Kailangan ko ba itong kamutin? Muling gisingin ang nananalaytay? Sa kaunting pakipot ay bigla-bigla na lamang nabubuhay. Mangilan-ngilang araw rin ang pinalipas, binilugang mga marka. Paikut-ikot na ako sa mundong hindi matantya ng aking mga bisig, kalam, galamay. Sirang-sira ang bait, mamaya na lamang gagapang, pabalik, wala na ang pagkasabik. Pagbigyan na sanang muli ang hinihinging alaala, muling makaramdam sana ng mga ayaw maramdaman. Saktang muli ako.
Saktan mo uli ako.
Dadagundong sa alapaap, malabirheng santa ipokrita. Bababaang kaunti ang liwanag. Magpapatindi ang kape. Maghahalo ang kaba't ulirat, mahaba pa ang umaga. Doon mo na ako sunduin sa malayong paliparan. Masdang mabuti ang pagwasiwas ng mga sibol at kagintuan. Iwasang bumahing-papikit nang walang malampasang pagsisisi, na sa bawat paglingoy saya lamang dadampi sa mga labing kung saan-saan na makararating.
Mahaba pa ang umaga, kalahati pa ang aking tasa. Puno pa ang aking kaha, nangangamoy pa ang mantika. Pasinayaan ang mga balakid, wala namang masama. Kaluguran ang mga ito sapagkat may layuning makakita sa dilim. Sa bawat hakbang ay tutuldok ang liwanag, mitsa ng mas malaking marka, bigating mga bilog. Lahat ng nalalama'y maaaring sumaliwa ngunit matapos angasan ng anghang, tatandaang matatapos din ang umaga.
No comments:
Post a Comment