March 28, 2016

FlipTop - Shernan vs BLKD

Round 1

BLKD

Ang tagal umakyat ng stage, talagang padiva. Mahiya ka sa mga tao, alas syete pa nakapila. Muntik na 'kong maniwala sa forever. Anong akala mo sa costume mo ngayon, clever? May stocking pa sa noo. Ano ka ba? Abnoy? Hindi ko makilala kung si PNoy ba 'yan, o si Tito Boy.

Si Shernan, the best 'yan. The best sa'n? Sa cosplay. Ito'y mahusay sa battle rap laban sa mahusay sa role-play. Sa delivery ka lang okay. Sa content at flow, no way. 'Di na nga nirerespeto karera natin, ginagawa mo pang horseplay. Nagcocostume siya sa mga laban para ating katuwaan para bago pa mag-umpisa, siya na agad ang lumamang. Mga simpleng bara, pinapalakas ng bitbit na porma kaya expected ang palakpak parang sipsip sa SONA. Naaaliw tayo sa gimmick, imbes na magfocus sa language. Kung may home court advantage, siya, may costume advantage. Kadayaan!

Pero, Shernan, kung magcocostume ka na rin lang, 'wag ka nang feeling pogi. Pa'no ka naging Sakuragi, e ang kamukha mo, si Gori. O alam nila, kaya Gori, gory. Gory ang ipaparanas kong death mo. Sa asong ulol, marahas na vet 'to. Hindi ka na gagaling, sayang lang 'yang breath mo kaya 'tong entabladong 'to, magiging death bed mo.

Walang mercy sa 'king killing, 'pag nagrap, Necro. Babalatan ka nang buhay sabay kiskis ng Velcro. Tapos, tugs, tugs, tugs! 'Kala mo, techno. Quick punch, Zesto, knockout ka kay Sendo. Tadtad, tadtad, tadtad-katawan, para bang liempo. Pagtapos ko, kabaong mo, magmumukhang bento.

Pero alam mo kung ano talagang ayaw ko sa 'yo, at sa ibang kasabayan mo? Rock star na kayo, kapuputok pa lang ng pangalan niyo. Alas nuwebe ang event, alas diyes pa lalakad. Alam nang susunod ang laban, gusto pa, tinatawag. Ang hahaba pang magshout-out, talagang nakakastress. Ba't ba dito kayo nakikibati? Wala ba kayong pantext? Kayo ang pinakaspoiled na henerasyon ng ligang 'to. Sakto lang kasi panis naman sa 'kin 'tong pabidang 'to.

Judges, Exhibit A. Nung panahon namin, ang time limit, sinusunod na batas. Kung lalampas ka man sa oras, tiyak ang berso mo, tabas. Kayo, pinagbibigyan, kasi sa pagsunod, hirap. Lampas-lampas na nga sa oras, 'di pa counted ang rebut. Yung Round 2 mo kay Rapido, halos 60 bars 'yon. Imposible mapagkasya sa two-minute round 'yon. Kahit idouble time 'yon, lampas sa limitasyon. Madaya ka, dapat sa 'yo, diskuwalipikasyon.

Round 2

BLKD

Madalas daw akong magchoke, oo, pero 'pag nagchochoke lang ako hindi nagkakatagumpay. Ang ichachalk ko ngayon, outline ng iyong bangkay. Oo, natalo ako ni Aklas pero yung larong 'yon, GG. Ang battle of the year no'n, laban namin ni Flict G, at ako nanalo ro'n, kaya ako ang MVP.

Pero, Shernan, matanong ko lang. Paano mo nalamang hindi pantay ang betlog ni Mocks Wun? So, hindi mo lang nakita, nakilatis mo pa. Paano mo nabisto ang pangangaliwa kay Fongger? Paano mo nakilala lahat ng kalandian ni Rapido? Talagang halungkay-talambuhay para sa simpleng gitgitan? 'Yan na ba ang punto ng battle rap ngayon, tsismisan? Nandadamay ka na ng ibang tao, pinapangalanan mo pa. Mas makata ka na ba 'pag may nagtatampo na? 

Bangayan man ang labanan, dapat sport pa rin tayo. Walang damayan ng sibilyan sa hitmang asintado. Ako'y mag-aabang sa gig niyan na parang big fan. 'Pag natyempohang mag-isa, sakal agad sa neck niyan. Sabay tutok ng baril sa kanyang eardrum. Parang nagsound trip ng metal, pagkalabit, head bang. Pero kung mas gusto niyo, mas brutal na tambang, siya ay papaulanan ng dalawang handgun. Sa bilis kumalabit, mabilis pumaslang. Sa bilis dumura ng glock at tech, 'di aabot ng siyam-siyam. Glock, tech, siyam-siyam, walang nakaramdam? Aking baga ay boga, ang buga, maanghang. Sa dami ng putok, para bang may gangbang. Sunud-sunod na bang-bang. Million hits, Gangnam!

Judges, judges, Exhibit B. Nung pinanood ko yung laban niyo ni Rapido, may tumatak sa 'king isang barang sinabi mo, "G-flat, yung suso, minolestya habang may hawak na gitara, dinadaliri yung minor. G-flat, yung suso, minolestya habang may hawak na gitara, dinadaliri yung minor." Sinadya kong banggitin nang dalawang ulit sa 'yo kasi ginamit mo na yung linyang 'yon two years ago. Sa mga nakadata diyan, check niyo, check niyo. Sunugan Kalye, Shernan vs Tick Tack sa La Union. Yung linya mo sa 2:51, 'di ba yun yo'n? Ba't ka nag-uulit ng punchline? Wala ka na bang maisip? Pandaraya na naman para sa stage two, makasingit. Pandaraya na naman para sa stage two, makasilip. Wala ka na bang maisip?

Round 3

BLKD

Sa paglabas mo bilang PNoy, ako'y may pagtataka. Sinusuportahan mo ba ang pagpaslang sa mga magsasaka? Lakas-lakas pang sumigaw, akala mo, nagger. Kaya ka ba may stocking sa ulo, kasi si PNoy, holdaper?

Ang rap, parang pelikula, may iba't ibang genre. May comedy, action, drama, may iba't ibang ganda. Anuman ang lamanin, ang dapat bida, yung galing. Dapat yung husay ng sining at meaning ang ating tanghalin. Hindi porke't blockbuster ka, best picture ka na rin. Kasi kung sa pagiging mabenta, isasandig ang porma, para na ring sinabing mas magaling umobra Si Wenn Deramas kaysa kay Lino Brocka. At kung 'di mo yun nakuha, sa talino, broke ka.

Hindi madali ang magpatawa, hindi madali ang magpatawa. Dapat may talent ka pero madaling maging nakakatawa 'pag panget ka. Sabihin mo lang na pogi ka, laugh trip na. Samahan mo pa ng suot na mukhang tanga, lalo na.

Kung sa bagay, 'yan lang naman talaga ang kanyang strategy. Absurd humor ni Zaito, kabibuhan ni Smugglaz, at pogi jokes ni Andy G. Entertaining ka lang naman kasi sa pagkakuwela mo pero wala ka pang orihinal na naiambag sa eksenang 'to. Ako? Ako'y kumontra-agos sa panahon ng simpleng jokes. Pumaslang ng kamangmangan ang malaripleng quotes. Sa husay ng panulat, nagcreate ng clones. Pati mga beterano, napatake down notes.

Ganyan talaga. E eto? Ano gusto? Kay Mocks Wun, sabi niya, "Kailangan pa rin ng generic para maabot ng masa." Pfft, wow ha? So, kung magkakaanak pala 'to, mamamalnourish nang husto. 'Di niya pakakanin ng masustansya, kapag junk food ang gusto. 'Wag mong isisi sa pasahero palpak mong maneho. Minamaliit mo lang ang masa parang tusong panadero. Nakakabobo ang kahirapan, isip ay nakukulong. Pa'no ka magbubukas ng isip kung sining mo, mapurol?

Si B, hasa, kaya bihasa. Matulis na tulisan, may taga bawat kataga. May hiwa bawat pahiwatig, hatid ay dalamhati sa mga saksakan ng yabang na umaastang hari. Ako ang talas sa talastasan, taglay ko'y talimhaga. May rima sa eskrima, at ako'ng perpektong halimbawa. E ikaw? Puro gimmick, puro costume, puro tsismis, puro benta. Inaangat namin eksena, ginagawa mong perya. 

Tsaka madaya ka kaya mababa ka anumang taas ng ilipad. Walang saysay ang abilidad kung walang kredibilidad kaya kung mga hurado ngayon, may talino't dignidad, alam niyo na dapat ang inyong responsibilidad.

March 19, 2016

Sun Burn

Pitak-pitak na mga alaala
Biyak nang mga gunita
Tikad ng araw sa lalang
Hila mang ayaw sa parang
Dilgan man ng sariling puri
'Di makaaalis sa kubli
ng hikab paanyayang wala
nang silab pa ng laya
Liliyab na lang nang liliyab
Bibigat pa nang bibigat
Pasang may daplis ding hapdi
Agarang talis sa paggilid
Balik sa mga biyak at pitak
Halik at bintang-sadlak

III

Sa bawat hiblang binura
ng relo kong niloloko lang ako
Hindi pa rin naman sa kanya
Umiikot ang ulo ko
Ang mundo ko
'Di kailanman nabadtrip, nahilo
O kung ano
Siya lang din naman
Ang tanging pagitan
ng ating mga tagpo

Paikot na panahon
Kunwaring mga suliranin
Ayaw nang tumagal pa
Paghingi ng ligaya

FlipTop - Thike vs BLKD

Round 1

BLKD

Madlang people, judges, bago 'ko tuluyang magsimula, may challenge muna ’ko sa inyo. Mag-isip nga kayo ng isang malakas na bara mula sa past battles nito. Wala? Bukod sa titi niya yung venue? Wala? Okay, game, simula na tayo.

Kumusta, Jason? Friday the 13th ngayon. Tagmalas ang mga baboy-ramo. Laking malas mo, at ipamamalas ko ngayon ang bagong ako. Oo, masama ‘tong damo, matigas pa sa taong bato. Gusto na ’kong sindihan ni Anygma’t pagulungin ni Zaito, ano? Ako? Matatakot sa’yo? Boses mo lang ang malakas, bars mo, bano. Ako, mga bara ko, maapoy, may sa dragon na ’to. Bawat tama ng dura ko, Chino Roces, pasong tamo. Hindi lang basta shots fired, Thike. Arson na ’to. Iuuwi ka ng mga kagrupo mong isang sakong abo. Para siyang naligo ng gasolina, tapos nagsindi pa. Ito lang ang Friday the 13th na si Jason ang biktima.

Ano? Palag? Mga bara ko, hindi nasasalag. Tumutunaw ng baluti at dumudurog ng kalasag. Mga bara mo, kumusta? Asa lang sa husay mong dumahak. Ang tagal mo nang nagrarap, wala ka pang barang tumatak. E pa’no ba naman, mga bara ni Thike, gan’to: “Yo! Ikaw ang halimbawa ng mababang uri,
NFA rice." "Yo! Napakarami ko pang Chooks to Go sa huli kong bira." "Yo! Tindero ka ba ng popcorn? Kasi ang corny mo." Yun ang bars! So, akala mo, nung naisip mo yo’n, nung naisip mo yo’n, akala mo, malalim ka? Bihira ka na nga magreference, puro pagkain pa.

Buti pa, tuturuan na lang kita ng leksyon so you can grow your form. Punchlines 101 para sa punchlines, ‘di ka na mag-error 404. Bibigyan kita ng sample, aralin mo yung pagkakatahi. Rhyming ni Sak plus hashtag ni Tipsy para basic lang at madali. Sample? Sample: Mga bara ni Thike Cruz, gawang-bata, Nike shoes. Walang silbi, parang pagsusuot kay Righteous ng bike shoes. Malakas lang ang dating lalo na sa live views pero walang kuwenta on paper parang stylus. Ay sus. Ako? My lines bruise. Napapanahon, live news. Bawat pantig ko may bilang parang sa haikus. Makapigil-hininga na parang tight noose kasi destructive ang mensahe, I Love You Virus.

Gano’n. Gano’n lang sumuntok, Thike, at yo’n ang sandigan ko kung ba’t ako nasa upper cut ng tatsulok ng ligang ‘to. Walang paliguy-ligoy. Dapat straight to the point. Dapat mas nakakahook pa ang tama mo sa joint. One-two punch na maapoy, para kabattle, stun. Tipong reach pa lang, tusta na. Yun ang job well done!

Round 2

BLKD

Unang taon pa lang ng FlipTop, sumali na ’ko, at yung performance ko, mabigat na. Ikaw, kailan ka lang sumali kaya ikaw yung tunay na sumali nung sikat na.

Tsaka matanong ko lang, Thike. Kaya ba Thike pangalan mo kasi thick ‘yang thighs mo? Hindi na tinatablan ng diet, squats, at lipo? Ba’t naman nagtayo ka ng clothing line? Ideal ba ‘yang style mo? ‘Eto? May clothing line? Talagang sira na bait mo. Nung laban mo nga kina Ejo, Makii’t Bagang, isa lang yung damit mo. Bagang tuloy nasabi ko, pero check niyo, totoo ‘yon. Ganyan na nga katawan, lagi pang nakaitim. Ano ka, bouncer? O ‘eto’ng drumstick at flashlight. Magbantay ka sa crowd, sir! Op, nag-iisip na ng rebut, nagrarhyme na ng syllables niya. O sige, irebut mo ‘yon, patunayan mong predictable ka.

Thike vs Damsa. Yun ang una kong napanood na rap battle sa internet. Wala pang FlipTop no’n, sa Friendster ko pa ‘yon naintercept. Ang tagal mo nang bumabattle, early 2000s pa ‘yon. Ako, limang taon pa lang nagrarap, ta’s underdog na kita ngayon? Kaya anumang ganda niyang standing mo, isa ka pa ring talunan kasi nauna ka na nga sa larangan, napag-iwanan pa ng mga baguhan.

Ang problema sa’yo, Thike Lozada, nakatambay ka sa mediocrity. May skills ka nga pero ang development, walang velocity. Pasang-awa ka lang kaya ahon ka man sa hukay, hindi ka pa rin kahanay ng mga tunay na mahusay. Kung ang tanong, “Magaling ba si Thike?” Ang sagot, “Sakto lang.” ‘Di mo alam kung puri o pula, ang sakit, sakto lang. May saktong lakas para ‘di maging wack. May saktong hina para ‘di umangat. Mas natatawa at natututo pa kami sa mga palpak. Kayong mga nasa gitna, forgettable, walang kalampag.

At hindi lang sa battle rap kundi maging sa musika. Sapaw na agad kita e ngayon pa lang ako nag-umpisa? Hindi sa usapin ng sales o fame kundi sa usapin ng relevance sa husay magmulat ng fans, saludo pati hip-hop veterans. Oo, may husay kang magrap, kaso novelty ‘yang pagkatha. Mga kanta, ang recipe, sunod sa panlasa ng madla. Ako, mga tema ko, mapait, mga linya ko, matalim. Handa ang masang lunukin, kasi tunay at magaling ‘pagkat ako’y may husay ni Jordan, kultural na impluwensiya ni Jackson, talino ni Faraday, drive ni Schumacher, at lakas ni Tyson. Talagang mapapamura ka, sa bawat hit, sa lakas ng force. Five Mikes ang gatilyo, at rumekta ka sa source.

Kaya kung wala kang balak mag-improve, Thike, buti pa tumigil ka na ngayon. Dinggin mo ang wika ni Gamol, “Ten years ka na sa rap game? O sige, puwede na ‘yon!”

Round 3

BLKD

Sige, sige. Ang habol ko daw sa Isabuhay, pera. O sige, basag ka rin. Sige nga, ‘pag nagchampion ka, yung premyo, ‘wag mong tanggapin?

B-Side, game? Si Thike, lame. Thike’s crew, I don’t spite you. Wala lang akong gustong ispare when I strike you. Lahat kayo, mukhang buntis ‘pag nakaside view. Lahat kayo, mukhang source ng swine flu. Oo, tumaba na ’ko but I’m not like you. Below average pa rin pagsama-samahin man ang IQ. Awtsu. Mga J-logs na nakafake clops, size ng damit, times two. Mas cliché pa kayo sa pagpapapics sa Mines View.

RPN. Real Pinoy Niggas. Real, Pinoy, Niggas. ‘Wag kayong tumawa, hindi ‘to joke. Yun talaga ang pangalan ng grupo ng mga tungaw. Baka they rep the streets of New York, Cubao. Real Pinoy na nigga? Sa’n ka gawang pabrika? Sinong nanay mo, si Susan Africa? Anak ng kapre ka. Nigga ka? E 'di KKK ako, gano’n? Kasi sunog na Cruz at bigting nigga ang labas mo sa ’kin ngayon. 

Pero hindi. Kung may pagka-KKK man nga ako, yun ay sa pagiging Katipunero. Ako’y nakikibakang Indio, hindi nagpapanggap na Negro. At kaya ’ko nakikibaka, para sa mga tulad mong mangmang. Ilang ulit nang cinorrect, galit pa, ang gusto, hayaan lang. Binabangga ko ang kawackan para magtama ng kamalian. Pinapahiya ko sa harapan, para huwag nang pamarisan kaya ibahin niyo ’ko sa mga idol niyong mapanlait 'pagkat ang dulot kong pasakit, bunga ng malasakit.

Ako’y gurong sociable, na bawat turo’y notable. Aking mga diss, quotable. Sa ’yo, disposable. Palpak sa anggulo, linya’t punto, sablay ang geometry. Bara-bara mong rap ay novelty kaya rhyme book mo, toiletry. Aking panglinya, lason-tinta. Mataas ang potency. May katuwiran ang katha, Edgar Allan poetry. Mga madre, napapa-"Hell yeah!" Mga Atheist napapa-"OMG!" Kaya bagamat kid pa lang sa larangan, hinahanay na sa mga goat emcee. 

Kaya wala na ’kong paki, sinumang makatabi sa finish line. Kung ito’y tournament ng mga halimaw, ako si Raizen in his prime. Buong puwersa, nakareserba sa mga naghihintay. Akala niyo, I’m killing Thike? Hindi, I’m just killing time!

March 6, 2016

Alf

Tig-isa lamang munang dear quo.

Pinauubos na nila yung beer. Hindi na nila kaya. Kay tagal nilang matantong matindi nga yung amats nila sa punyetang vodka + mule + tequila na yun pero madali lang din silang mabibitin. Hindi nila alam, mabilis lang talaga nilang nauubos yung alkohol at panay ubos ng kuwentuhan kaya madali rin mapagod kakasagwan.

Minarapat ko na lamang na ibato (na naman) ang aking sarili sa (kunwaring) pagpilit sa sariling wala naman na sanang masasayang. Pumayag naman na sila. Hindi ko sigurado kung kabisado na nila kung gaano ako kaalcoholic or naaamoy na nila yung patay ko nang atay.

Ikaw lang ang hindi pumilit sa iyong sarili. Ninais mo ring makiubos. Pagbato tungo sa akin at hindi sa alak. Hindi naman na natin kailangan nun.

Umakyat na sila. Lalong lumamig ang simoy ng dalampasigan nang mabawasan na ang mga namamangka. Tayong dalawa na lamang ang natirang naupo sa buhangin. Hindi ko alam kung bakit agad nilang niligpit ang banig e tatambay pa nga tayo rito nang maubos na ang kailangan/gusto na ubusin/maubos.

Bilang na lamang ang nasa magkabilaang kaha ng yosi. Nagbukas ka na ng panibagong bote. May natira pang isa at isa pang inuubos. Matapos makalagok nang ilang beses, tinungo ko na yung banig na magagamit pa rin naman talaga natin. Inilatag natin sa malamig pa ring buhangin. Lumuhod muna at tiningala ang gabi. Mas maraming nanonood sa’ting mga tala kaysa dati.

Magkasunod na tayong humiga sa banig. Kapwang wala munang pakialam sa isa’t isa dahil sa gayon ng langit. Kay hirap ‘di bigyang-pansin. Kay hirap ‘di titigan. Ngunit tila kay hirap ding mawala sa isip na katabi kitang muli ngayon, nakahiga.

Nauna na akong lumingon sa aking kaliwa. Naramdaman mo ang aking pagsilay sa’yo. Ang ganda mo. Lumapit na akong kaagad, ipinatong ang aking kanang palad sa iyong pisngi, humalik sa iyong mga labi. Ibinalik mo ang ibig. Balewala lahat ng mga nakikisingit at halos inggitin na natin ang mga tala sa langit.

Duminig bigla ang mga alon ng dagat. Saka ko lamang naramdamang nasa mundong muli tayo. Humirit ang hinto sa paghalik. Kapuwa na lamang tayong nagngitian, malay sa pagkadalo ng bawat isa. Tumingin akong muli sa langit. Saglit lamang, saka ako bumalik sa iyong panig, at kanang pisngi mo lamang ang aking naabutan.

“Pakakasalan mo ba’ko?” Mahal na mahal kita. Hindi ko na alam mararamdaman ko sa ngayon, iisipin. Gusto ko, akin ka lang. Pati yung mga bituin sa itaas na umaagaw sa iyong atensyon, gusto kong bulabugin. Akin ka lang, please. Mahal na mahal kita.

Ikaw ang gusto kong makasama habambuhay. Katabi ko sa pagtulog, sa paggising. Kahit saan pa ‘yan. Kahit pa sa mga banig na punung-puno ng buhangin. Balewala rin naman lahat sa likas mong ganda. Ikaw lamang.

“Yes, baby,” lamang ang naisagot mo, sabay ngiting gusto kong ipinagdadamot sa lahat kahit na alam ko ring sa harap ko lamang din ikaw ngumingiti nang ganyan. Ako ma'y ngumiti rin. Ibinalik ko ang aking atensyon sa langit. Umihip ang ginaw. Nangupo ako. Uminom nang ilan pa sa beer at nagsinding muli ng yosi.

Sumunod ka sa aking mga galaw. Nakailang usapan din tayo’t hindi ko na kinaya ang ginaw at antok. Inubos lamang din natin ang mga beer at nag-iwan nang mangilang yosi. Tinapon/Iniwan na ang mga bote sa malayo, dinala na ang isang kaha ng yosi. Matapos ayusin ang banig, kinuha ko na ang iyong kamay.

Nawa'y manatili ang ganitong init sa ating mga palad, sa ating mga labi, sa ating puso.