Ayos lang kayang maya't maya kang nasa himig ko? Sa tuwing nag-iisa, nayayamot, mababato na sa kakabakya ng masarap, manaka-nakang iimbot sa bawat pasingit na indak. Ang tugtog ay samu't saring tagumpay sa aking lalamunan. Malamig na malamig, kahit na walang yelong yumayanig. Humihinto ang hibla-hiblang pagpatak, magkaroon lamang ng kuntentong pananahimik. Dudurugin ang mga takot paibutod sa panandaliang pag-inda at ligaya.
Ano pa't magsisulputan man ang mga pang-araw-araw na sugat sa aking balat, lalangisan lamang ng gamot pang-ubos hanggang sa hindi na makaramdam pang muli. Magugunaw ang galit, gigilitan ng ganid kung manggago. Idinaraan na lamang sa pagpikit at buntong-hininga, matatakot na humimlay dahil sa may pagbadyang bangong pabigla.
Tirik ang minumutang paningin, nag-iisa na lamang muli ako, nag-iisa nga lamang pala ako ngayon. Unawain sanang nais nang ibalik ang mismong dati-rating dakilang digma laban sa aking ibang mga sarili. Tama na, o tama na, pakiusap. Ang aking paglalaan ng katawang lunan lamang ng tampo at nakakalitong hinanakit, nawa'y humupa na't magkaroon nang muli ng silbi.
No comments:
Post a Comment