July 28, 2019

Sino ba 'tong nagsasalitang 'to? Baon na naman ba ako sa limot? Magbibilang na naman 'yan, maraming beses sa iisang pagpusta. Tatamaan na naman ng maraming suntok mula sa paulit-ulit na pagbatikos sa makailang tatlong pagsara ng pinto. Mamaya na. Hindi pa naman ako inaantok... ulit. Teka, huwag muna kayong makulit. Saka na munang makipagtagisan sa mga hindi naman gaanong katanyag, panggagong paglapag, malayong sumikat, bandidong hindi mahagilap.

Oo nga, oo na, pero huwag niyo muna akong hagilapin. Andito naman ako, at andito naman tayong lahat. Pasensya na sa lahat ng hindi na maiari pang kayamanan. Lahat ng aking sinusundang kapag malayo ring tingnan ay siyang titibag sa mga umaawit nang malumanay sa ilalim ng dilim ng nagsasayawang tugtog at laya.

Hinog na naman ang amoy ng musika. Ako na, ako na nga, at ako naman talaga ang bahala sa aking sarili. Huwag na huwag mong kukuwestyunin kung saan pa nga ba manggagaling ang nag-iisa, at minsang lahat-lahat ng aking mga pakialam. Tumigil ka dahil nakapirmi naman ako. Saka na ang iyong pagbalikwas sa aking mga pangarap 'pagkat nasa pagitan pa rin tayo ng panaginip at alimpungat.

Pakalabit ng bisyo.

July 21, 2019

Nagkamali ba ako ng spelling? Nasaan na? Nawawala na yata. Teka... Ano na namang nangyari. Mayroon na naman bang nagawang hindi sinasadya o hindi inaasahan? Isa, dalawa, wala. Mayroon na naman bang hindi naunawaan o sadyang mayroong pilit na iniintinding kasaysayan sa pagitan? Hinding-hindi mawawala sa pagtayog ang gabing sinalimuot ng hapong gin at yosi. Nasa dulo na ng pag-idlip ang mumunting mundong nagpaalam kung kaya't itinulak na nang sagad ang hinaharap.

Wala namang may hawak sa tanikala, ibig din naman ng buwan ang magkatabi simula pa lamang. Ang tanging dahilan ng mga paulit-ulit na pagbanggit ng mga linyang ipinahid sa sahig at gitara'y malinaw na malinaw na gumuguhit sa ating mga alaala.

Alaalang mawawaglit nang dahil sa kapirasong karipas.

Tama na, tama na sa paghahanap kung ano nga ba ang siyang unawa ng hamog sa usok na ibinuga nang makailang ulit. Saan ako puwedeng pumuwesto? Sa paligid ng mga pangkatang salaysay ng mga makaluma, payapang nanggugulo sa kapuwang nag-iisip kung tama pa ba ang paghihintay nang sagad. Bahagyang sisilip sa kabila ng mga ngiti, aakyat hanggang makahirit muli ng isa pang pagkasat.

Ipinares sa magkabilang dulo ng gabi. Lahat din nama'y itinatapong upos sa sementong hinalikan ng mga minsan na ring pinausad ng halika, halika.

July 14, 2019

Kabi-kabilang pag-arte mula sa simula't sapul na pag-inda. Samakalawang pag-indak tungong aparador ng pagsindak. Mamaya ang umpisa kung magpapailalim sa diskusyong kailangang magpaimbabaw hanggang sa maging malayang tunay na ang diwa, ang diwang makabayan, ang diwang sadyang iniipon na lamang kung hindi pa kayang kumaripas papalayo sa makamundong mundo.

Kung susumahin, ang kagyat ng bawat kinaligtaang kape'y magkakaroon pa rin ng hindi na baleng plataporma, at sa mga dalumat na ito'y hahadlang na ang iba't ibang demonyong nais na sumimple't umayon sa hindi naman din dapat na arangkada. Dodoble ang bawat panuto, iindahin ang bawat sapak. Saka lamang kakagat muli pagkaraan ng ilang beses na pagpilit sa sarili na ang tama ay tama na, ang mali ay magiging tamang muli.

Kukunot ang noo sabay tilapon ng kumento. Galit na galit sa mga sistemang alam na alam na noong nagkakasunduan pa lang ang mga batas at datu. Ah, hindi naman tula iyan. Mangyaring may ipinangyayari ang pagkakayari. Yari na naman. Yari sa yari, yari ang yari kung mayari.

Yari.

Hindot at malakas, sisigaw nang mahinahon dahil hindi naman imposible ang tula. Nasa tula ang pagiging imposible, at tula ang magpapaposible. Ang tula ang imposible. Imposibleng maging posible ngunit ang tula ay ang makata. Ang makata ang tula para sa ikaliligtas ng mga posible at imposible.

Imposible.

July 7, 2019

Hindi na naman tumigil ang pagtikhim sa lalim at lilim ng dilim. Kalimitang iniaangat lamang ang sariling pagtapak sa hulog ng paanan ng iba ngunit hindi na bale pang makapangutyang walang silbi ngunit kumakalas sa buto ng lalang. Sisikaping makipag-unahan sa hindi naman nakikipagkarerahan, at imbes na pumatol sa mga kapuwang nakatayo, ang kakayahang magmulat ay muli't muling itinatagay sa kakarampot na yari ng yelo.

Mag-ingat ka. Ang lubha't pagkitid ng iisang martir ay pinagbibigyan lamang ng isang anghel na hindi kailanman nakidapo sa kanyang mga kapatid. Ang nakaraa'y may sariling silbi at wala nang iba pa. Hahapo ang mga anino't pupuksain ang pagbandehado ng mga kalat-kalat na pighati. Makakalimutang magpasalamat sa hari dahil hindi naman ang ugat ang makinarya sa paulit-ulit na pagsimpatyang ikinalulugod naman ng karamihan.

Ang akala'y kapag sumikat na araw, saka lamang mag-uumpisa ang dapat nang tirikan ng kandila. Maharot ang tadhana kung araw-araw ring kinakausap. Isarado nang mataimtim ang mga palad nang hindi makita nang lubos ang mga kunwa-kunwaring linya. Dito tayo, dito tayo dali. Hila-hilang paluwag, saka na muna ang pagtabig. May dala-dala akong sibat na pangaso, pangkaladkad sa mga natitira pang may balak na kumagat sa yamang ating isisiwalat.