November 15, 2013

Lei

Bumaba na tayo mula sa sinakyang jeep patungong MRT. Kaunting lakad. Habang tumatawid, tinanong mong muli ako kung kumusta yung inihanda mong bento para sa akin kahapon. Masarap. Ayoko sanang kainin dahil gutom na gutom na ako no'n at sarap na sarap ako sa patatas at sausage. Sunod ko namang kinain yung dahon at kamatis. Ta's kinutsara ko na sa huli yung natitirang kanin. Gusto ko sanang makabili ng Japanese rice.

Malapit na tayo sa kakainan natin. Mula sa huling pagtawid, nakaabot din tayo sa tapat ng restaurant. Gutom na gutom na rin tayo. Mabuti. Umakyat na tayo sa maikling hagdanan at tiningnan ang nakapaskil na poster ng rates ng kanilang unlimited buffet. Ako naman, hinanap ko yung discount rate na matagal mo nang sinasabi. Five hundred and eighty five. Pumasok na tayo dahil ipinagbukas na tayo ng guard na nagbabantay. Guard na nagbabantay. lol

"Table for two?" banggit ng babae sa harapan natin.

"Yeah."

Sinundan na natin si Ate. Kaunting lakad. Liko. Habang naglalakad, tingin sa kanan - maraming pagkain. Lakad pa rin, tingin sa kaliwa - sobrang dami pa rin. Nakapasok na tayo sa loob ng isang silid na mas maraming upuan, lamesang may lutuan sa ibabaw at chopsticks. Sa wakas, pinaupo na rin tayo sa ating puwestong napili ni Ate.

"Salamat."

Iniwan na tayo ni Ate. Dumating naman ang isang waiter na nakapula, si Kuya, siyempre. Tinanong niya kung anong nais natin na sabaw. Pinili ko yung para sa manok at ikaw naman, yung sinigang. Tinanong ko naman si Kuya kung mayroon silang diskwenta para sa mga mag-aaral. Wala naman daw. Pero okay lang. Nakapasok na kami. Ayoko pang magkaroon ng feeling na pumasok sa loob ng mamahaling restaurant sabay lalabas ako kasi hindi ko pala afford. Nakakahiya, malamang sa malamang. 

Umalis na si Kuya para kunin yata yung dalawa naming sabaw. Madali siyang nakabalik at ibinuhos sa malalim na lutuang mayroong hating harang sa gitna. Mabilis na kumulo ang dalawang nabanggit na sabaw dahil sa init ng kalan sa ilalim. Maya-maya'y nag-abot na rin si Kuya ng maliit na mangkok na maraming chops ng butter - para sa ating mga lulutuin sa kabilang apoy.

Tumayo na ako para magsimula nang kumuha ng ating unang kakainin. Pagbalik ko sa silid kung saan maraming pagkaing aking nadaanan mismo kanina, dumiretso ako sa kanin at pansit. Kumuha ako ng tigdalawang sandok ng kanin at pansit, at dalawang siopao. Bumalik ako sa ating lamesa dala-dala ang mga nabanggit na pagkain. Ikaw naman ang tumayo upang kumuha ng mga ilalagay sa sinigang. Lumabas ka na ng ating silid. Pagbalik mo, nakain ko na ang aking bahagi mula sa aking mga kinuha. Dala-dala mo naman ang mga hilaw na hipon, at mga gulay na maaaring ilagay sa sinigang. Tumayo na ako upang kumuha ng ating mga ipiprito. Pagbalik ko, mayroon na akong dala-dalang apat na magkakaibang karneng tigadalawa. Pagkaupo ko'y inilagay ko na ang butter para matunaw sa mainit na kalan. Nang matunaw na, saka ko inilagay isa-isa ang mga karne.

Medyo naghintay lang naman tayo. Kumuha ka na rin ng mga ilalagay sa sabaw para sa karne ng manok. Matapos nating kainin ang unang batch ng mga karne at makahigop ng mga sabaw, ikinuha ko na tayo ng panulak, muli, mula sa malaking silid na puno ng pagkain. Bumalik ako sa ating lamesa nang dala-dala ang pineapple juice. Bumalik akong walang dala para sa'yo dahil saka ko lamang naalala na iinom ka rin pala nung nagsasalin na ako ng pinya sa aking baso. Muli akong bumalik sa kuhaan ng juice at nagbalik sa ating lamesa nang may dalang mangga naman.

Nabanggit mo sa akin sa kalagitnaan ng aking paghigop at pagkain na mayroong beer sa ating restaurant. Lumabas ako para kumuha ng isang basong puno ng ice at pinuno ng beer. Pagbalik ko'y uminom ako ng hanggang kalahating-baso saka bumalik sa malaking silid para kumuha ng ikalawang batch ng lulutuin. 

Nang maubos na natin ang lahat, at ang aking ikalawang baso ng beer, nauna na akong lumabas para kumuha naman ng panghimagas ko. Kumuha ako ng vanilla flavored ice cream at saka ube. Ikaw nama'y kumuha rin ng ice cream, nata, pinipig at iba pang nilalagay sa halu-halo.

Ubos na ang lahat. Simula't sapul na pag-upo nati'y patuloy na may nagpapaalalang mayroong fine ang magtitira ng pagkain. Itinanong ko sa'yo kung yung crab at sabaw sa ating mga mangkok at maikokonsiderang leftovers. Sabi mo, hindi naman. Saka ko kinuha ang bill. Kinuhanan mo ako ng larawan gamit ang iyong phone habang naghihintay.

As usual, mabilis na nakabalik si Kuya at iniabot na ang ating bill. Medyo nagulat ako sa kasimplehan ng kanilang bill. Simpleng computation lamang na *** x 2 = TOTAL. Mayroong nakastamp na NO SERVICE CHARGE na kulay violet at malaki. Iniabot mo na sa akin ang iyong share. Ipinatong ko na rin ang akin. Iniabot ko na kay Kuya.

"Fine. Ito bente o. Hahahaha," kausap ko sa bill, matapos mabawi kay Kuya muli nang iabot na ang aming sukli. Iniwan na namin ang mga papel sa lamesa. Lumabas na tayo ng restaurant at bumaba saka dumiretso sa sakayan ng taxi. Umawit ka ng isang pampaskong awiting hindi mo pala memorize. Sobrang cute. Hinding-hindi ako magsasawa sa pagpapacute mo sa akin. Sobrang cute mo talaga. Kinanta ko na ang tamang liriko. Hindi mo naman na sinundan. Sobrang cute talaga.

Wala pa ring taxi. Pumunta na tayo sa sakayan ng jeep papasok ng UP Campus para maghintay muli ng taxi. Dumaan ang ilang minuto.

"Wala rin dito."

"Baka dun talaga," sabay turo.

Nagdesisyon tayong sumakay na lamang ng jeep. Naglakad na tayo sa 'di kalayuang pila ng jeep. Mabilis lang naman pala. Nauna ako sa'yo sa pila. Niyakap mo ako. Gusto kong niyayakap nang gano'n. Masarap sa feeling. Ang liit mo kasi. Maliliit na braso at kamay. Maliit na ulo. Malambot at mabangong buhok. Sobra at lalo akong nainlove. Ni hindi dumaan ang araw na nagsawa ako sa'yo. Hinding-hindi ako magsasawa sa'yo. Lumipat ka na sa harap ko at binuhat naman ang aking dalawang braso sabay yakap sa'yo. Ang cute talaga. Niyakap kita nang mahigpit. Inamoy ko ang iyong ulo. Tapos hinalikan ko na. 

Umabot na tayo sa bungad ng jeep. Sumakay na tayo't umuwi. Pagod sa pagkain. Pagod sa pag-iisip. Walang kapagurang pagmamahal.

No comments: