Nalulubhaan na naman ako sa kakuparan ng mga putang hibla. Ganito na naman, sa tuwing raratrat na ng mga kalabit at tapik, makausap ka lamang muli, makita, maisama sa mga danas, sa mga danas ngayong gabi -
ngayong gabi ng aking pula.
Siyempre, kasama ang pinagkakamalang kapit sa kamang simpares. Hindi na iyon mawawala. Para bang hihilahin ako pabalik matapos sumulpot nang inaasahan din naman. Mayroong dalawang nakisama pa na ngayon ay aywan ko na lamang kung gumagana pa ang patintang tumpik sa kanilang mga sipa.
At ikaw, ikaw na siyang nais parati, sa araw-araw na paghingi ko, hindi ko minsang hinangad na magkakamali ako sa aking bawat kumpas, bawat pawis ng pasensya, at pagtulo ng huwag naman sana.
Hindi sigurado sa kung paanong iihip ang lahat. Wala ring nakakikita sa dulo ng magiging kahapon. Kapuwa lamang ang lahat sa pagbatid at bati ng pula, kulang sa rekadong pampalubag-hangin ngunit sakto pa rin sa himagsik ng pagtatago.
Nasa ibang pook ang aking mga kagisnan kung kaya't anong libre itong paraisong iniwan para sa akin, para sa atin, sana. Maya't maya akong lilingon ngunit hindi naghahanap ng tiyempo. Bawat ngiti'y kabang sisipa na lamang. Bawat imik ay hindi pinalalampas subalit kinakailangan pa rin umastang salbahe.
Inisip kong mauubos din ang mga mitsa ng alaala, at gugulong din ang mga tala. Tayu-tayong taal na lamang na muling lalaban sa mga iisang aso ang siyang iniwan nang makipagtagisan pa sa isa pa nga ba. Unti-unti kang napapahimlay, nagyayang mamahinga. Sinasalo ko lamang lahat ng iyong mga ngiting kay hirap iwasan. Sa bawat pekeng lambing na iniipon ng aking tiyan, nawa'y nakakislap ka man lang kahit kaunting pagpapaano kung.
Humina ang iyong sisidlan, at huminga ako nang malalim. Humingi ako ng paumanhin, at humingi sa iyo ng pasubali. Maya-maya'y isa-isa nang nag-ugnayan ang magkakalayong mag-anak, kanya-kanyang nagbatian, at mahigpit nang nagbukluran sa isa't isa.
Ito ang pag-ibig, turing ko sa ating pagsasarili. Hindi man ako sigurado kung uminit sa iyong kalam, marapat lamang na iyong malaman, kung nakikilala mo pa ba tayo, na minsan ding ang lahat na naging ito, ito, itong-ito, ito ay hindi naging hindi pag-ibig.
No comments:
Post a Comment