Alam mo, alam mo na. Alam mo na kaagad. Alam mo na kaagad ang sasabihin, ang sasabihin nila. Hindi mo na kailangan itong marinig pa, isa-isa, dala-dalawa, pakaunti-kaunting kanti sa iyong lalamunan. Alam mong tama na. Mangyaring ikaw na ang magsabi nito, ng mga ito sa iyong sarili.
Magpagana, magpaluwag, dahil ikaw mismo ang may kontrol sa mga hindi mo kayang kontrolin. Masagana ang umaga, masagana rin dapat ang gabi. Humupa't magsitalukbong ang mga nanonood lamang sa iyong paligid, mga nagsisipumilit na tumulong ngunit walang pakialam paminsan-minsan, ikaw na mismo ang mag-umpisa, mag-umpisang gumising sa natutulog mong kalooban dahil saan, saan pa't ikaw rin mismo ang gumigising sa araw-araw na masagana, sa gabi-gabing nararapat ay nakatalukbong ka na sana.
Kumilos, hindi lamang ang buong katawan ngunit maging ang iyong sariling pag-iisip. Alam mong ikaw lamang din ang kumakausap sa'yo. Ikaw na mismo ang kumausap sa iyo, sa iyong ayaw kang tigilan, sa iyong lupa't kaluluwa'y may siyang bigkis na magpapatibay kung bakit at paano ang dapat mangyari. Pangyarihan man ng madla, alam mo at alam mo rin na ikaw lamang, siyang ikaw lamang ang may hawak sa ngunit at hindi ang iba.
No comments:
Post a Comment