October 28, 2019

Bastardo. Malapot na putikan. Kagaya ng mga ulap na walang sabit, ang paghinga ko'y pagbabalik sa kung anumang ipinakilala sa akin ng mga nakatatanda. Hindi ko alintana kung ano pa man ang muli't muling ipinaaalala ng mga hampas-lupa sa akin. Ang sa akin lang, mabigyan ako ng kahit na kaunting oras para makipag-usap sa mga kapuwa kong nagliliwaliw sa gabing ubod ng takot at pag-iiba ng anyo.

Mabisa ang liwanag dahil ito ang nagtatago sa ating mga tunay na pinagpapaguran kung kaya't mas mukhang pinagpapaguran pa nga silang mga nasisinagan ng tuluy-tuloy na panghihingi ng saplot at makakain. Sila, na walang ibang ginawa kundi makipag-usap sa mga lalang ng mahihirap ngunit nakakikita kahit na sabihan pa nang makailang ulit. Sila, na hindi na matatapos pa ang pagsasakripisyong maging iba, maging hindi totoo, maging maalam sa mga bagay na wala naman silang pakialam. Sila, na sa kahit na anong hamong iabot at ialay ay mabubulag at mabubulag pa rin sa liwanag.

Sa liwanag lamang tayo tunay na makapagtatago, ang liwanag ang siyang panadyang tumututol sa ating mga pagkakakilanlan. Sa bawat masikatan tayo ng bumbilya't magsimula nang mabigyan ng pansin ng mga mata, saka lamang tayong nag-uumpisang tumiklop at maging ahas nang muli. Hindi tayo naitatago ng kadiliman sapagkat dito lamang tayo masasanay na buuin kung anuman ang ipinagkalayo sa atin ng mga matang mapanghusga, mapangmatyag. Nang mapalayo sa pakpak ng mas mabibilis pa sa alas sais kung magsipagwalis ng alikabok sa kalsada, mas naiibsan ang kalbaryo kung hindi na sila makikita pa.

Masikip, masalimuot, ngunit aanhin kung ang babati'y wala, kung ang pawis ay pansariling pagod na lamang, kung ang malapot na panganib ay sinadya nang suungin. At katulad ng mga ulap na wala ring pakialam kung magsipagbadya ng pagpitik sa mga nakasabit, kung makaranas nang muli ng kay gaan sa alaalang kulimlim ay malinaw na malinaw para sa akin.

October 21, 2019

Ikaw ang paborito kong tao. Ang pinaka. Sa lilim ng unan at paglimot, akayin mo ako tungong paraiso, tungong pag-iwan sa mga dapat kaiwan-iwan. Sa iyo lamang ako, o aking paborito, aking pinakamatatamis na halik, aking pinakamasasayang ngiti, aking pagkakaiba sa panatili at panaginip.

Hindi nga ba akong nagkakamali? Wala naman sigurong nakapapansin kung hindi ako, ako na iyong malayo, ako na iyong kagalit sa pagpili ng ikatutuwa at kapaparisan ng pagtanggi sa mundo. Hilumin mo ako. Ako na nakikipagsapalarang minsan sa sarili, sa sarili kong walang kakulay-kulay ang laman.

Saan tayo pupunta? Yakapin mo na lamang ako. Mamaya ka na umalis, mamaya na tayo bumangon. Maaga pa ba? O kay aga pa. Ipag-iinit na kita ng tubig para sa iyong kape. Ako ma'y nais pang matulog sa himbing mong kay payapa. Halika, halika na. Lumayo ka diyan! O dapat ay dumito ka lang, dito ka lang. Pakiusap.

October 14, 2019

Ang sabi nila'y mag-aral lamang daw ako nang mabuti sapagkat ako ang siyang may bahala sa aking kapalaran. Pagtanda'y kaagapay ang mundo't uunawain, mapasaang karimlan, mapasino ang kasinghubdan. Matatalino ang sumasabak sa hindi matatakot na madla. Ngunit paano kung ang natatanging maaaring umunawa sa iyong mga pinakadadalhin at dinadala ay siya ring huwad na harang na huwag padarang?

Nakakapagod ang buhay. At dahil kilala ang pagod, kikilalanin din ang pahinga. Ang buhay ay puno ng pagod ngunit sa pamamagitan lamang ng pamamahinga muli't muling nabubuo ang sariling nabubuhay. May iisa lamang na nagsasarili, at iisa lamang ang sarili. Bukurin mang pagalit ang iba't ibang mga katha, magtatagpo pa rin sa ilalim ng pamamahingang anino ang paghahanap sa nagsisikalmahang mga ulap.

Huwad ang iyong sarili. Mapanira ang siyang kalikasan. Nasa likas na pamamaalam ang pagiging mabuti ng iilan. Sa mga maiiwang alaala at kunwa-kunwaring pag-asa, manghihinayang ang mga hindi pa sa tunay na pamamahinga'y nakauunawa. Ang lahat ay mapapagod, mumurahin ang kalangitan 'pagkat ang mamagitan sa pakawala ng gising at pagluhod ay paghihintay sa hindi na matatapos pang pag-aaral nang mabuti.

October 7, 2019

Panibagong anghang ng mga sansaglit na pagsilip sa tahimik na paraisong dala-dala ng iyong pagtingin. Ang iyong labi'y tila naghahanap ng kalam, tatagos sa aking pusong takam lamang din ang nalalaman. Mahirap mahulog pailalim sa hindi na mawawari pang dulo ngunit hindi ko rin masasabing ayaw ng aking paglayang nanakaw-nakawin mo nang makailang ulit.

Sa iyo na muna, ang mga ulap at dahong may kanya-kanya ring kuwentuhan sa tuwing titilamsikan ng apuhap. Kapuwa kaming ngingiti ng aking pakiramdam, magiging parayang magkakaunawaan sa mumunting katotohanang kami lamang din ang may pagsubok.

Isa kang pagsubok, aamining sumalangit. Ang aking paghahanap sa ligayang matutupad lamang kung kikilalanin ako ng sarili kong mga multo sa buhay. Huwag na sana pang magpakita ang takot, ang paghila ng aking aninong may sarili ring mga pabigat na alaala. Sa'yo lamang ako natutuwa, ay siya't bakit pa ba may ganitong mga pagtutuos!

Halika, at humalina, hindi alintana ang ingay nila, ang pagtatagpong saglit lamang ng ating mga lihim na saglit ang silbing patunay na sa buhay kong sa pag-ibig na lamang kinakayang maniwala. Salamat sa iyo, sa iyong panibagong tamis at pait, halong nag-aalis sa akin ng bagot, dulot ay karaniwang sayang hindi na sana masayang pa.