Nagkamali ba ako ng spelling? Nasaan na? Nawawala na yata. Teka... Ano na namang nangyari. Mayroon na naman bang nagawang hindi sinasadya o hindi inaasahan? Isa, dalawa, wala. Mayroon na naman bang hindi naunawaan o sadyang mayroong pilit na iniintinding kasaysayan sa pagitan? Hinding-hindi mawawala sa pagtayog ang gabing sinalimuot ng hapong gin at yosi. Nasa dulo na ng pag-idlip ang mumunting mundong nagpaalam kung kaya't itinulak na nang sagad ang hinaharap.
Wala namang may hawak sa tanikala, ibig din naman ng buwan ang magkatabi simula pa lamang. Ang tanging dahilan ng mga paulit-ulit na pagbanggit ng mga linyang ipinahid sa sahig at gitara'y malinaw na malinaw na gumuguhit sa ating mga alaala.
Alaalang mawawaglit nang dahil sa kapirasong karipas.
Tama na, tama na sa paghahanap kung ano nga ba ang siyang unawa ng hamog sa usok na ibinuga nang makailang ulit. Saan ako puwedeng pumuwesto? Sa paligid ng mga pangkatang salaysay ng mga makaluma, payapang nanggugulo sa kapuwang nag-iisip kung tama pa ba ang paghihintay nang sagad. Bahagyang sisilip sa kabila ng mga ngiti, aakyat hanggang makahirit muli ng isa pang pagkasat.
Ipinares sa magkabilang dulo ng gabi. Lahat din nama'y itinatapong upos sa sementong hinalikan ng mga minsan na ring pinausad ng halika, halika.
No comments:
Post a Comment