Tungkol naman sa semi-pseudo-personal na alitan against a passenger, nagkaroon din naman ako niyan kahit once lang. Sa parehong ruta ng jeep pauwi sa amin, along sa expressway, inaantok na ako no'n sa biyahe at nagsimula na ring pumatak ang papalakas na ulan.
Dahil siguro sa sobrang pagod sa schoolwork plus malupitang pagpupuyat, nasa antas na 'ko ng antok nang mga panahong ito na hindi ko na kaya pang labanan. Yung tipong mapapikit lang ako kung saan at maski pang maya't maya akong kinakaldag sa aking pagkakaupo e hindi ako magigising.
At ayun na nga, dahil tuluy-tuloy lang din ang headbang galore ko kahit mellow lang ang sound trip ni manong driver, maya't mayang napapasandal ang aking ulo sa aking katabi. Ngayon ay alam nating pareho na hindi ko ito sinasadya pero maya't maya rin akong sinasagi (upang magising) ng napapatungan ko ng aking antok.
Sunud-sunod din ang pagpasok ng mga tirada niyang tsk at exasperated sigh sa peke kong panaginip. Sadyang sanggi. Tsk. Iwas, bahagyang tulak. Buntong-hiningang malakas. Tulak muli. Tsk.
Naging sapat ang mga ito para somehow siguro ay lumakas nang kaunti ang aking loob parang tingnan ang itsura ng aking katabi. Matapos kumunot ang aking mga kilay nang may bugnot, idinilat ko na ang aking mga talukap, ramdam ang namumuo nang mga muta. Sumilip ako nang dahan-dahan sa may aking kanan, habang sinisiguradong hindi halata masyado ang pag-ikot ng aking ulo.
Matanda na. Kung huhusgahan ko siya, malamang e meron na siyang apo. Mukha naman talaga ring masungit. At mukhang hindi magpapatalo kung susubukan kong makipagtalo. Nagbuntong-hininga na lamang ako sa isipan sabay pikit muli. 'Di na rin masyadong nagtagal at unti-unti nang lumakas ang pagbuhos ng ulan.
Inisa-isa na rin ng ilang pasahero ang pabababa ng plastic cover nang maisukbit sa labas bilang pangharang at bawas na rin sa pagpasok ng tubig. Tiningnan ko yung matandang masungit sa kanan ko kung may kaunti man lang siyang concern pero nakapikit lamang siya habang nakakunot pa rin ang mga kilay at noo (dahil siguro sa akin). Nakiusyoso naman ako kung mayroon pa akong maitutulong pero patapos na rin ang pananakip bago pa 'ko magpakita ng malasakit ('di tulad ng katabi ko hayst).
Bumalik na lang ulit ako sa pagpikit, kahit nabawasan na rin lang ang aking antok. Pagod pa rin siguro ang katawan ko. Pero at least, hindi ko na nababangga o nakatutulugan yung katabi kong 'kala mo e kung makapagreklamong parinig ay pinagsuklaban siya ng mundo. Ilang saglit lang ng pagmumuni-muni at panghuhusgang matindi sa aking isip e lalo pang lumakas ang ulan.
Tiningnan ko kaagad ang view ng driver. Malabo na, kaya siguro medyo nagmabagal ang aming arangkada. May pumapasok na ring paunti-unti na tubig, nakakalusot dahil sa tindi ng lakas ng ulan. Unang umusog paharap si matandang masungit. Ilang saglit lang ay sumunod at gumaya ako dahil nababasa na rin ang aking likod.
Bigla niya na lamang akong pinanlisikan ng mata at sinigawan na tumigil ako. Lalo lamang akong nagtaka dahil dinagdagan niya pa ito na kanina pa raw ako. Kanina pa ako ano? Ipinaliwanag ko sa kanya na nababasa yung likod ko at wala naman akong mapapala sa kanya kung gagayahin ko siya. Tsaka ano bang mapapala ko kung pagdidiskitahan ko siya? Wala naman 'di ba? Anong problema nito? Hinuhusgahan niya ba 'ko na malakas lang yung trip ko ngayong araw at siya yung napili kong asarin? Gago ba siya?
Sinubukan ko ring magpaliwanag at humingi ng paumanhin kung sakaling nakakatulog ako 'ka ko sa kanyang gilid dahil sa sobrang antok ko at pagod. Ngunit sa kalagitnaan ng aking paghingi ng tawad e ubod ng bastos niya na lamang akong siningitan, bilang pagpigil na pasadya sa aking pagsasalita, at sumigaw nang malakas na tumigil na raw ako. Anong tumigil? E nagpapali-- sabay sigaw siyang muli na tumigil na ako.
Bumilis na ang tibok ng puso ko pero napagtanto ko ring agad na isa siya sa mga kaaway na hindi marunong makinig at makipagtagisan sa salita lamang. Tinanggap ko na lang nang agaran ang aking pagkatalo dahil alam ko ring hindi paaawat ang mga katulad niyang tao, matatandang tanda ang pinagkatandaan, tanda ng kanilang tandaan, tandaan.
Sinilip kong panumandali ang mga nakatingin sa aming komosyon, pumikit, at huminga na lamang nang malalim. Unti-unti kong iniuusog ang aking katawan pakaliwa, at suwerte lang din na naunawaan ng aking isa pang katabi ang kahirapan ng sitwasyon. Pareho na lamang kaming nagkibit ng balikat, hinayaang tangayin ng malakas na ulan ang mga sigaw na hindi ko na hinayaan pang bulabugin ang aking isip.
Pagkarating sa bahay, natural lang din na nangyari sa aking makaisip bigla ng mga perfect rebuttal laban kay tandang topakin pero wala na rin akong paraan para makabawi. Wala na rin akong magagawa kundi maghanap na lang ng mas maraming tulog sa katawan at kung hangga't maaari e huwag manggagaya sa ginagawa ng lahat ng matatanda.
Lahat sila ay hindi naman talaga dapat ginagaya.
No comments:
Post a Comment