June 28, 2021

Kung ibabalik mo ako sa second year high school, mananatiling tahimik na lamang akong muli, habang ikinikimkim lahat ng aking mga kasalukuyang kasalanan sa aking dibdib. Tatanggaping ako ang pinakabobo sa lahat ng mga bobo sa amin, at wala nang pag-asa pang matuto sampalin man ng hangin ang aking atay.

Hindi na akong patuloy na makikipag-usap pa, mag-isang uubos ng aking malamig na tanghalian habang nag-iisip pauwi sa bus kung bakit may mga billboard sa highway na hindi pa rin ako nakikilala samantalang pare-pareho lang naman kaming tuwang-tuwa sa mga pailaw kapag malapit nang sumapit ang dilim. Nandoon na lamang kami palagi, hanggang sa malapit na lamang, at hinding-hindi kami nagpang-abot sa pagsapit.

Kakalimutan ko nang makipagbiruan, umibig, at matutong umasa, at magbabaka sakali na lang sa mga aklat at laway na sisikapin ko nang hanapin, lasapin nang matuto naman ang damdamin kong umunawa at makinig sa iba. Sasarilinin ko na lang ang aking mga pekeng ilusyon, yaring muni-muni habang sa araw-araw na paghihintay ng pamadaling uwian ay maalala kong balewala rin naman kung may makapagpapaalala pang muli sa akin.

Ilalayo ko na ang sarili kong makamit ang pansin ng aking mga kaklase, kaibigan, naging at magiging kaibigan. Lahat ay may sari-sariling mga pangarap, sariling mga kademonyuhan at desisyon. Lahat ay gustong pumasa kaya't nagsisikap na manatili pang buhay dahil nabibirong magiging magaan din matapos ang lahat ng pasakit. Ako'y tago lamang sa ilalim ng kanilang mga maaabot at pagkinang, taos na magiging masaya para sa kanila, habang lugmok naman ako sa malas na ako rin naman ang nagdulot at para naman talaga sa akin.

Hindi ako magsisisi, hindi na ako masasaktan. Hindi ko na malalaman pa ang ibig sabihin ng mga pangako at paalam, hindi mo na rin ako matatablan. At kung sakaling ibalik mo pa ako sa second year high school, sisiguraduhin kong may payapang pagyagak sa lupon ng mga dapat nang iwanan ang lahat pa ng aking mga sasabihin, isusulat.

June 21, 2021

Paulit-ulit kang mapapahiya. Hindi ka na makakapalag. Magiging kusa na lamang ang iyong mga pagtahimik gaya ng madaliang pagtapik sa iyo dati ng iyong nanay kapag maingay at akmang ngangawa ka sa simbahan. Hindi ka kilala ng pari pero baka makilala ang iyong pamilya. Lilingon kang saglit sa ibang mga bata dahil takot ka nang mapahiya pa. Kakausapin ka na lamang ng iyong isip at tatanungin kung bakit ka pa nga bang nagsisimba, bakit ka pa nga bang nandirito't hindi naman nakikinig.

Titingnan mo ang iyong mga sapatos. Hindi ka pa rin marunong magtali ng sintas. Makati pa rin ang magkabilang medyas na ang nanay mo ang pumili para sa'yo sa department store. Spider-Man dapat kasi lalaki ka at mahilig ka dapat sa superheroes. Yung bag mo, Iron-Man. Yung notebook mo, LA Lakers. Yung pencil mo naman Mongol pero 'wag sila kasi kumpleto yun mula 1 hanggang 3. Nagtataka ka minsan kung bakit binibilhan ka pa rin ng hindi mabangong pambura ('di tulad ng pambura ng crush mo, yung watermelon) e meron naman nang pambura yung lapis mong Mongol. Tapos andami mo pang ekstrang lapis, e 'di marami ka na ring ekstrang pambura 'di ba? Napakadaling mathematics.

Mapapansin mong sa may sulok na upuan na tahimik na naman yung tahimik mong kaklase. Alam mong nakikilala ka niya pero 'di ka sigurado kung kilala siya ng buong klase. Madalas siyang mapagtripan ng teacher niyo sa Filipino kasi ambagal niyang magsalita, sumagot. Maputla lagi yung mga mata niya at palagi siyang may bimpo sa likod, kahit na alam mong hindi naman siya pagpapawisan kasi hindi naman siya nakikipaglaro 'pag recess katulad mo. Huwag ka raw magtatatakbo pagkakain kasi sabi ng nanay mo magsusuka ka lang at sayang yung perang pinambili ng pagkain mo.

Binubura na ng teacher niyo yung nakasulat sa pisara, malapit na palang mag-uwian. Nagmamadali kang ipasok lahat ng mga gamit mo sa bag habang nakikipag-unahan ka dun sa kaklase mong parang pasara lagi ang mga talukap. Biniro mo na lamang sa iyong isip na baka may sakit siya at walang ibang nakakaalam. Napangiti ka sa kakulitan ng isip mo.

Nagulat ka nang tumingin din siya sa iyo.

Bumilis ang tibok ng puso mo. Nakita ka kaya niyang ngumiti, tumatawa? Kinabahan ka't baka nababasa ng kaklase mo yung isip mo. Binilisan mo pa lalo ang pagliligpit ng iyong mga gamit sabay sarang bigla ng zipper. Tumayo ka na nang agaran kahit na may naipit sa zinipper mo. Hindi ka na lumingon pang muli. Alam mong pareho kayong mag-isang lalabas ng inyong silid. Mag-isang maghihintay ng sundo. Mag-isang gagawa ng mga assignment sa bahay. Mag-isang maglalaro. Mag-isang matutulog kapag inantok.

Inisip mong kinagabihan yung kaklase mong mukhang patlang lagi ang laman ng isip. Paulit-ulit kang natakot at kinabahan dahil ayaw mo pa ring mapahiya.

June 14, 2021

Mahuhuli na naman ako sa klase. Maaga naman akong nagising mula sa aking pagkakaidlip. Dapit-hapon na't malapit nang mag-umpisa ang mga huling lektura. Pagdating sa kanto ng paghihiwalaya'y napansin kong maraming nakapila sa gilid ng isang dormitoryo at mayroon silang mga bitbit na balde para sa tubig siguro. Hindi ko rin alam. 

Malapit nang antukin ang araw at inilabas ko na ang aking kaha para magsindi ng yosi habang naglalakad. Pababang kusa, palampas ng ikalawang waiting shed, nakiihip sa aking pagkakalat ang malamig na hangin. May mga papauwi na ring estudyante na kanya-kanyang para at sakay ng jeep. Iniwasan kong tingnan ang kanilang mga mata. Tinanaw kong ulit yung mga nakapilang may bitbit na mga balde.

Paglampas ng kanto'y muling umihip at lumakas ang buhos ng mga kapwa kong mag-aaral na naglalakad. Maaga siguro silang pinauwi ng kanilang mga prof. Napansin kong malapit ko nang madaanan ang tennis court tungong takbuhan. Sa ikatlong ihip ng ginaw, halos pawala na rin ang sigla ng umaga. Sinimot ko na ang huling hininga ng aking nikotina at itinapon ang upos sa may kapunuan sa gilid. Walang sorry-sorry, walang anu-ano. Patuloy akong naglakad matapos mag-adjust ng sikip ng aking backpack nang pangatlong beses.

Dumating din sa wakas sa may bungad ng mga kolehiyo at faculty center. May mga bumibili pa ring lupun-lupon ng mamemeryendang mais at ice cream. Tinamad na muna akong umakyat sa aking klase't nag-isip ng panibagong palusot para magsindi ng panibagong yosi. Kumaliwa ako tungong tambayan ng mga naghihintay ng kanilang mga sundo, mga nag-aabang ng masasabayan pauwi, mga nag-iisip kung uuwi na ba o uuwi pa ba. 

Sa mga kasabay kong nagpapakamalikhain sa palupitan ng mga palusot sa sarili, sunud-sunod na nabuhay ang mga street light. Humudyat ang papayakap na dilim ng araw na ayaw ko na munang matapos. Umakyat ako ng mangilang hakbang sabay liko sa minsanang yosihan sa may gilid. Pansin kong may isang babaeng nagyoyosi rin, at isang babae pa sa may kalayuan na nagpapalipas ng kung ano.

Chineck ko ang aking relo. Late na ako nang ilang minuto pero kebs lang. Dinukot ko na ang aking kaha at nagsindi ng panibago. Adjust muli ng bag at check ulit ng relo kahit na ilang segundo pa lang ang nakalipas. Chineck ko na rin yung phone ko kahit na alam kong wala naman akong natanggap at matatanggap pa. Inalala ko ang hapong iyon, ganito rin ang bagsakan. Tumahimik ang lahat dahil sa pagtitimpi kong hindi umayon sa iyong pagmamakaawa. 

Bawat hithit sa aking sigarilyo'y may pagngawa ako sa kahapong kunin na lamang akong muli. Hinintay ko ang lahat ng kritisismo at sampal sa loob ng aking dibdib habang hinila kitang patago sa parehong puwestong tinatayuan ko ngayon. Shet, dito pala 'yon. Pinitik ko sa may halamanan ang simot na upos at tiningnang muli ang kasabay kong nagyosi na babae. 

Nagsindi siyang muli at tinalikuran ako. Pake ko rin ba sa'yo? Gagu. Kumuha ulit ako ng isa pang stick at iniipit agad sa labi. Hindi nagsindi ang unang pitik ng lighter. Ikalawa. Ika-ikatlo. Ikaapat. Ika-ikalima. Tiningnan kong muli yung babae. Alam kong may lighter ka pero shit. Nakakatamad makipag-usap. Anim. Pito. Lapit onti. Baka mahangin lang. Walo. Wala. Wala nga talaga. Lapit saglit. Siyam.

"Ito o." Hindi ko napansin sa huling segundo na pansin niya palang wala na akong sindi. Saka na lamang nang iniangat niya na ang kanyang lighter at marinig ang kanyang boses.

"A syet. Salamat." Inisteady ko lang yung mata ko sa apoy ng lighter niya. Baka mapatingin pa 'ko sa mata niya e. Ayokong maulol. Nagkabaga ring sa wakas yung yosi ko. Nawalang bigla yung apoy.

"Salamat."

"Dito na 'ko."

"A sige." Ingat.

Check muli ng relo. Fuck.

June 7, 2021

Sa kadiliman ng madaling araw akong kalmado lamang na naghihintay kahit na makailang ulit pa akong humampas at mabuwisit kaunti ng mga lamok na sumasabay sa aking pagpupuyat. Palo sabay kamot, pero yung malumanay na kamot lang para sa lilipas ding bad trip. Titingnan kong muli ang electric fan na hindi gumagana. Ipapatong kong saglit yung isa kong binti sa kawayang mesa sa tabi ng ash tray na ako lamang din ang nagpuno. Magsisindi ako ng panibago at power trip kong bubugahan ang mga kaibigan kong lamok. Mahilo sana kayo, mga putang ina kayo, hahaha!

Lilingon ako't maaalalang iniwan ko palang bukas ang pinto ng bahay papasok sa sala. Maaaninag ko sa malayo ang papundi nang bumbilya sa may hapag. Sinag ang ipinantakip na dilaw sa natirang mga pritong galunggong nang hindi ipisin o langawin. Natutulog din kaya ang mga insekto? Hithit. Bugang muli sa aking mga bespren sa paghihintay.

Tutulong muli ang pawis mula sa aking mga sentido't noo. Pagkapunas ng aking magkabilang manggas e saka kong mararamdamang may nag-uunahan na rin pala sa aking batok. Pupunasan ko na naman ang mga ito ng aking palad. Hindi ko pa rin alintana ang init at inip. Maya't maya kong tinitingnan ang mas maliwanag pang buwan na patuloy na nagpapainit ng usok ng aking sigarilyo.

Hithit. Aghh, shit. Baha-bahagya ko nang mapapansin ang tila lumalakas na huni ng mga kuliglig. Parang umiinam din ang luntian sa mga damuhan at dahong nakapaligid. Buga. Mapapansin kong nasa ilalim nga pala ako ng bubong na may pumapatak pa ring tubig mula sa yero. Sana umulan ulit. Ibinaba ko na ang aking binti sa kasagwaan ng aking pagkangayaw. Natabig ko ang kaha ng aking yosi at nahulog ito sa sahig. Putang ina talaga.

Pagkapulot ko ng kaha'y naubos na rin ang aking sinindihan. Kinolekta nang muli ng ash tray ang aking basura. Fuck. Patuloy na dumidilim, patuloy na lumiliwanag. Nagkakaroon na ng mahinahong orkestra ng mga insekto sa may kalayuan. Hindi pa rin gumagana yung electric fan at nangangalahati na ang aking kaha. Nilingon kong muli ang mga galunggong sabay punas ng pawis ng aking mga manggas sa magkabilang sentido.

Kumuha akong muli ng panibagong stick sa kaha.