Parang ayoko sa pusa. Parang lang naman. Nahihirapan akong intindihin sila. Hindi ko rin alam. Madalas lang siguro akong mag-assume sa mga hayop. O madali lang kasi silang ikumpara sa mga tao. Hirap kasi sa akin, kapag may buhay, buhay yung mga mata, gumagalaw, iniisip ko, para rin kaya silang tao, na kayang mag-isip? May emosyon? May mga plano sa araw-araw? Puwede ko rin namang iassume na tanga sila. Na mababaw, kaunti ang mga iniisip. Na mas kaunti ang mga emosyong kayang maramdaman. Na plano lang kumain, tumae, magpadede ng anak, at humimbing sa ilalim ng mga mesa. Papaano nga bang mag-isip ang mga hayop? Ang mga computer na may mata na tulad ni BMO? Ang mga pusang feeling ko e pakiramdam nila, sila na yung pinakamatataas na nilalang, hinulayok, at bigyang papuri araw-araw sa mundo?
Hirap kasing intindihin. One time, may pusang nakapatong sa harap nang pumunta akong tindahan malapit sa boarding house na tinutuluyan ko sa UP, para bumili ng isang stick ng yosi yata at isang bote ng Cobra. Masarap nga pala yung Cobra na red, try niyo, manamis-namis. Minsan lang may magbenta no'n, siguro nga kasi, dahil sa masarap talaga. Ewan ko ba. Kapagka ganoon ba kasaya yung feeling, minsan na lang din maramdaman? Hindi naman siguro 'no? Subukan mo kayang ma-in love. Masarap yun sa feeling. Araw-araw mo na lang iisipin. Tapos, gabi-gabi rin. May kayakap ka pang unang mahigpit, madalas, minsan, nakaka- ugh. Masarap talaga. Yung lola ko rin, Mama yung tawag ko dun. Tapos, Nanay naman yung tawag ko sa magulang ko na babae. Nagtataka/Natutuwang baliw yung ilan sa mga kaibigan ko yata kung bakit magkabaliktad yung tawag ko sa kanilang dalawa. E bakit? Sino bang nagsabi kung ano ang hindi baliktad? Ang normal? Mga abnormal. Masarap magluto yung lola ko. Siya yung nagturo sa aming tatlong magkakapatid kumain ng gulay, kung natuturo nga ba talaga yun. Ang hirap yata sigurong magturo sa ibang bata. Paano pa kaya sa mga hayop? Sa pusa kaya? Habang binibilang ni Ate Sari-sari yung bayad/sukli ko, hinimas-himas ko yung leeg niya hanggang mga tenga siguro. Feel na feel ng gago yung massage trip. Napapikit sa sarap. Mukhang tanga. Mukha akong tanga. Parang sinasamba ko na yata siya nun. Ang sarap kasi sa pakiramdam kapag nagustuhan ng hayop yung ginagawa mo sa kanya. Para ka nang sinabitan ng recognition medal siguro ta's nagpapicture ka pa sa stage, habang pinapalakpakan. Paano pa kaya sa tao? Gusto rin kaya nilang nilalambing sa leeg? Ang alam ko, gusto mo rin. Pero ewan ko na lang sa ibang tao. Minsan nga, gusto mong dinidilaan/nilalambing/hinahalikan. Hindi ko rin alam pero gusto ko ring ginagawa yun sa'yo. Matagal na rin naman na kitang tinuring na hindi normal na tao, kahit alam mo ring galit na galit ako sa konsepto ng kawirduhan.
Meow-meow.
Ngayon, iniisip ko lang na muntik ko na talagang ipantay sa mga aso ang mga pusa. Muntik na lang talaga. Mas lantad kasi siguro yung feelings ng mga aso. Madali lang mahuli. Yung mga pusa, hirap intindihin. Bakit ganun? Walang kuwentang tanong. Masarap isipin, kahit hindi na mahuhuli pa, unless magbukas ng Google at Wiki. Nakakatamad na rin minsan magbasa sa English. Ambilis lumipad ng utak ko kapag English na, ewan ko ba. Kaya ko naman intindihin kapag pinagtuunan ko ng pansin. Hindi ko kayang magbasa siguro ng kahit na ano kapag maingay. Hindi kaya ng utak ko kapag may binabasa tapos bigla na lang akong may maiisip na masarap isipin talaga. Yung binabasa ko naman ang may pakana, pero minsan, nakakahiyang alaala lang tapos bigla na lang kukunot yung mga kilay ko, bebelat ako sa hangin, tas magmumukha akong tanga at isasara ko na lang yung binabasa ko.
No comments:
Post a Comment