February 10, 2017

Candy

Kung gusto mo akong hanapin,
Kung gusto mo pa akong makita,
Huwag kang magsisimula sa mga alaala,
                sa ating mga alaala
Huwag kang magsisimula sa mga bakas
                na sadyang iniwan na natin
Lalong huwag kang babalik sa mga bagay
                na makapagpapaalala lamang sa iyo
                ng mga espasyong nalikha
                at nawala
Huwag kang daraan sa mga semento
                at kalsadang pinaghintayan natin
Huwag kang hihithit ng usok, ni pipitik ng abo
                mula sa mga durong tayo ang nag-umpisa
Huwag kang maghahalo ng mga alak
                na sumabay sa pag-ibig na nagpahilo sa atin
Huwag kang maghahanap sa mga bituing
                tiningala natin gabi-gabi,
Sa mga damuhang ating inupuan,
Sa mga palabas na gusto mong mapanood,
Sa mga palabas na gusto mong gawin,
Sa mga palabas na gusto mong gawin natin,
Sa mga lupon ng musikang tayo lamang ang may unawa,
Sa musikang tayo lamang ang nakakikilala,
At sa mangilan pang pagkakataong-tagpo ng isip,
Sa mga oras at hibla, na hindi mo naman kinayang gampanan,
Kasabay ng bawat balkonahe, bintana, bungwitan, at bukasan
                nang makapagsinding muli ng bago

Kung gusto mo akong makilala pa
                makilalang muli, mahanap,
Doon mo lamang ako makikita
Sa pagitan ng boses na hindi nagtigil magpaalala sa iyo
                na hindi ka mapapantayan kailanman ng umaga,
                na ikaw lamang ang siyang makapagpapasunod
                sa bawat pintig na ikaw lamang din ang gumigising,
Sa pagitan ng bawat tansan, at upos
Sa pagitan ng mga titik na pinaglubilo, tanging tungo sa iyo,
Sa pagitan ng bawat paghihintay ng panibagong koro, o berso,
Sa pagitan ng bawat ingay,
Sa pagitan ng bawat mulat, at himbing,
Sa pagitan ng bawat umaga, at hapon, 

Bawat araw, at buwan, bawat oras, minuto, at segundo,
Sa pagitan ng bawat katahimikan,

Sa pagitan ng bawat kape, at timpla
Sa pagitan ng lungkot, at ligaya,
Sa pagitan ng paghihintay, at pagtitimpi,
Sa pagitan ng mga yakap, at ngiti
Sa pagitan ng mga pangako, at halik
                na makapagpapaalala sa iyo, at sa akin
                na mayroon na tayong pagitan

No comments: