Ano ba itong tila humihiyaw sa panlasang karumal-dumal. Maya't maya'y makikiapid sa karunungang hindi para sa akin kung hindi pagbibigyang magkaroon ng panghihimasok. Ang kagat ng lamok ay matindi lamang sa inaantok. Kadiri ang panlasa't pang-amoy ngunit hindi pa rin naman nakakalampas sa hustisya ng mga langaw ang aking pagbabalik sa tae, sa pagtatae ng aking salbahe.
Galit na galit ako sa tuwing papalapit na nang papalapit ang peligro, kahit na ako rin naman ang nagdulot nito / ng mga ito sa aking sarili. Masayang hindi nasasayang ang aking bawat pagdadalamhati subalit napapadalas na rin yata ang aking mga insulto't kawalan ng galang. Kalahati ng aking pag-ibig ay hindi nanggagaling sa aking sarili kung hindi para sa aking sarili. Masalimuot mang pakinggan, nawawala nang buo pa rin naman ang aking pakialam sa iba.
Mapapakamot lamang ako sa ulo, tatahimik nang panandalian. Hahaluin sa huling baitang ang aking tasa't pipitikin na ang huling abo ng aking pamamanhikan. Malabong pumayag pa rin ako sa inyo dahil sa taglay kong karuwagan. Iniisip ko'y hindi namang ipinalayong sumuot ang mga gintong dalaga kung may sa kung kumbento ang hangarin. Mayroong mga namumulaklak at nabubuhay sa ilalim ng mga tulay dahil patuloy itong dinaraanan ng mga tao, iba't ibang lalang, ng hangin, ng hindi matatapos na daloy ng aking mga titik at diwa.
No comments:
Post a Comment