March 6, 2016

Alf

Tig-isa lamang munang dear quo.

Pinauubos na nila yung beer. Hindi na nila kaya. Kay tagal nilang matantong matindi nga yung amats nila sa punyetang vodka + mule + tequila na yun pero madali lang din silang mabibitin. Hindi nila alam, mabilis lang talaga nilang nauubos yung alkohol at panay ubos ng kuwentuhan kaya madali rin mapagod kakasagwan.

Minarapat ko na lamang na ibato (na naman) ang aking sarili sa (kunwaring) pagpilit sa sariling wala naman na sanang masasayang. Pumayag naman na sila. Hindi ko sigurado kung kabisado na nila kung gaano ako kaalcoholic or naaamoy na nila yung patay ko nang atay.

Ikaw lang ang hindi pumilit sa iyong sarili. Ninais mo ring makiubos. Pagbato tungo sa akin at hindi sa alak. Hindi naman na natin kailangan nun.

Umakyat na sila. Lalong lumamig ang simoy ng dalampasigan nang mabawasan na ang mga namamangka. Tayong dalawa na lamang ang natirang naupo sa buhangin. Hindi ko alam kung bakit agad nilang niligpit ang banig e tatambay pa nga tayo rito nang maubos na ang kailangan/gusto na ubusin/maubos.

Bilang na lamang ang nasa magkabilaang kaha ng yosi. Nagbukas ka na ng panibagong bote. May natira pang isa at isa pang inuubos. Matapos makalagok nang ilang beses, tinungo ko na yung banig na magagamit pa rin naman talaga natin. Inilatag natin sa malamig pa ring buhangin. Lumuhod muna at tiningala ang gabi. Mas maraming nanonood sa’ting mga tala kaysa dati.

Magkasunod na tayong humiga sa banig. Kapwang wala munang pakialam sa isa’t isa dahil sa gayon ng langit. Kay hirap ‘di bigyang-pansin. Kay hirap ‘di titigan. Ngunit tila kay hirap ding mawala sa isip na katabi kitang muli ngayon, nakahiga.

Nauna na akong lumingon sa aking kaliwa. Naramdaman mo ang aking pagsilay sa’yo. Ang ganda mo. Lumapit na akong kaagad, ipinatong ang aking kanang palad sa iyong pisngi, humalik sa iyong mga labi. Ibinalik mo ang ibig. Balewala lahat ng mga nakikisingit at halos inggitin na natin ang mga tala sa langit.

Duminig bigla ang mga alon ng dagat. Saka ko lamang naramdamang nasa mundong muli tayo. Humirit ang hinto sa paghalik. Kapuwa na lamang tayong nagngitian, malay sa pagkadalo ng bawat isa. Tumingin akong muli sa langit. Saglit lamang, saka ako bumalik sa iyong panig, at kanang pisngi mo lamang ang aking naabutan.

“Pakakasalan mo ba’ko?” Mahal na mahal kita. Hindi ko na alam mararamdaman ko sa ngayon, iisipin. Gusto ko, akin ka lang. Pati yung mga bituin sa itaas na umaagaw sa iyong atensyon, gusto kong bulabugin. Akin ka lang, please. Mahal na mahal kita.

Ikaw ang gusto kong makasama habambuhay. Katabi ko sa pagtulog, sa paggising. Kahit saan pa ‘yan. Kahit pa sa mga banig na punung-puno ng buhangin. Balewala rin naman lahat sa likas mong ganda. Ikaw lamang.

“Yes, baby,” lamang ang naisagot mo, sabay ngiting gusto kong ipinagdadamot sa lahat kahit na alam ko ring sa harap ko lamang din ikaw ngumingiti nang ganyan. Ako ma'y ngumiti rin. Ibinalik ko ang aking atensyon sa langit. Umihip ang ginaw. Nangupo ako. Uminom nang ilan pa sa beer at nagsinding muli ng yosi.

Sumunod ka sa aking mga galaw. Nakailang usapan din tayo’t hindi ko na kinaya ang ginaw at antok. Inubos lamang din natin ang mga beer at nag-iwan nang mangilang yosi. Tinapon/Iniwan na ang mga bote sa malayo, dinala na ang isang kaha ng yosi. Matapos ayusin ang banig, kinuha ko na ang iyong kamay.

Nawa'y manatili ang ganitong init sa ating mga palad, sa ating mga labi, sa ating puso.


No comments: