Iba ang iyong lula sa aking lula. Magkaiba tayo ng tatawiran. At maniwala ka man sa hindi, naniniwala pa rin ako sa oo. Babalikan mo ang dati, kikilabutan ka sa ayaw mo na talaga. Maiisipan mong kumawala, at hindi mo na ako muli pang maririnig.
Tumigil ang lahat.
Ako na lamang muling mag-isa. Pagkagaan ko'y nakasalalay pa rin naman sa akin. Bawat buga ay manggagaling sa marunong humarana. Hindi natatapos ang lahat sa pagtingala sapagkat walang katapusan mo akong iisip-isipin. Sa bawat kalyeng iyong madaraanan, ang usok ng kable ay madaling maaamoy. Mag-aanyaya ang iyong mga kaibigang suwaying muli ang iyong pani-panibagong pangako sa salamin. Madali kayong uupo, maghihintay sa ginaw ng gabi. Ang tugtog ng mga tala ang magsisilbing gabay tungo sa kinabukasang madali mo lang ding makalilimutan.
Hindi tulad ko o tulad ng mga inamin ko sa iyo. Maghahatid sa atin ang maya't mayang pagbabalak ng diwang may hilig sa simpleng pagsilip sa iyong mga ngiti. Ang marinig kang tumawa'y nandiyan lamang nagkukubli. Hindi paaawat ang bawat ganting pagtatago. Susulitin ang mahulog nang paulit-ulit sa mapangatwirang mga lula sa iyo lamang ang puwersang kakayanin.
No comments:
Post a Comment