November 11, 2013

Bytes

Aaminin ko, magaling ka talaga kumanta. High school pa tayo nung una tayong magkakilala. Dalawa lang tayong magbestfriend, kahit na medyo weird sa mata ng marami kasi nga lalaki ako tapos, babae ka. Matagal ko nang pinangarap noon na magkaroon ng banda. Yung ate ko kasi, nakahiligang makinig sa mga banda noong maliliit pa kami. Isang CD, ipapasok niya lang sa players, tapos maririnig na yon sa buong kuwarto namin. Ibang CD, ibang araw. Puwede ring ibang oras. Puwedeng makarami kami ng CD sa loob ng isang araw. Lublob ako sa ganoong musika, musika ng mga banda. Kahit anong banda pa yan. Hindi ako ganoong kapartikular sa mga uri. Basta ang alam ko, kaya ko silang pakinggan lahat. Kaya sa sense na masaya ako kapag napakikinggan ko yung kahit na anong ganoong musika. 

Nag-aabang din siya ng mga bagong labas na CD. Sabik yun parati kapag naibalita sa music magazine na may irirelease yung isang banda na CD. Agad bibili yun. Hindi pa naman kasi uso yung torrent dati. Abang-abang lang. Saktong magsasawa, bagong CD. Sawa sa bagong CD. Kapag wala pang bagong CD, magpapamiss yung lumang CD. Hanggang sa salit-salit na rin. Hanggang sa kahit magshuffle na rin paminsan-minsan dahil sa walang kasawaang pagsasawa sa humaling.

Hanggang sa dumating na yung unang gitara ni Ate. Iyon yung mga gabing nagsasalit-salit yung tugtog ng mga CD niya at ng kanyang gitara. Pinapanood ko lang siya. Sakto lang kasi sa kamay niya yung laki ng gitara. Saka niya ako tinuruan matapos ang dalawang taon. Bumili na siya ng bagong gitara. Minana ko naman yung kanya.

Balik tayo sa'yo. Ikaw naman yung kikilalanin nila. Ay, hindi nga pala kita kilala. Ang alam ko lang, pareho lang tayo ng hilig - .

Nagkakasoundtripan non. Walang teacher. Wala pa yata o wala na talaga. Sabi ng mga kaklase natin, ang ganda talaga ng boses mo. Sabi ko rin naman sa isip ko yon. Puwede rin kasing pambanda. Ayoko ng masyadong bokal tapos sobrang heavenly na baka masapawan lang yung paggigitara ko o yung iba pang instrumento. Unless sobrang galing nating lahat. I mean, nating lahat, na apat hanggang limang miyembro ng pinapangarap kong banda. Pero hanggang pagtingala na lang muna sa mga ulap matapos ang bawat kantang jinajam nating dalawa. Kapag tayong dalawa na lang ang magkasama.

Lumapit ka sa akin, isang araw, may hawak na pinilas na papel mula sa likod ng notebook mo. Alam kong lyrics yon ng kanta, hindi mo pa man binabanggit sa akin. Ang ipinagtataka ko lang, bakit mo pa pinilas. Medyo tanga ka rin e no. Pero wala na rin akong pakialam medyo ukol don. Tiningnan ko. Mga salita lang, malamang. Puro salita, nakaayos pataludtod. Saka ka bumirit, wala man lang pahintulot. Pero okay lang ulit, kasi nga, sabi namin, maganda nga naman yung boses mo.

"Okay ba?"

"Naman."

Inulit mo. Itinaas mo nang isang beses ang iyong mga kilay habang nakatingin sa akin. Ah okay. Inilabas ko na mula sa case yung gitara. Kapa sandali yung bass. Sabay hula. Sabay tsamba. Hanggang sa unti-unti ko nang nabuo yung verse. Nagring na yung bell para magpapila para sa pagpasok ng flag ceremony.

Tinapos ko na nang lunch yung kanta mo. Kanta mo? Kanta natin, may hati akong 1/3 o 1/4 man lang para sa chords. Pero wala naman sigurong epekto yon. Pero sa akin ka unang lumapit at nagkumilay. Aakuhin ko na ang pag-aangkin. Ako na nauna e. Kahit  na sa pilit-pag-alala lamang nung tono na narinig ko makaapat na ulit na beses mong kantahin kanina lamang sa harap ko bago pumila.

Dumami na yung mga kanta mo, natin. Dumami na rin yung mga araw papalapit sa graduation.

"So anong plano mo?" habang katabi mo ako't kinakausap sa baba habang pinapanood nating nagtatalumpati yung magaling sa Math nating vale.

"Ewan. College siguro? Ta's trabaho. Ewan."

"We should start a band."

Bumilis yung tibok ng puso ko. OMFG. Ito ba yon? Ganito ba yon? Kung sa bagay, nandon na yung heat.

"Sige, subukan natin," nang hindi pa rin humaharap sa'yo. Nakangiti naman ako sa sabik.

Lumipas ang bakasyon. College. Somehow, nakahatak tayo ng bahista at drummer. Somehow, nagawa natin yon kasi pareho tayo ng university at college. Somehow, magkasama pa rin tayo. Nakakabuo ng kanta. Practice sa isang nirerentang lugar na may band instruments. Bonding time. More songs. More practice. Masaya. Jamming LvUP! Jam lang nang jam. Ikaw yung parati may gustong beat at lead. Mga ideyang dig din naman namin.
E may lumapit.

"Ano, kunin natin?" sabi ni Drummer.

"Tara, putang ina!" sabi mo.

Edi go. Pagkatapos ng pangalawang gig, may lumapit na sa'yo. Mabilis na pintig ng puso nang may kaba at sabik at tuwa at pawis at ngiti at lahat-lahat na. Wala naman kasi tayong alam sa ganyan kahit na alam nating gusto natin yan. Ikaw lang yung nilapitan. Ininterview ka saglit. Ikaw lang yung hinila at ininterview. Hindi ko alam kung anong pinag-usapan niyo. Hindi ko na rin alam kung ano yung mga sinabi mo.

Kinabukasan, nakatanggap ako ng text message that we needed to disband. Well, why the fuck? Sobrang bilis lang ng mga pangyayari. Ano 'yon? Hindi porket madaling palitan ang gitarista, bahista at tambol e ganon na lang? Oo, ikaw yung nagcompose ng lahat mga kanta natin. Ikaw sa kanta. Yun lang siguro yung binibili ng tao. We should start a band my ass. Ang nakakairita lang sa ngayon, yung we at yung band. Bullshit. Ano ka, hermit crab? Baka siguro kasi, nasilaw ka. Or not. Puwede ring malaki yung kumpiyansa mo sa sarili mo at feeling ko naman may edge ka talaga sa pagbuo ng banda natin, ng una mong banda, sa pagbuo talaga ng banda. Pero still, WTF pa rin. Matagal kong makakalimutan yung ganito. Mabilis lang yung mga pangyayari, kaya mabilis ko na ring isinalaysay. Nahawa tila ako sa katangahan mo.

No comments: