November 8, 2012

Skeyif



Konti na lang. Tang ina konti na lang talaga. Kanina pa kami nakatutok kay boss. Kay Boss Bilog. Si boss bilog lang naman talaga ang gusto kong sambahin dito. Gustung-gusto ko siyang tinitingnan, ewan ko na naman kung bakit. Si Boss Bilog ay magaling, maaasahan. Parang lahat ng tao rito sa amin e siya na lang parati. Siya na lang parati ang tinitingnan, inaasahan, magaling. Ako rin naman. Hindi naman ako nagseselos o naiinis kay Boss Biilog dahil sa ako rin ay isang tagahanga. Parati ko siyang inaabangan, hinihintay, tinititigan, inaantabayanan. Siya na ang parating tama. Hindi ako nadismaya kahit kailan sa kanya. Siya na talaga. Konting-konti na lang Boss Bilog, at mapapasaya mo na naman ako. Pero ang hirap pa rin kasi kapag may hinihintay, kapag naghihintay. Huwag ko na lang munang kayang hintayin si Boss. Quiet lang muna. Shh.. Dapat e hindi masyadong atat. Kailangang may ginagawa akong marami nang hindi ko siya napapansin, kahit na gusto ko siyang pinapansin. Kahit na parang buong araw, gabi, tanghali e parang parati ko na lang siyang hinihintay. Tapos na ang umaga. Katatapos lang naman. Malapit na naman pumatak si Boss Bilog.

Sa wakas. Bumuhos din. Sa bawat tuldok na pumipintig sa aking mga tenga e bumuhos na rin sa wakas ang napakaraming dugo mula sa kanilang dalawa. Hindi lamang dugo kundi pawis na rin. Dugo’s pawis. Syet. Parang kadiri naman. Pero kailan nga ba ako huling nandiri? Siguro noong maliit pa lang ako. Alagang-alaga naman kasi ako ng aking mga magulang. Parang kapagka nadumihan lang siguro nang konti, ako pa yung pagagalitan at hindi yung kapaligirang nilalaruan ko. Pero ngayong patay na silang dalawa, siyempre, mag-isa na lamang ako, malamang. Hindi ko masasabing okay ako kasi walang kumupkop sa akin. Walang may gusto sa akin. Ni hindi ko alam kung saan magsisimula, saan ako magtatapos. Mamamatay din naman lahat tayo, at nakakatakot nga namang isipin iyon, pero bakit ko pa iisipin  ang hindi kayang isipin kung puwede ko naman palang pag-isipan ang kakayanin ng aking isip? Maraming pader, likuan, senyas, kulto, multo at kung kani-kaninong mga mata, hanggang sa umabot ako sa lugar kung saan naroon nga si Boss Bilog. Pumasok ako, masaya, siyempre kasi bago. Ako lang yung masaya, siyempre, kasi nga nakapasok ako. Pero yung mga kasama ko, hindi naman sa galit sila sa akin o ayaw nila akong nakikitang nakikipagtangahan sa kanila, pero ang tamlay-tamlay nila. Hindi ko na naman alam kung bakit. O bakit ako lang ang masaya? Bakit nga ba? Dahil ba sa ako na ang nakakikilalang tunay sa mga totoong kalakaran sa mundo? O matamlay sila kasi sila mismo ang nakadiskubre ng mga totoong kalakaran sa mundo? Paano nga bang malalaman? Nasa emosyon nga ba ang desisyong makikita sa ekspresyong mailusyong misyong konsumisyon kaysa sa delusyon ng emisyon mula sa institusyon ng mga kunwaring solusyon? Mahirap sigurong matukoy. Pero bakit hinahanap pa rin ang totoo? Tapos alam namang mahihirapan kapag nalaman ang katotohanan, pero bakit hinahabol pa rin? Gusto ba ng mga taong nalulungkot sa katotohanan o natutuwa sa katotohanan? Marami nga bang katotohanan? Magkakaiba? May magkakaibang katotohanan? Pagka nagkaganito, may katotohanan pa ba?

O gutom na? Sumigaw na kasi si Boss Bilog, pero hindi isang bulyaw na nakakairita at nakakatakot. Isang sigaw na parang humahaplos sa aming mga tenga, at lalamuna’t sikmura, tulad nga ng nasabi ko kanina. Sige na, aalis na kami, ginusto rin naman namin yung inihudyat mo. Ito na, YES! Pero kahit na sabay-sabay kaming makikipag-espadahan sa mga uod at taeng puti, wala pa rin akong kasama. Tulad nga ng sabi ko kanina, magkaiba ang katotohanang aming nakita. Magkaiba talaga. Pagka ganoon e wala na talaga? Wala na ba talagang gustong sumama sa akin? Nasaan na yung pagrespeto kanya-kanyang opinyon? Opinyon tungkol sa katotohanan? May ganon kaya? Ito ang aking opinyon ukol sa katotohanan – masakit kaya sa tenga? Pero kahit anong mangyari at isipin nitong walang laman kong utak, hinding-hindi sasakit sa aking tenga ang bulyaw ni Boss Bilog. Kahit na may mga taong sige sa pagsigaw sa pagtanaw nang tama sa mga pananaw ng iba pero hindi pa rin maunawaan sa labo at hindi pagkakatugma ng ginagalaw ng kanilang mga hangarin at isipan, parang ako, pero hindi ako, ipokrito? Hindi siguro.

Ginulo, binulalo, menudo. Ayoko na muna ng lutong-bahay. Baka kasi napapansin na ako ng bantay. Hindi naman kasi ako nagbabayad. Bakit nga ba masaya pa rin ako kahit hindi ako nagbabayad? Kinakain ko lang kasi yung mga tira-tira sa karindirya ni Manang Malawlaw. Wala na kasi akong pera. Kasya lang pamasahe, at pangkain ko sa gabi. Sa sobrang gutom ko, idinadaan ko na lamang sa mga multo at baril ang aking tanghalian, dito sana sa lutong-bahay ni Manang Malawlaw. Pero baka nga kasi nakakahalata na ang bantay. Minamata na ako rito, sa may entrance pa lang. Kailangan ko na munang maghanap ng ibang makakainan. Subukan ko kaya sa isang restaurant, na air-con, para malamig, para kunwari sosyal. Tsaka yung bantay naman sa mga ganun, maraming pasikot sa loob ng restaurant na hindi napapansin. Yung ibang trabahador naman, pulot nang pulot lamang ng ibang mga bagay. Putang inang sikmura ‘to. Inaasar na nga ako sa sobrang gutom, paiisipin pa ako kung paanong makakakain. Para kasing noong sinunod-sunod ko ang hindi pagkain ng tanghalian, ikamamatay ko pa, ‘di kaya’y magkakasakit pa ako nang malala. Parang masasayang lang din yung oras na paghanap at masuwertehan si Boss Bilog, tapos maoospital lang ako, o magiging bangkay. Ayoko namang ng ganun. Sayang naman kasi ‘di ba? E yung iba, okay lang sa kanila yun, pero sa’kin, hindi.

Matindi na ang sakit ng sikmura ko. Baka mag-alboroto na si Boss Bilog nang hindi pa ako naglalagay ng laman sa aking tiyan. Ang hirap magtrabaho na pati ang sikmura e kasama sa pinoproblema. Game na. Game na talaga. Papasukin ko na ba ‘to? Mapula naman e. Mapula na masyado. Masyado na akong natakam, kinuluan, nahilo, baka mahilo pa ako lalo, papasok na nga ako. Air-con, yes. Anong sunod? Titingnan ko muna yung mga upuan. Halos puno na pala, kailangan ko nang pumuwesto. Busy namang silang lahat e. Busy ngumuya, dumaldal, magyabang, maglakad, humingi ng order, ng dagdag, magbitbit, magpatahimik ng mga nagwawalang bata, magtext sa syota, magtext sa syinosyota, magtext sa dalawang syota, at magpapansin na lang din. Yung iba, pumupunta lang siguro rito para lang masabi sa mga kaibigan nila na nakapunta nga sila rito. Yung iba naman, gusto lang talagang malaman kung bakit nga ba pumupunta ang mga tao rito. Yung iba, pumupunta lang rito para makipagkita sa sindikato o ex-housemates, ex-wife, ex-yaya. Yung iba, pumupunta lang dito kasi ito yung pinakamalapit. Pero may pumunta na kaya rito para mamulot ng pagkain? Hindi naman ako suot pulubi, nagtratrabaho naman kasi ako, kasama ni Boss Bilog, kaya siguro ako pinapasok at hindi pinagsuspetyahan ni Manong Guard. E pumupunta lang naman dapat yung mga tao para kumain, kumain lang, kasi nga gutom, pero dapat may maayos na porma? Dapat ba talaga sa porma? Kung sa bagay, yung ibang gusgusin, mukha naman talagang walang pera. Ako siguro, mukhang may pera, kaya pinalampas. Buti hindi na’ko sinundan nang tingin nang hindi na ako pumila para umorder, kasi walang pang-order.

Pera. Teka. Bengga! May tumayo! Hindi ako naaatat sa pagtayo niya. Nasasabik na ako sa extra rice na iniwan niya pati sa pakpak na hindi niya inubos. Nakita ko na rin yung kuhanan ng sawsawan ng manok. Puwede na siguro yun. Umalis ka na! Yes! Teka, wala bang nakatingin? Maya-maya siguro. Isa... Dalawa... Tatlo... Teka, tatabihan ko na lang para hindi kunin. Hindi naman siguro ako tatandaan ng mga tao rito. Wala naman siguro akong kamag-anak dito, ba’t pa’ko mahihiya? Teka. ‘Di ba dapat sa mga kamag-anak ko nga ako pinakahuling mahihiya? Puta. Ang gulo, ang gulo na ng mundo, ang gulo na ng isip ko pero mas magulo na ang sikmura ko kaya ineenjoy ko na ang sawsawang isinabaw ko sa extra rice sabay papak ng pakpak. Putang ina. Ang sarap talaga kumain ‘pag sobrang gutom. Bibilisan ko ba? Wala naman yatang nakakaalam. May nakakaalam kaya? Wala naman sa batas ‘to. Ngayon lang naman ako nandito, hindi pa nila siguro mahahalata. Konti na lang, ubos na. Wala na’kong pakialam. Wala nang hiya-hiya ‘pag gutom, natatae, inaantok, galit, selos, at marami pang puwede palusot ng mga pulpol.

Gugol. Sakto lang. Pabalik na naman ako sa paghihintay kay Boss Bilog. Saan naman kaya ako bukas? Babalik pa ba sa dati? Mananatili? O mag-iisip na nang matino?

No comments: