11 Galit na galit ka e inggit ka namang gusto mo ring sumali. Kaya mo ako binigyan ng number. Ano pa bang maaaring sabihin ko sa'yo? Kahit na madalas naman tayong magkasama. Kahit na parati naman tayong magkausap. Kahit na mahirap dumaan ang isang araw nang hindi nag-uusap kahit katiting lamang. Sinubukan na natin yun dati 'di ba? Bakit ganon? Sanayan lang siguro e no? Sanay naman na tayong kung anu-ano na lang ang pag-usapan natin. Alam mo ba dati, talagang nag-iisip ako ng listahan ng mga maaaring paksa ng ating mga pag-uusapan. Para bang obligado ako bilang lalaki na paandarin lang nang paandarin yung convo natin. Mapatext, chat, live. Kinakabahan ako dati sa dead silence habang magkatabi tayo. Nagulat lang ako na mas madaldal ka pala sa akin. Hindi tulad ng kapag nag-aapply ka sa isang org, kailangan, nakaready na talaga lahat. O kaya dapat, napakatalentado mong interviewer slash thinker / entertainer. Ikaw yung mas nag-oopen, ako yung mas nakikinig. Noong elementary naman kasi, pansin ko namang mas maingay ako sa'yo. Pansin ko ring mas tahimik ka sa karamihan ng mga babae. Ang alam ko nga, minsan lang kitang makausap ni marinig ang boses mo noong elementary pa tayo. Magic nga yung madalas na kitang marinig. Naririnig kong madalas yung boses mo sa isipan ko. Naririnig ko yung boses mo sa chat, sa text. Madaling maalala yung boses mo. Nakakamiss. Kapag may namimiss kang tao, alalahanin mo lang yung boses niya, medyo makakaraos ka na.
Kung dati, kinakabahan akong wala akong masasabi, ngayon e obvious nang sasaluhin mo lahat ng kuwento. Alam mo namang hindi ako makuwento pero kaya ko namang magpatagal ng usapan kapag interesante. Pero kapag walang nagsasalita, doon ko napansing mas gusto ko rin yung mga ganoong uri ng silence paminsan-minsan. Mas hindi pala nakakakaba. Mas sincere. Wala kasing hiyaan. Nakaupo. Nakaharap sa maraming halaman. Sa isang halos halamanang lugar. Patapos na ang mga nagpapraktis ng sipaang-bola na mga babaeng varsity players. Unti-unti nang sumasara yung naglalakihan at nagtatangkaraang mga ilaw. Nakaharap sa damuhan, masimoy na hangin. Mga nag-iingay na 'di naman estudyante ng UP sa ilang mga puwesto. Mayroon ding mga naglalandian sa ilang mga bench sa harap. Nakaupo lang tayo. Mabagal-bagal na lilipad-lipad ang mga paisa-isa nang lumalabas na alitaptap. Titingin akong pansumandali sa langit. Maraming bituin. Mukha namang hindi uulan. Titingin pa ako sa ibang bahagi, maliwanag naman ngayon ang ilaw ng buwan. Kahit 'di na buksang muli yung mga streetlight na orange.
Mararamdaman ko yung yakap mo. Ipapatong mo na yung mga binti mo sa hita ko. Hahalikan mo ako sa kanang pisngi. Magpapakyut muli. Aamoy. Hahalik muli. Haharap ako sa'yo. Yayakapin ka rin. Titingin sa mga mata mong parati na lamang tumutunaw sa akin. Ilalapit ko yung ilong ko sa mukha mo. Sabay halik sa noo, sa ilong, sa labi. Masaya na ako noon. Titingin muli sa iyong mga mata. Hahalik nang panghuli sa pisngi. Hihigpit pa lalo ang yakap...
Alas diyes.
No comments:
Post a Comment