Palayo sa'king dalawang palad na
Natitirang aking mga kaibigan, silang
Dadalawang nagpapairal ng aking
Mga tindi, aking mga nalalaman,
Kakalabitin at kakalabitin pa rin ako
Sa aking mga hindi mababantayang
Mga puwersa, aking pruweba na
Wala naman na talaga akong hawak,
Ni walang masasalo, walang maisara
Kahit pa panay bukas ako, tingnan ito,
Mga nagbabalatkayo, mga walang
Sinasanto. E ako lang naman ito, may
Layang hindi tunay, may yamang 'di
Karamay hanggang lagpak sa halong
Semento, luha, lupa, at tubig-ulang
Yayakap sa ating mga pagtawid kung
May yari mang naglalakad at tapos ay
Sasaidsid sa gilid, maski pang saidsid
Tungong butas na hindi na kailangan
Pang talunin, hakbangan, kakalabitin
Akong sawa na pero babalik-balikan.
No comments:
Post a Comment