Paghabol ng Dyip
ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Muli'y sinusian akong tila relos
ng umaga--
kamay at paang humaplit
sa patak-patak na tubig,
walang pangalang pagsusuot
ng kaninumang damit,
saka kapeng iginigiit
sa pagitan ng suklay at lipistik.
Nagkakandado ako ng pinto
sa bawat pag-alis,
umaalpas ang gunita
kahit sa nakasarang bintana,
hindi pa ako nakalalayo'y
naniningil na ang kalendaryo.
Sinususian akong tila relos ng umaga:
isip at damdaming humahabol ng dyip
sa kanto ng mga saglit,
katawang tumatawad sa presyo
ng mga minuto--
sa pagitan ng mga tambutso,
walang kasarian si Bernardo Carpio.
No comments:
Post a Comment