nito sa bibliya? Meron ba?
5. Gumagastos ba ang simbahan para rito? O pera ng mga organizers ang nagagamit? Sino ba talaga ang mga hinayupak na gumagastos para sa mga ganitong pagkakataon?
6. Kung sinu-sino lang ba ang puwedeng maging Reyna o Hermana?
7. Bakit ba bigla na lang may ganitong pagtingin sa mga babae? Anong klaseng pagtingin ang ganitong pagdaraos?

May 4, 2012

Astig


Ang buong artikulo ay halata namang tungkol sa body language na naturang makikita sa maraming Pilipino. Mayroon naman kasing dalawang paraan ng komunikasyon: ang verbal, kung saan gumagamit ng mga salita ang makikipagtalastasan, at ang di verbal, kung saan walang kasamang salita ang pumapaloob sa nangyayaring o sisimulang pakikipagkomunikasyon. Nakapaloob na rin dito ang body language, na gumagamit ng alinmang parte ng katawan, basta madaling maihahatid sa iyong kinakausap ang nais na iparating na mensahe. Maaari ko na ring idagdag sa mga naunang nasabi patungkol sa body language na malaking nagpapatakbong bahagi nito ay ang kultura. Nakapaloob kasi ito, ang body language, sa kultura. Kung walang kultura, hindi magkakaroon ng ibig sabihin sa kahit na kanino ang alinmang inilalabas o ginagawa ng isang tao. Magiging lutang lamang ito kung wala itong pinaghuhugutang kultura. Nagkakaroon lamang ng ibig sabihin at katanggap-tanggap lamang ang isang body language o anumang verbal na komunikasyon, o sa madaling sabi, ang isang wika, kung may itinataguyod itong kultura.
           
Nakapaloob sa inilakip na artikulo ang pagkakaroon ng body language ng mga Pilipino mula sa pagbati, mga negatibong reaksyon o di katanggap-tanggap sa lipunang Pilipino at kinokonsiderang bastos sa kahit na kaninong Pilipino, tamang etiketa sa loob ng mga silid-Pilipino, pagkuha ng atensyon ng mga Pilipino, paggalang sa matatanda at ang usapin ng pagngiti sa pagitan ng bawat Pilipino. 

Ang pagbasa ko pa lamang sa unang bahagi ng pagbato ng mga body language ng isang Pilipino e napangiti na ako. Paano ba naman kasi, totoo nga namang madalas tayong bumati nang kilay lamang ang ating ginagamit, sabay ngingiti. Napatunayan ko na ito noong high school pa lamang ako. Mayroon kasi kaming gurong Hapon. Hindi ko naman namalayan agad na binati ko siya na gamit ang aking kilay. Napagtanto ko na lamang na hindi ito ginagamit sa mga hindi Pilipino nang ang aking gurong Hapon ay nag-bow, bilang sagot sa pagtaas ko ng kilay sa kanya. Nakakatawa man, mas madali kong naintindihang may mga bagay na ginagawa ang mga Pilipinong natural nga lang talaga sa atin, hindi natin madalas namamalayan at tanging sa Pilipinas lang talaga ginagamit. Ginagamit lang din natin ang pagtaas ng kilay na bating ito kapag siguro’y nagmamadali tayo at walang oras makipag-usap sa ating binabati. Maaaring ginagamit din ang pagbating ito kapag hindi tayo naging masyadong malapit sa nais nating batiin. Madalas ding gamitin ito sa mga kaedad lamang o may maiikling agwat lamang ng edad na binabati pero miminsan o hindi naman talaga na ginagamit sa mga matatanda sa atin. 

Mula rito, gusto ko nang ipasok ang binabanggit ng artikulo na may mataas tayong paggalang sa matatanda natin. Hindi man nabanggit kung anong tawag, pasok na pasok ito sa diwang Pilipino na pagmamano ang inilalarawan ng nagsulat. Ang pagmamano ay madalas pa ring makikita sa tuwing may nagkakasalubong na magkapamilyang Pilipino pero may iilan na ngayong humahalik na lang sa kanilang matatanda. Maaaring pinipili na lamang ng matatandang halikan sila dahil siguro’y ang pagmano ang nagpapaalala sa kanilang matanda na sila. Kung titingnan nating mabuti, ang pagkakaron marahil ng edad sa kontekstong Pilipino ay mabigat at malaki ang ibig sabihin sa bawat indibidwal kaya ang pagmamano ay maaaring maging simbolo na ika’y matandang dapat igalang at may pinagdaanan na. 

Sa mga negatibong pagkilos naman sa kontekstong Pilipino, nabanggit sa artikulo ang pamemeywang, pagtitig nang masama at panduduro. Uunahin ko na ang pamemeywang. Ang pamememywang, sa paningin ng mga Pilipino ay naghahatid lamang ng mensaheng nakatataas ka o nagpapahiwatig ng mas mataas na awtoridad sa iyong kinakausap. Magiging bastos lamang ito kung gagawin sa harap ng nakatatandang kausap dahil sa nagmumukhang mas maalam na ngayon ang namemeywang kaysa sa matandang kanyang kinakausap. Sumunod na ay ang pagtitig nang masama. Popular naman na ito sa mga batang may ginagawa mali tapos idinadaan ng kanilang mga ina sa titig para magtumigil ang kanilang mga musmos sa patuloy na pangungulit. Ang pagtitig sa kontekstong Pilipino ay madalas na nakatatakot at nakapagdadala ng mabigat na pakiramdam, hindi lamang sa gumagawa, kundi sa ginagawan, wala mang lumalabas na salita sa bibig. Ipapasok ko na rin ang, “Makuha ka sa tingin!” ng mga Pilipino. Ang panghuli, ang panduduro ay isa pa ring bastos na pagkilos sa kinokomunika. Bastos ang dating nito sa kinakausap sapagkat mukhang pinipigilan mo siya sa kanyang patuloy na pagsasalita, o sa kanyang ginagawa. Madaling makapagpatigil ito ng ginagawa. May nakatatakot ding dating tulad ng pagtitig. Isa pang nakapaloob na usapin dito ay ang usapin ng mga hindi nakikitang nilalang. Ang pagturo lamang kung saan-saan sa Pilipinas ay nakatatakot sapagkat naniniwala ang maraming Pilipino na maaaring may maituro kang hindi mo nakikita. Ang maaaring sagot sa pagkakamaling ito ay ang pagkagat sa ipinanturong daliri. Ang psst, o pangkuha ng atensyon ng mga Pilipino ay simbilis lamang ng ginagawang pang-ikot ulo ng pantawag na hoy. Ang psst at hoy ay bastos din ang dating ngunit wala tayong magagawa, kahit na sinong gumawa o sumigaw ng ganitong mga wika, madaling-madaling titingin ang mga Pilipino kahit na hindi kilala ang boses na narinig. Ipinagtataka ko lamang ay kung bakit nakapaloob ito sa body language na artikulo e lumikha na ng tunog ang nakikipagkomunikasyon. Maaari bang ibig sabihin nito e kaya isinama ng sumulat ng artikulo ang pantawag na ito sapagkat wala namang umaangat na depinisyon sa diksyunaryo ang mga pangkuha ng atensyon ng mga Pilipino? 

Sa pagngiti naman, natawa rin ako sapagkat sa lahat na lamang ng pagkakataon ay nakangiti na parati ang mga Pilipino. Hindi naman nito ipinararating na baliw tayong mga Pilipino na kahit kailanman, kahit saanma’y nakangiti na lamang tayo, na kahit nahihirapan na tayo, kahit galit na galit na tayo e nakangiti pa rin tayo. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay ganoon pero marahil ay may kaunting pinaghuhugutan pa rin ito sapagkat may mga nginingitian na lamang na problema ang mga Pilipino. Sabi nga ni Bamboo sa kanta niya na Noypi: “Sa dami mong problema, nakuha mo pang ngumit. Noypi ka nga. Astig.” Ganito man, may mas malalim pa akong pagtingin kung susuriing mabuti ang sinasabi ng artikulo na parati na lamang tayong nakangiti. Nais ko sanang ipuntong masayahin lang talaga tayong mga Pilipino. Pantulak na rito na madali tayong mapangiti. Mahilig tayo sa mga piyesta, sa mga kasiyahan. Madadaldal ang mga Pilipino sa ibang bansa, ayaw natin ng nakababasag na katahimikan. Ang katahimikan sa atin ay malungkot. Ayaw natin ng malungkot, mahilig tayong mga Pilipino sa maingay na paligid, sa maraming makakausap, sa maraming kaibigan, sa masaya.
           
Sa lahat-lahat, natuwa naman ako sa nabasa kong artikulo tungkol sa body language ng mga Pilipino. Nawa’y hindi na ito mabura sa ating mga Pilipino, lalo na’t ngayo’y bumibilis na ang daloy ng komunikasyon dahil sa internet at cellphone. Maganda na ring nakikipag-usap tayo sa labas ng bahay, nakikisalamuha nang nakikita at nakakasama ang kinakausap, nararamdaman nang direkta at walang hiya ang katawan at ngiting Pilipino.