Bastardo. Malapot na putikan. Kagaya ng mga ulap na walang sabit, ang paghinga ko'y pagbabalik sa kung anumang ipinakilala sa akin ng mga nakatatanda. Hindi ko alintana kung ano pa man ang muli't muling ipinaaalala ng mga hampas-lupa sa akin. Ang sa akin lang, mabigyan ako ng kahit na kaunting oras para makipag-usap sa mga kapuwa kong nagliliwaliw sa gabing ubod ng takot at pag-iiba ng anyo.
Mabisa ang liwanag dahil ito ang nagtatago sa ating mga tunay na pinagpapaguran kung kaya't mas mukhang pinagpapaguran pa nga silang mga nasisinagan ng tuluy-tuloy na panghihingi ng saplot at makakain. Sila, na walang ibang ginawa kundi makipag-usap sa mga lalang ng mahihirap ngunit nakakikita kahit na sabihan pa nang makailang ulit. Sila, na hindi na matatapos pa ang pagsasakripisyong maging iba, maging hindi totoo, maging maalam sa mga bagay na wala naman silang pakialam. Sila, na sa kahit na anong hamong iabot at ialay ay mabubulag at mabubulag pa rin sa liwanag.
Sa liwanag lamang tayo tunay na makapagtatago, ang liwanag ang siyang panadyang tumututol sa ating mga pagkakakilanlan. Sa bawat masikatan tayo ng bumbilya't magsimula nang mabigyan ng pansin ng mga mata, saka lamang tayong nag-uumpisang tumiklop at maging ahas nang muli. Hindi tayo naitatago ng kadiliman sapagkat dito lamang tayo masasanay na buuin kung anuman ang ipinagkalayo sa atin ng mga matang mapanghusga, mapangmatyag. Nang mapalayo sa pakpak ng mas mabibilis pa sa alas sais kung magsipagwalis ng alikabok sa kalsada, mas naiibsan ang kalbaryo kung hindi na sila makikita pa.
Masikip, masalimuot, ngunit aanhin kung ang babati'y wala, kung ang pawis ay pansariling pagod na lamang, kung ang malapot na panganib ay sinadya nang suungin. At katulad ng mga ulap na wala ring pakialam kung magsipagbadya ng pagpitik sa mga nakasabit, kung makaranas nang muli ng kay gaan sa alaalang kulimlim ay malinaw na malinaw para sa akin.
No comments:
Post a Comment