Sinubukan kong magsulat
dati, pero naubusan agad ng tinta. Tinamad na rin kasi akong gumamit ng lapis.
Medyo malabo na kasing basahin, para sa akin. Tsaka yung pambatang mentality ko
noon, pangmatanda na yung ballpen. Edi sobrang astig para sa akin, dati, kapag
gumagamit ka ng ballpen. Para bang nakadikit na sa sarili mo kung anumang
gamitin mo. Ayun nga, kunwari, dati, nung bata ako, gusto ko yung bag ko, yung
backpack na, iyon bang nakastrap na sa mga balikat mo. Parang ang bata ng tingin sa’yo kasi
kapag yung tipong hinihila pa yung
bag mo. Yuck, hinihila pa. Sobrang kadiri. Parang ang sobrang grabeng kadiri mo
kapag bata ka pa, parang hindi ka na tumanda, sobrang atrasado. Hindi mo alam
kung tatanda ka pa ba. Parang gustong mong iwanan lahat ng mga bagay na mayroon ka noon, para lang
tumanda, para lang makisabay sa mundo.
Pero itong mundong ‘to, masalimuot daw. Daw.
Daw, kasi, tingin ko pa rin sa sarili ko bilang mag-aaral pa lang, e wala pa rin talagang alam. Ni hindi pa ako nakararanas
ng totoong trabaho. Sinabi kong totoo? Hindi ko rin maisip kung bakit sinabi
kong totoo. Para ba ‘tong pang-aasar
sa mga taong nagsasabing totoo sila. Ibig sabihin, mayroong hindi totoo?
Hindi na talaga totoong gusto kong tumanda.
Parang noong bata pa lamang ako, gusto ko na talaga tumanda, yung tipong mahirapan
naman ako. Iba rin kasi siguro yung mentality ng batang first honors na lang
parati, maraming inaasahan mula sa iyo, pero pakiramdam mo talaga sa sarili mo,
kaya mo na lahat. Yung karanasang makipagsagutan sa mga guro mo para lang
maipawalang-bisa yung mga sinasabi nila, nagawa ko na. Yung nakashorts pa lang
yung suot mo tapos kaya mo nang mambara ng mga kagaguhang ipinapakita ng mga
guro mo sa blackboard, nagawa ko na rin. Nakapambastos na rin ako ng guro, yung
makapagpahiya kumbaga, kahit shorts nga lang yung suot ko. Kaya siguro, yung
tingin ko noon sa mga guro ko, kayang-kaya ko silang lahat. Hindi lang alam ni
Past Mart na marami pa talaga siyang kakaining bigas.
Ayoko nang tumanda ngayon. Ayoko na ring
tumaba dahil sa kanin. Noon, nung klase ko sa PI 100 (yung klase tungkol sa
paglilingkod sa bayan kahit nakariwasa ka sa ideolohiyang makakanluranin, tapos
kunwari nakapag-aral ka at nakapanggamot ng mata ng ina mo. Tapos, susubok kang
gumawa ng 2-part sequel ng kagaguhan ng mga prayle sa Pilipinas gamit lamang
ang pansit na kinakain bilang hepunan tapos pagpapasabog ng walang kuwentang
gaserang binakla lang ng tropa mo.), sabi sa amin ng prof ko, okay lang namang
kumain ng kanin kasi nga, kung staple food lang din ng mga Pilipino ang kanin, edi
okay lang ding kumain nang kumain ng kanin dahil sa alam na ng katawang ng mga
Pilipino ang ang pagmetabolisa sa walang hiyang nagpapataba sa atin. Sa
madaling sabi, sanay yung mga ninuno natin sa paglamutak ng kanin so ang
pagtaba ng mga Pilipino sa wastong dami
ng kanin e hindi talaga totoo. Saan na nga ba natutunan ng mga hindot na ‘to na
nakatataba ang kanin?
Saan pa ba? Edi sa putang inang internet na
‘yan. Yung lente ng Kanluran bilang pagpopost sa internet at kailangang sundin
ay nararapat lamang kuwestiyunin ng prof kong mataba sa PI 100 dahil,
biologically at historically daw,
hindi naman tayo tataba. Kung hindi lang din namang staple-food-rice ang kakain
ng isinaing ni mama, edi tataba sila! Bakit ba hapit na hapit tayong makisabay
sa ibang tao? Makikibagay sa mga taong hindi naman talaga nararapat na
makabagayan. Edi papasok na rin yung usapin tungkol sa kultura na nagsasabing
iba-iba naman talaga yung mga tao. Maaaring sabihing kultura ng isang lahi,
kultura ng isang rehiyon, kultura ng isang komunidad, kultura ng isang angkan,
at kung gagong genius ka rin lang edi why not kultura ng isang tao. Nararapat
lamang ba na ang kulutura ay naipasa na lamang? Papaano yug taong unang gumawa
ng isang bagay tapos ipinasa niya nang ipinasa bilang isang kultura, wala na
siyang kultura? Porket ba walang gumaya sa iyo, hindi na iyon kultura? So kapag
may gumaya sa iyo, tapos dumami kayo, edi may kultura na kayo? Hindi ba
pupuwedeng mag-imbento ng sariling kultura, na kahit na umaasa kang may
makikinig at gagaya sa iyo (kahit wala) e nagsimula ka pa rin ng bago? Ito na
ba yung tinatawag nilang weird (na putang ina talagang salita ‘yan), na wala
kang kapareho so putang ina ka?
Gusto ko talagang magsalita. Wala akong lakas
kaya pinili ko na lamang magsulat. Wala naman akong pakialam kung may magbabasa
nito kasi malayo naman ako pero nagkakaroon na
lang ako bigla ng paki kapag nalaman kong may nagsimula nang magbasa sa
mga kabarberuhan ko. Hindi ko rin maitangging ipokrito ako paminsan-minsan,
madalas. Masaya ring paglaruan ang wika dahil pinopokpok ko na lang din
araw-araw ang mga salitang ginagamit ko. Pero ni hindi ko piniling huwag
pansinin ang kritisismong natatanggap ko sa tuwing may nagbabasang matalino na
lang bigla sa mga ginagawa ko. Para bang palusot na lang na bobo si Mart para lang wala nang
pumansing makipagtagisang-talino sa akin. Siguro kasi, tinatamad na lang ako
biglang magpaliwanag kung sakali mang mayroon silang mga hungkag na rebuttal sa
lahat ng sinabi ko.
Ayoko nang tumanda ulit. Takot ako sa mundo.
Pupuwede bang tingnan na lang nila si
Mart na bata para umokey na lang sila at isiping tanga na lang ako na wala
naman talagang pakialam sa mga sinasabi ko? Pero imposible na siguro. Matagal
na kasi akong may hawak na ballpen at hindi na rin ako humihila ng bag.
No comments:
Post a Comment