Akala ko naman kung ano na. Akala ko kung ano na naman. Ang dami-dami na naman nila. Dumarami na naman sila. Minsan nga iniisip ko, tinatawag nila ang pangalan ko kapag gabi, kapag tulog ako, o kaya kapag ganito na naman akong nakikipagtitigan sa pinakamamahal kong laptop. Minsan din iniisip ko, nakatitig lang din sila sa akin. Masama ang tingin. Masamang-masama ang tingin sa akin, sa aking mga mata. Hindi ko naman masasabing hindi ko alam kung bakit.
Pinagpatung-patong ko na sila. Hindi sila paper works. Pero paper works sila, ng iba. Pero dapat, paper works ko rin sila. Nararapat lamang na paper works ko rin sila. Binili ko sila e. Bilhin ko ba naman sila. Ay, yung iba nga pala sa kanila, pinabili ko lang sa nanay ko. Iyon pa ang isa pang ayaw kong titigan. Yung presyo ng ibang hindi pa ako ang bumili. Mas malaki ang hinayang kapag iba yung gumastos. Hindi yata? Parang hindi, sa ibang pagkakataon. Siguro sa ngayon, medyo lang.
Patung-patong na mga mata. Medyo kinakabahan na rin ako minsan. Hindi naman sa buhay sila. Alam kong buhay sila, pero hindi naman sila nananakit. Hindi naman sila nananakit pero nasasaktan pa rin ako. Unang-una, dahil doon sa kapanghinayangan. Ikalawa, hindi ko rin naman sila magamit. Ewan ko ba. Moody ba ako? Minsan, nasa mood akong gamitin sila, kahit isang upuan pa sa kubeta, dalawang upuan sa sofa at tatlong higaan sa kama. Minsan, kalahating upuan lang sa kubeta. Minsan pa nga, kalahati ng kalahati. Hindi ko rin naman talaga alam kung gusto ko talaga sila. Ang alam ko talaga, gusto ko talaga sila. Hindi ko ginugustong gustuhin ko sila. Gusto ko talaga sila. Hindi ko pinipilit ang sarili ko sa kanila.
At iyon din naman ang ikinaganda nila. Hindi rin naman nila ako pinipilit. Kahit na tinititigan pa rin nila ako. Tabi-tabi sila. Minsan, patung-patong. Inaalikabok, nangangamoy, kumukupas. Pero huwag naman sana silang kupasin hanggang sa kalagayang maagnas sila sa isang ihipan ko na lamang. Gusto ko naman talaga silang gamitin. Tulad nga ng sinabi ko, hindi nila ako pinipilit. At ayaw kong nagpapapilit. Magandang bagay rin yung ginawa mo yung isang bagay kasi gusto mo na talaga. Perfect timing. Walang ibang aatupagin. Walang ibang problema. Hindi ko rin naman sinasabing problema sila. Pero nagmumukha kasi, nagsisimula ko nang mapansin silang muli. E mabuti nga't napansin ko sila 'di ba? Papansinin ko pa ba sila kung hindi naman sila problema? Maaari. Pero minsan, may mga bagay ring magagandang pinapansin din. Pero ang hindi maiiwasan sa tao, parating mayroong mali sa isang bagay. Tapos sasabihin nila, kanya-kanyang perspective. Edi wala na lang mali tsaka tama. Mga tarantado pala kayo. Huwag kami yung tinatarantado niyo. Matatalino kami. Mabuti na lang at mayroong science. Iisa lang yata yung tama roon.
Maaari ko silang maging paper work. Kapag ginusto ko na. Pero saka na. Tsaka saka na. Saka na muna. Palibutan na lang muna nila ako. Siguro kapag may kumausap na isa sa akin, baka basahin ko na agad siya. Pero mukhang malabo rin iyon, sinlabo ng mga pahina niya, nila.
No comments:
Post a Comment