October 28, 2020

Kahit pang magtalukbong, magtago
Palayo sa'king dalawang palad na
Natitirang aking mga kaibigan, silang
Dadalawang nagpapairal ng aking
Mga tindi, aking mga nalalaman,
Kakalabitin at kakalabitin pa rin ako
Sa aking mga hindi mababantayang
Mga puwersa, aking pruweba na 
Wala naman na talaga akong hawak,
Ni walang masasalo, walang maisara
Kahit pa panay bukas ako, tingnan ito,
Mga nagbabalatkayo, mga walang
Sinasanto. E ako lang naman ito, may
Layang hindi tunay, may yamang 'di
Karamay hanggang lagpak sa halong
Semento, luha, lupa, at tubig-ulang
Yayakap sa ating mga pagtawid kung
May yari mang naglalakad at tapos ay
Sasaidsid sa gilid, maski pang saidsid
Tungong butas na hindi na kailangan
Pang talunin, hakbangan, kakalabitin
Akong sawa na pero babalik-balikan.

October 21, 2020

Hala ka! Ano na naman itong
Bagong pananggulo? Parang
Nagkaroon ng pagbabagong
Takot na sasalimuot sa aking
Kasisigla lamang na pamalay.

Ang sa aking alam, hindi ako
Tumakbong paruyan ni tilang
Away ay ibinanda ko nang sa
Layong puntang mga ulap na
Ginusto ko na lamang umayos,
Manahimik, gumitnang ayaw
Sumipot sa kahit ano pa mang
Mga pagtutunggali. Ako na
Lamang ito, akong may paki pa
Ngunit may yari nang taklob.

Kahapon, hindi matigil ang 
Paglalakad nang paikut-ikot.
Naghahanap ng paboritong
Pelikulang nakakatakot, patay-
Siyang pagwawalay rin na,
Paglalawayan ding paraya.

Huwag na sanang mag-alala,
Tatawang paluha, titindig ang
Pagwasiwas ng pinaglumaang
Mga tugtog nang makita ng
Aking mga paninging matagal
Nang nagbubulag-bulagan.

Hindi nang maiintindihan ng
Lupa, ng hanging may kalabit
Sa aking balahibo sa batok.
Ngingisian ako ng paglamig
Pababa dahil nalalaman niyang
Naghihintay lamang din akong
Matapos ang kani-kanilang
Mga gawain sa loob ng isang
Minuto, tatlumpung segundo.

Pagbabawalang batuhan ng
Patibong ang mga sigaw na 
Nang sigaw hanggang bumagal
Ang mga binting ito, hindi na
Gagana pa matapos kumaripas
Galing pag-aayos ng dilim, 
Pananampalatayang layo sa loob.

Payag na sa pagpapatotoo ng
Natitirang isang kilos na tuloy
Pang magpaparaya sa maraming
Kulit, pagbulong sa daluyang 
Lubid at itim. Salamat na lamang
Sa lahat, sa lahat ng ibang wikang
Pag-ibig, pag-unawa sa aking
Madalas na ginawing puso,
Akap-akap ang aking unan,
Halika't sumandali muna sa'kin.

October 14, 2020

Napagbigyan ng pahinga nang
Tatlo hanggang limang pagtulak
Dahil sa ayaw na ipagkaloob na
Pagsalok ng 'di na mahalimuyak
'Pagkat sipaging unahin man ang
Sarili mula sa ibang walang sarili
Kundi ang kanilang mga sarili sa
Harapan ng mararami, ang sariling
Kubli sa karamiha'y sariling iwang
Mabuti na't wala na sa sarili, diling
Pinagbigyan marahil ng pahinga
Mula lima hanggang naging tatlo
Lamang. Itinulak habang nasalok
Kahit sipagin mang unahin ang
Hindi naman kani-kaniyang sarili.

October 7, 2020

Sa asal mong iyan maski pa
Pati ng iyong mga kasama,
Bakit sa tuwing may hinging
Pag-intindi, hinging paluwag
Sa atin-atin lamang na mga
Piring ay bigla-biglang yumi't
Maglilikot at mananadyang
Parang wala na naman na 
Yata pang iniinda, kahit pang
Sumabat ang kahit na sinong

Ina.

Mutang pabalik-balik 'pagkat
Anumang igulo ng mga igpaw
Sa taingang pagod at tulog
Ang balikatang pinagkaibigan,
Dinudulong umasa pang kuwit,
Hindi man lang humawig pang
Kusa sa kung waring aakyat at
Bababa rin matapos salubungin
At sabihan ng nag-iisang tinig,
Nagmumurang mga gilagid,
Hindi na maaawat pang hampas
Mulang kaliwa, sasalubungin
Naman sa kanan. May pekeng
Mga pag-iling, paunting mga
Konyat sa puso, mumunting 
Kantahang daig pa ang karaoke
Sa tapat ng simbahang sarado.

Lalampas ang sandali. Lalabian
Ka pa ng guhit nang idinikit ay
Sa kisame't sahig. Dumating din
Ang araw na mamamali ka ng
Tantya sa kani-kanilang mga
Ipinakikitang maskara. Sa mga
Abong kanyang pipitikin sa 
Umpisa, sa mga iniwan nang
Mga alaalang sinusuyod at 
Tuluyan nang naiwang apat na
Sumbat ng hudyatang hangin,
Tumba pa ring hinga sa tabi ni

Ina.