August 22, 2016

Reboot

Hindi ko alam kung napansin mo na, o pinansin mo ba. Papansinin mo pa ba talaga? O hanggang pagpapapansin na lamang ako, kahit alam kong hindi ko naman kayang gawin yun. Malabo. Malayo. Hindi ko rin naman talaga kakayanin. At alam kong paulit-ulit lang naman yung tono ko, mapadati, hanggang sa ngayon, hindi ko kayang magbago. Baka kasi siguro, ayaw ko ring magbago. Nakakatamad minsan. Wala naman akong kayang ihaing bago. Ikaw rin naman siguro, kahit na araw-araw mo akong binibigla. O kaya, hindi ko talaga kayang magsawa, sa kahit na ano, sa’yo pa, madalas.

Isang tingin mo lang, ambilis mawala ng galit ko sa’yo. Ang hirap magalit sa’yo. Hindi ko kaya kahit makailang beses ko pang pilitin ang aking sarili. Malabo. Ang malinaw na lang, yung nararamdaman ko sa’yo. Naaalala mo noong isang beses, sa kuwarto nating aquarium, miss na miss ko na yung dati tayong magkatabi, miss na miss na kita, pero anyway, iyon nga, noong inaya kitang manood ng sine? Muntik nang kabahan yung kaba ko noon. Pa’no kasi, sa isang iglap lang ng pagtingin mo sa akin, natutunaw na agad yung mga mata ko. Yung puso ko, sakto lang naman. Nasa pagitan ng pagkukunwari at pagpapakatotoo.

Hindi ka pumayag noon, kahit na saglit ko ring ipinagdasal na sana’y pumayag ka sa hindi horror na pelikula. Hindi ko na rin maalala kung ano yung palusot/dahilan mo noon kung bakit ayaw mo. Kesyo ganito, kesyo ganyan, inimagine ko na lang na hindi ako guwapo kahit na napakajudgmental ng bagsakang ganoon.

Isa lang naman yung pinangarap ko sa araw na iyon, pumayag ka sa panonood ng sine, kahit na magsama ka pa ng iba, ng tao talagang gusto mo. Minsan naman kasi, wala akong pakialam sa ganun. Madalas, nakakapanselos na lang din, kahit na imagination ko na lang ulit yung may kasalukuyan kang nagugustuhang iba. Okay naman akong tumabi sa tabi mo, kahit minsan lang mapatagal ko yung kung anong kilig na matagal ko nang ayaw solohin. Nais kong maramdaman mo kung paano mo akong napasasaya, kung bakit may mga kung anong dahilang hindi ko na pinipilit yung sarili kong bumangon sa araw-araw.

Hindi naman na kita pinilit dahil alam kong may mga hangganan lang yung kung anumang relasyon yung mayroon tayo sa ngayon. Kung magkapantay pa nga ba talaga tayo ng tingin sa salaming namamagitan sa atin. Kung kumportable ka pa nga ba talaga sa akin kung sakaling maiwan tayo nang tayong dalawa lang.

Umihip ang hangin, hindi mo inasahan. Hindi ko rin naman inasahan. Matapos kong makapagyosi sa ibaba e dumating ang isa kong kaibigan at nagsabing sasabay raw siya sa kotse ng isa pang kaibigan. Daming kaibigan, alam ko. Nakakapagod bigkasin pero—nagagambala ko na naman yung sarili ko. Binanggit niya na lamang sa akin na sasabay ka raw sa kotse. Edi biglang hindi ko na naman alam ang una kong sasabihin/gagawin.

Maya-maya’y nakalabas ka na ng gusali, at atin nang tinungo ang kotseng sasabayan. Pagkaupo natin sa gitna, ni hindi ko magawang makatingin sa panig mo. Hindi ko alam, okay. O pero siguro, maaari kong isiping takot ako sa maganda. Or tanggap kong pangit ako. E siyempre dun na lang ako sa nauna.

May pagitan sa ating dalawa. Sinadya na lang siguro yun ng malupit na tadhana. O ako, o puwede rin kasing wala naman talagang namamagitan sa ating dalawa. Sinubukan ng lahat na pahabain lahat ng kuwentuhan. Sakto lang din namang nagtatawanan tayo nang likas at hindi mo pa nahuhuli yung mga nakaw kong tingin sa iyo. Masarap din sa pakiramdam minsan yung ako lang yung nakapagpapangiti/tawa sa’yo.

Kasabay ng mga tawanan at kuwentuhan, nakailang kalsada at pilit ng French fries din ang nagdaan kung kaya’t ‘di rin nakapagpigil ang designated driver na pumarada sa Jollibee. Siyempre, yung best bro ko yung aking tatabihan sa four-square set-up na mangyayari sa loob ng restaurant. Tsaka siyempre ulit, maganda ka masyado.

Kaunting usapan muli, hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan. Matapos makakain, iniwan na natin si best bro tsong tol pare man dude dahil malapit na lamang doon ang kanyang tirahan. Nauna mo nang inihatid si driver sa kotse dahil iisa lamang ang payong na ating nadala. Noong papalapit ka na sa akin para pasuungin sa iyong payong, paunti-unti muli akong kinabahan dahil nasa akin na lamang muli ang bahagya mong atensyon. Alam kong malabo yung sinabi ko pero hindi ko alam kung paano kong isusulat na napakalakas talaga ng buhos ng ulan noong gabing iyon.

Nang makapirmi na sa loob ng kotse, napagdesisyunan nating tatlo na ibaba na lang tayong dalawa sa kung saang kalsada sa Las PiƱas, at doon na lamang magsimulang magcommute. Alam kong parang ganun din, at naaalala ko ring mas hassle nga yung planong iyon pero hindi naman ako makapagreklamo, kasi nga, maganda ka. Bahala na yung puso kong atakihin sa kaba/kilig, at least namatay ako sa ilalim ng masayang karanasan. Ilan sa masasayang karanasang hindi kayang mabahiran ng lakas ng ulan ni ng sampung ulit na guwapo ng driver sa akin.

Umuulan pa rin noong naibaba na tayo sa napag-usapang destinasyon. Sabay tayong naglakad sa Ilalim ng Payong Part II at nagmamadali nang naghintay ng jeep. Pareho tayo ng jeep na sinakyan ngunit mas maaga kang bumaba kaysa akin. Paulit-ulit kong inalala yung lahat ng naramdaman ko dahil alam kong first time kong makatabi ka at wala gaanong namagitan. Yung mga nakaw kong tingin na lamang na nahuhuli mo minsan, at mga ngiti at mata mong nagpapatunay nang taal na, iyon nga--.

No comments: