March 28, 2014

Poke

Andito ka na naman?! Andito ka na naman pala. Andito ka naman talaga e. Andito ka naman na. Medyo matagal ko na rin namang alam na tambayan mo na rin talaga rito. Minsan, hindi ko rin naman sukat akalaing tumatambay ka rito pero minsan din, iniisip ko rin namang tumatambay ka rito. Pero hindi ka naman yata talaga tambay, actually. Hindi ka naman kasi mukhang tambay, madalas. Pero ngayon, bakit mukha ka nang tambay? Nakakatawa kasi hindi naman ganyan yung hitsura mo dati. Dati, nakapantalon ka pa. Bakit? Tapos itatanong mo sa'kin, bakit, wala bang tambay na nagpapantalon? 

Kung saan-saan kasi ako nagpupupunta. Kung saan-saan kasi kami nagpupupunta. Tatambay naman na kasi nga kami ulit doon sa tapat ng maraming puno at kung anupamang tapunan ng yosi. Marami sila roon. Tapos, kaunti lang kami. Hindi ko rin naman ginustong makita ka. Actually, wala naman talaga akong pakialam. Ni hindi ko naman sinasadya, 'di ba? 

Naglalaro kami. Naglalaro lang yata ako. Hindi ko naman alam kung bakit hindi nagkakabanggaan yung mga bola. Lalagyan ko pa ba ng itim sa gitna? Baka parang tumutula na naman ako. Hindi ko rin naman inisip na uupo rin ako sa kuwadradong marami ring mapaaakong pagkagusto. Nakaupo lang naman ako roon at kunwari, kunwari lang, kunwari, kunwari. Sinubukan ko rin minsang magpakuha sa liwanag habang umaalon yung maliliit na alupihan sa ulo ko. Minsan, nagpapaalipin ako sa teknolohiya't kulay-pasimple para lamang makalikha ng nakapabundok na bibig ngunit napakacute na sandatang handang makipaglakbayan sa walastik na alaga. Mayroon na rin akong pagkakataong nagkumubli sa dilim at lampas sa dalawang kuwadradong pinalakpakan din naman ng mga tagapasunod, somehow. Pero hindi ko makalilimutan iyong mayroong dumapo sa aking bumbunang malaantenang bahagi ng isang nilalang na napakadaling mabighani sa napakapapayak na bagay. Siguro kasi, times three para sa kanya? Or times one point five? Nakakatamad nang isipin. Pero kaya ko naman yatang maisip yun. Pinatanyag kasi iyon sa tatlong dambuhalang mukha. Pinatanyag mo. 

Kunwari na lang, wala ka naman talaga diyan. Hindi ko rin naman alam kung bakit may iniisip pa rin akong kung anu-ano. Hindi ko talaga maisip kung bakit puro hindi na lang ang lumalabas sa isipan ko. Hindi ko maisip kung bakit ko pa iniisip ito. Tatayo na lang ako. Tatayo na lang kami. Magkasundo lang naman tayo. Magkasundo nga ba tayo? Magkakasundo tayo, balang araw, pakiramdam ko, at pakiramdam ko lang naman iyon. Makakasundo rin kita.

No comments: