April 7, 2016

Mkpngyrhn

Never doubt.

Ito na lamang ang pinanghahawakan ko. Alam mo na rin kung saan nanggaling. At kung saan pa nanggaling talaga. At kung saan pa nga ba manggagaling. Nais ko munang magpasalamat sa walang patumayaw na pag-alala sa mga iniisip ko, sa mga walang kabuluhang iniisip ko. Maraming salamat sa pag-unawa sa mga hindi ko rin naman sinasadyang bigyang-maling kahulugang mga bagay. Maraming salamat sa pag-intindi sa akin, sa paghihintay, na baka sakaling magbalik-loob pa rin ako sa pagtitiwala sa mundo.

Nahirapan akong magtiwala, totoo, pero hindi ko na kayang magalit sa’yo. Gusto ko na ring mapagod kakaisip kasi parang nahihirapan na lang ako sa mga hindi naman dapat nang pagpaguran pang mga badtrip. Gusto ko nang huminga nang mas maluwag. Gusto ko nang magmahal nang wagas, nang hindi na’ko minsang naghihintay ring masaktan. Ayaw ko nang maghintay masaktan.

Ikaw at ikaw lamang ang nagtiwala lang din sa akin. Ikaw ang sumagip. Ikaw ang umalala, nakiramdam, nakipag-usap, at nawa’y hindi pinilit akong tanggapin. Ikaw lang ang may gusto sa akin, sa aking mga kilos, sa aking mga iniisip, kahit na minsa’y may mga bagay tayong hindi magkatagpo, ngunit nagkakasundo rin sa huli. Ikaw lang ang nag-iisip sa akin, sa mga araw na ikaw lang din ang iniisip ko. Ikaw lang ang nagtangkang magpakilala nang buo ng sarili mo, sa akin lang ding buong-buo ka nang tinatanggap. Ikaw lang ang gusto, at ako lang din ang gusto mo.

Hindi na ako mapapatid pa sa mga lubak ng kagaguhan ng mga sarili ko lamang mga binarberong suliranin. Hindi na ako matatakot. Hindi naman na dapat. Hindi na ako magtatanong ng hindi ba nang may kahit katiting na duda. Hindi na dapat ako magduda, dahil sa’yo na lang din naman nanggaling. Ikaw na lang naman na ang pinanghahawakan ko. Hindi ka nagkukulang. Hindi mo na ako sasaktan, sadya man o hindi, dahil ako na lang din ang hindi mo na kayang bitawan.

Salamat sa iyo, ikaw na tanging akin, at hinding-hindi sa iba.

No comments: