August 28, 2019

Pasensya na at hindi na makapagpigil. Sinadya ko nang may pag-unawa, saglit. Paumanhin nga. Agh! Teka, teka sabi. Maghintay ka! Ano ba naman yung saglit na pinakawalan ko sa kalawakan ng iyong kalawakan? Nasa ilalim ka lang din ng parehong kalawakan kaya manahimik ka!

Pwe!

Sakal na sakal na ako sa mapanukling puwersang bumabalot sa tuwing aararuhin na lamang ako ng araw. Pinigilan ko, oo, ngunit sa likas na itinagay ng may-ari sa aking minamayang hapunan, sa mas maliliit na kalawaka'y hindi na rin ako nakaiwas pa.

Pasensya na nga.

Sa iyong mga hindi nilikhang timpla, ayos na rin sapagkat baha-bahagyang lumulumanay ang aking maya't mayang pagbirit. Hindi ko inaayon ang aking pagsabay ngunit tila lalong sumasabay ang siyang pag-ayon. Ramdam kong ramdam mo ngunit umilalim ka na bang totoo sa kung ramdam mo ba ang ramdam ko?

Hindi naman mahirap ipaliwanag. At sa kung sakaling karimlan ay nadadaya ng iba ang sumusulpot pang tumataya, magpatihulog na nawa tayo sa kawalan ng tiwala sa mga susunod pang hindi makatotohanang pagpupugay sa iyong, siya nawa, walang kalayaang paghingi ng pansin.

August 21, 2019

Narito sa aking dinadala ngayon ang patunay ng hindi pantay na antas ng karangalan. Ang dangal ay makitid, mailap, at mabangis. Hindi pumapalag kung susuyuin ngunit kung bumalak ay sagad ang pagsugod sa aking mataimtim lamang.

Nalalabi na lamang ba ang aking panahon? Wala sigurong may nakasisiguro. Magtatakda lamang ang oras kung iibahin ang tiyempo ng naghahanap pa rin sa akin na madla. Makakailang ulit pa rin ako sa aking mga kasalanan, pag-iibahin ko pa rin kung ano ang wasto at kung ano na lamang ang mali sa aking mga hinaharap, ngunit sa pagmatyag sa dilim ng pagpipigil ng aking isinukang pangarap, hindi na rin masamang pumayapa kung minsan ang hinihinging paalam.

Diyan na muna kayo, o dirito muna ako. Paparayang hihinahon din naman ang aking mga rumaragasang alon. Mag-ingat ka, dahil ang pagbabago'y iihip sa mga talampas, sa galit ng matatatag, sa luntiang sumusuroy lamang kung makalanghap ng panibagong kulimlim. Maaaring nag-iisa lamang ako ngayon, o magpahanggang sa kawalan, subalit titipo, iindahin ang mga kaunting pagtingin nang makabalik muli sa aking upuang pinanggalingan.

August 14, 2019

Kakarampot na lamang ang tikas sa mga sandaling nalalabi ng isinumpang pagkahig sa lupa. Hindi ko ginusto ang kanilang mga ginugusto ngunit tila ipinapabatid na lang sa aking wala na akong magagawa. Kailan nga ba ako muling nagkaroon ng tumitiwalag na boses?

Isang hampas sa bawat kumpas, bahala na ang mga sandaling ipinapaubayang wala naman akong kontrol. Hindi kinakaya kung sakaling pagbigyan pa ng hamon ngunit iniinda pa rin ang init sa mga saka na kung hindi palarin, magkakaroon pa rin naman ng bukas.

Maging bukas man, o bukas pa, ang mga alon ng pamimilit sa aking kumuha ng paulit-ulit na silbi sa aking inagaw na sandali ay mananatiling hangganan pa kung ibabalik pa ba sa akin ang hinihingi kong pag-unawa. Tila lalo pa yatang lumalabo kahit patirik na ang sikat ng salamin sa aming mga paningin. Kahit subukan pa mang ipakilala ang sinumang magpahayag ng katanyagan, walang-wala kung maghugas ang mga itinalagang kahayupan.

Ngunit ang wika'y sadyang huwag magmamaliw. Sa mga saglit na iindahin pa, sa mga pagtiwalag na walang tiwala, nariyan ang pekeng hidwaang nagpapaagos sa alon ng papalayong kinabukasan.

August 7, 2019

Makakailang irap lang din ang hanap kong maikintal nang hindi na maubusan pa ng hininga kung hindi lang din naman kailangan pang magpahinga pa mula sa mapang-igting na salapi at kahusayan. Mahusay nga bang talaga kung ang siyang salimuot ng pagkaladkad sa aking sarili sa araw-araw ay maghahatid lamang din sa akin sa kapahamakan?

Ako ang itinuturing na pahamak ng alon, ng galit sa aking makikintab na kilay, ng paso ng sigarilyo at kape, ng hindi na maibibigay pang ngiti hanggang sa kahapon. Sa angking liwanag na minana lamang sa bundok ng mga papuri, simple lamang sa akin ang magpakilala ng ilan pang mga anyo. Ang disenyong binuo mula sa sari-saring bagay na nagdudulot ng magkakaiba ring init, ang hindi pagtugon nang agaran ay badya ng hindi na maipapadala pang pamamaalam.

Galit ako, oo galit ako, ngunit hindi sa inyong mga hampas-lupa lamang na mga alipin. Gabi-gabing tinatapos ng mga higad ng mga kung anong pagtingin sa aking akalang hindi ko namamalayan. Sanay na ako, sanay na sanay, sa pagkagat ng inyong mga pustisong pursigidong makapalunod ng sira at bait na hindi naman ako mismo ang lumikha.

Sa akin lang ay, ako ang nasa akin lang. Akin lamang itong mga akin, at siyang ako ang magiging ako, ilang ulit mang siya o kayo ang hindi mapasaakin o akin.