Amoy pasko ka ng kasiyahan. Ikaw lamang ang tanging makapagpapaalala ng sarili mo. Ngiti mo lamang ang makapagpapakilala ng ikaw. Ako lamang ang makakikita sa'yo ng tunay na ikaw.
Angkin mong ngiting may pamukaw na maghihintay lang ako. Anong kalma itong aking nararamdaman. Kakampante ako't maghahanap ng puwesto. Uupo ako sa lumang mga upuan. Sisipat sa kahit na anumang halamanang maaabot ng aking paningin. Magsisindi ng kung ano. Isasabay ko rin sa usok ng asukal at kape. Huhuni ang ilang mga ibong hindi ko na makikilala. Ako lamang na matutuwa sa ganitong kulimlim ng langit, nawa'y malamigan ng mga tikatik ang sariwa sa aking kaligiran.
Hihintayin kita hanggang sa malapit na akong mainip. Hanggang sa bilangin ko na ang bawat patak na galing sa nagbabalik ng katingkarang sinag. Hanggang sa makapagpainit na akong muli ng kape't mambulabog para sa masikip na kabaong. Hanggang sa sumimangot nang inis na inis ang pinalalamnan. Hanggang sa masundan ka lamang muli ng aking pagtitig, at humalimuyak kang muli, aking pasko.
No comments:
Post a Comment