Nangangamoy na yata ang mga panibagong butas na aking pinag-iiwan. Matitigas pa rin ang malulutong na hangong hindi kailanman magpapabara. Mapapaikot ang mga magsisipagtipon nang maalala ang mga hindi na inaasahan pang himala. Kakarampot na pag-asa ang magsisilbing kumpyansa ng mga anak ng sinakop ng kadiliman. Wala pa ring natututong mamaalam sapagkat pangunahan ma'y makapipiglas pa rin sa hudyat na paulit-ulit lang din namang dumaraan sa aking harapan at gilid.
Hindi ko na kailangan pang pag-isipan pa nang malalim, maging sapat lamang na makatikim ng anyong matatawag nitong pagmamahal mula sa tumitibok nang tunay. Balewala ang mga nalampasan nang mga hardin ng paruparo na tumutuwang nakikpagpasiyahan sa ginaw ng hindi matapus-tapos na pagpapakulo. Pagkasuwerte ng mga naabutang gising pa ang katatapos lamang managinip. Sabik na sabik sa pagbating hindi iniayon ng tadhana ngunit pabor sa mga tala. Hayaan man ng ipinapitagang bantay ng pamamahinga, ang mawaglit nang ilang sandali'y hindi sana humiwang sugat bagkus ay luminang na kainggita'y bulalas ng makapansin.
Mangingiti ka rin, at mabuting alam ko, maski alam mo. Tatlo na lamang ang matitirang maaaring tahakin. Kung paurong man o susulong, tiyak na ang pagpapasya'y hindi nasa mga palusot nakasalalay. Bibigat o gagaan ang magpapatung-patong na mga araw, walang may kailangang magmadali. Ang bawat saglit ay lilipas, tandaang hindi kailanman umatras ang oras. At sa iyong bawat kabig ay huwag makalilimot. Bawat pagtanda ay pag-akap sa bangungot o pagpitik sa pangarap.
No comments:
Post a Comment