Gusto ko nang umibig muli. Gusto lang naman. Hindi ako nagmamadali. Hindi rin desperado. Hindi rin ito para sa'yo o kung kanino pa man.
Ito ay para sa hindi na mamamatay pang kilig. Para sa lagi't laging pagbisita ng mga paruparo sa hardin ng mga 'di na malalanta pang bulaklak. Para sa 'di na mauulapan pang pagbati ng araw. Para sa hindi na maitatago pang mga ngiti. Para sa mga halatang walang hiyang maihahayag. Para sa paglayag nang malumanay. Para sa simoy ng unti-unti pagyumi.
Alam kong madaling sumira ng timpla. At saglit lamang ang hinihintay bago magpaalam sa magpakailanman. Hindi ko inasahan, hindi mo rin inasahan. Malalaglag din sa ibang nalalabi ang mga dahong masayang nagsalu-salo sa biyaya ng ulan. At sa puntong hindi na kaya pang makitaan ng kislap ang lahat, hindi na rin mapipigilan pang hatiing muli ang sarili, tungo sa kung saan-saan.
Pipiliting pagtagpiing muli, mula sa inilibing nang mga pagtibok, tungo sa natapakan nang mga pakpak, tungo sa maputla nang mga halimuyak, tungo sa pagbabalik ng karimlan, tungo sa pagtikom ng ligalig, tungo sa pagtatago ng sarili, hanggang sa bumisita na pagtambol, saka iihip ang takot ng pag-iisang ayaw.
No comments:
Post a Comment