Ang init. Madaling araw, kainit-init. Mainit. Mainit talaga. Well, medyo madaling araw. May nakailang daan nang mga paniki sa mga bintanang hindi siguro isinasara ng guard. Medyo madaling araw. Madaling araw akong umalis ng bahay. Parati. Minsan, may mga naaabutan pa akong shooting star dahil sa isinara na rin yung lamp posts kapag lumalabas ako ng bahay. Jeep. Bus. Lakad. Gate. Babatiin ko araw-araw yung guard na naglalaro lang ng Pokemon sa Gameboy ng anak niya. Tapos diretso na sa Main Building. Tapos ayon na nga, tititig na lang muli sa punong nakatayong matayog sa Quad A na binabalik-balikan ng mga paniki.
Titig pa. Tititig pang sandali. Nag-iisip. May assignment ba kami? Mukhang wala naman. Alam mo yung feeling na may bumabagabag sa'yong may nakalimutan kang gawin tapos hindi mo maalala? Nakakairita 'di ba? Wala akong ganoong mga feeling sa ngayon. Mabuti. Titig muli. Lilipad na naman ang isang paniki. Madilim pa rin. Medyo madilim na lang. Violet nang muli ang kalangitan. Yung mga ulap, I mean. May mga humuhuni na ring mga ibon. Tumalikod na ako sa bintana.
Sinipa ko na ang aking bag patagilid. Umupo na ako sa dilaw na sahig. Maraming crack, magaspang, walang langgam. Wala naman talaga ganoong karaming langgam nung mga panahon natin. Nung mga panahon natin, wala ring dapat bubong yung Quad A. Wala pang mga kainan kundi yung nasa baba na malapit sa Maceda. Wala ring langgam doon. Kahit nandoon tayo.
Isinandal ko na ang aking likod sa pader ng Science Department. Wala ring mga guro. Wala pang mga guro. Nadagdagan ang mga humuhuni sa labas. Palakas na nang palakas ang busina ng mga nagdaratingang jeep. Sunud-sunod na rin ang usad ng mga tren sa LRT. Pakanan. Pakaliwa. Light blue violet na ang kalangitan. Muli akong tumingin sa kanan. Parang exercise. Namiss ko ring mag-exercise, sa PE. Sumayaw. Sasayaw nang sasayaw sa tapat ng Maceda habang yung iba e nagbibihis pa. Hawak. Kamay. Baywang. Balikat. Mata-sa-mata. Ngiti-sa-ngiti. Paa sa paa. Paulit-ulit na iikot. Paulit-ulit. Uulit pang magkakamali. Uulit pang tatapak. Paulit-ulit na lamang akong nagkakamali. Parati na lamang akong nakatatapak. Tinawag na ang lahat. Walang pumila. DUMIRETSO na sa auditorium sa 3rd floor na isang aircon na nga lang ang gumagana, hindi pa pinagagana. Umupo na ang buong section sa sahig. Isa-isa nang tinawag ang magpapares. Umakyat na. Pumuwesto. Pinress na ni Carlos ang >Play. Kinabahan sandali. Bira. Ikot. Angat. Tingin sa harap. Sabay pa. Ikot. Sabay sa tugtog. Malapit na. Bakit walang nagkamali?
Bumaba na ako sa 1st floor patungong Quad A para sa flag ceremony kasabay ng ilang mga kaklaseng isa-isang nagsidatingang unti-unting lumikha ng ingay na hindi nakaiirita. Panibagong araw na naman. May araw na nga pala. Hindi na nakakagulat at masakit sa tenga ang mga dumadaang sasakyan. Mas marami nang muling gising na mga tao. Nasaan ka na?
No comments:
Post a Comment