August 23, 2024

XXIII

Minsan na rin akong nagmahal ng trabaho. Ha? Ah, hindi ng katrabaho. Ang baho mo naman magbasa. Ng trabaho 'ka ko. Wala na 'kong pakialam minsan sa sahod o sa kawalan ng tulog, maging pulido lang ang ipinagagawa sa 'kin ng boss ko, na gusto ko ring ginagawa. Lalo na kung gusto ko rin ang aking ginagawa.

Dagdag na rin para sa malakihang bonus ng overtime, wala pa 'ko dating inaatupag sa bahay. Gasolina na rin siguro dito yung kalayaan na matagal kong inasam matapos kong makapagtapos ng pag-aaral. Mga oras na hindi namamalagi sa bahay ay oras ng kalayaan para sa akin dati. Ngayong tumatanda na e mas malaya ako kapag nakakauwi ako sa aming tahanan.

Pero balik sa kuwento ko. Kinakailangan daw naming makapagbuno ng sapat na oras nang hindi kami mahuli sa susunod na nalalapit na namang delivery. Deadlines, deadlines, deadlines. Hindi na natapos ang buhay ko sa mga lagi na lang nakatakda. Maski ang pagtatakda ko minsan e itinatakda ko na rin! At nung gabing iyon, bago ako umuwi sa amin e nakatakda na ring pumasok ako nang madaling araw, agad-agad, pabalik sa aming opisina.

Ang plano'y kakain, maliligo, at matutulog lang ako sa loob lang din ng ilang oras bago magpaaliping muli. Hindi ito hassle sa akin noon dahil gusto ko rin talagang tumutulong at kasabay na rin ng mapagpanggap ko na intro kanina.

Parang pumikit lang din ako't ginising nang pabigla ng itinakda kong alarm. Sakto lang yung bilang ng oras ng "tulog" ko para hindi ako magmuni-muni't bolahin ang sarili na hindi ko naman talaga kailangang gawin yung ginagawa/gagawin ko (kahit hindi talaga kailangan!). Bumangon na 'ko kaagad at isinukbit ang aking bag na inayos ko na bago pa man ako humimbing.

Nang makasakay na 'ko sa ikalawang jeep ng aking ruta papuntang opisina, nakapagtatakang hindi na pinuno at umalis na rin kami kaagad mula sa hintayan. Ah, baka kasi madaling araw na at kaunti na lang din ang commuter sa ganitong oras. Makes sense. Ang hindi nagkaroon ng sense sa akin e nung may bigla na lamang pumara kaagad dahil hindi pa masyadong nakakalayo ang aming ibinibiyahe.

Napangisi pa 'ko nang bahagya dahil baka naliligaw lang yung pasaherong pumara, o kaya'y bigla na lamang siyang napapara sa labis niyang kaantukan galing sa kanyang pag-idlip. Malaman-laman ko lang e bigla na lamang may nilabas na balisong yung nasa harap ko at hinihingi niya na yung cellphone ko.

Lahat ng preconceived fight and/or flight strategies ko dati sa tuwing inilalagak ko ang imaginary self ko sa sitwasyon ng holdap e naburang lahat. Wala akong maisip na kahit na ano. Blade lang ng balisong ang bumali sa akin. Tameme ang kokote. Inambahan akong sasaksakin ng holdaper kaya kagyat ko na ring iniabot sa kanya ang hinahanap niya sa akin.

Bumaba rin siya kaagad, kasunod ng dalawa pang holdaper. Lahat ng laman ng cellphone ko, nawala nang parang bula. Mga note. Saved passwords. High scores. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling gumawa ng backup files, ng backup anything. Wala, lugmok nang dalawang minuto, saka na rin umarangkadang muli yung jeep. Sinilip ko yung driver. May katandaan na rin. Wala rin talaga kaming laban.

Nang makahinga kami nang maluwag-luwag habang nagpapahangin sa kalsada at hindi nakatutok sa aming mga tinangay na cellphone, napansin kong tatlo lang din kaming pasaherong natira (at tinira). By partner na rin pala ang strategy nila ngayon. Makes sense.

No comments: