[ click ]
Mababasa mula sa artikulo kung gaano kahalaga sa isang sanggol na may edad na isang taon at kalahati ang pagkatuto ng kanyang wika. Importante sa sanggol na ito ang patuloy na pakikipag-usap sa kanya ng kanyang mga magulang. Mula sa pakikipag-usap na ito'y maririnig ng sanggol ang mga basic na tunog ng mga patinig at katinig ng kanyang magiging pangunahing wika. Binanggit pa sa artikulo na hindi pinapansin ng sanggol o balewala sa kanya ang mga naririnig ng tunog na hindi naman likas sa wika ng kanyang mga magulang o sa wikang kanya nang nakagisnan. Hindi lamang mga tunog at kung paanong bigkasin ang mga salita ang natututunan ng sanggol kundi pati na rin ang grammar at bokabularyo ng kanyang magiging wika. Maaaring isiping madali nang mauunawaan ng isang sanggol kung tama ang pagkakabuo ng isang payak na pangungusap at kung mali rin ang pagkakabigkas ng isang salita. Hindi pa man direktang nakapagsasalita at nakabubuo ng mga salita, ni parirala at pangungusap ng kumpleto o may diwa ang isang sanggol, unti-unti nang natututunan ng kanyang utak ang mga tama at mali sa kanyang wikang kinagigisnan.
Napakagandang isiping kahit sa pinakamaliliit na detalye ay nauunawaan na ng isang napakaliit na sanggol ang kanyang mga naririnig. Halimbawa na lamang, mula sa mga eksperimento at resultang ipinahayag sa artikulo, napansin ng mga sanggol ang pagpapahabang ginawa sa pagbigkas sa isang napiling salita. Pinapatunayan lamang nito kung gaano kadaling matuto ang utak ng isang sanggol. Marahil ay kung susubukan na sa matatanda ang ganitong uri ng eksperimento gamit naman halimbawa ang dalawang halos magkasintunog na mga salita, kagaya ng nabanggit sa artikulo, mahihirapan sila. Mas madaling matututunan ng isang bata ang isang wika kaysa sa isang matanda. Maaaring responsibilidad iyon ng isang bahagi ng utak ng isang bata na mayroon pang kalakasan o masiglang-masigla pa kung kaya't mas madali ang pagkilala sa mga mali at tama sa kanyang natututunang wika.