July 29, 2015

Smoker's Lies

Gusto kita. Gustung-gusto kita. Actually, parang mahal na nga kita e. Biruin mo, bago ako lumabas ng bahay, mas ikaw pa yung aatupagin ng magagaspang ko nang mga labi, kaysa magsipilyo pa. Mas pinipili ko pang dumihan (sabi nila) ang sarili ko, para lang sa'yo. Minsan nga, may mga araw pang hindi talaga ako nakapagsipilyo at all pero hindi ako makapayag na lumubog siya hangga't 'di tayo nagkikita. Parati na lang ikaw. Kapag binubuksan ko yung wallet ko, higher priority ka pa kaysa sa pamasahe ko. Parati na lang ikaw. Kapag payatot na ulit yung wallet ko, mas iintindihin pa kita, kahit hindi na ako makakain! Nang isang buong araw! Parati na lang ikaw! Bago ako matulog? Alam mo ba? Ikaw ang parati kong huling nakasama! Nasa kama pa nga tayo minsan na hindi atin. Paggising ko naman, parati na lang ikaw yung gusto kong unahin. Kahit pa bad breath ako sa umaga, wala ka rin namang pakialam.

Adik ka na ba sa akin?

Maikling panahon pa lang naman ang nakalipas, bago talaga tayo unang nagkaalisan ng tensyon sa pagitan natin. Gusto na talaga kitang kilalanin noon, pero marami-rami na ring totoong tsismis na hindi mabuti ang mapapala ko sa'yo, na masama ka, at masasayang lamang ang pera ko, kasabay na rin ng aking napakahalagang oras. Hindi ko na rin naman na maibabalik ang kahapon. Wala na rin naman akong magaga-

Actually no.

Ibabalik ko nga pala muna ang kahapon. Wala rin akong magawa noon. Wala talaga e. Ayaw ko mang ginagamit na palusot pero nasa impluwensiyang malalim na ako ng alak noon at gusto na talaga kitang makilala. Alam kong pagagalitan ako ng girlfriend ko kapag nalaman niya pero... pero, Alkohol. Ang asshole, alam ko, pero may pinagsisisihan ba ako?

"Gusto mo?" tambad ng isa sa mga kaibigan mo.

Sinubukan kong hingin ka nang may hiya at curiosity. Binigay ka naman agad ng mga lasing mo ring kaibigan. Agad ka ring dumampi sa aking labi at... at... well, nagsimula na ang init. Noong simula'y gusto ko nang umayaw dahil hindi naman kita matantya pa sa sobrang biglaan naman kasi ng mga pangyayari.

"Hahaha! Okay ka lang? Okay lang 'yan. Ganyan lang talaga sa simula. Subukan mong sa bibig lang muna, bago mo ipasok nang tuluyan. Hindi mo kailangang magmadali..."

At iyon nga ang ginawa ko. At ginagawa ko sa'yo, magpahanggang sa ngayon. Parang naging astig na bonus tip pa nga ang hindi kita madaliin. Mabilis naman kasing nagsimula ang lahat. Nagmukha pa'kong tanga sa umpisa. Pero kahit na ganoon, tinapos pa rin natin.

Ang kaso, gusto ko na'tong tapusin, itong atin. Nahihirapan na akong gumising minsan, dahil mabigat sa pakiramdam. Alam kong mali ang ginagawa natin, at tayong dalawa ang may kasalanan, pero ako lang ang madedehado.

Sinasabi ko minsan, na minsan na lamang ako makikipagkita sa'yo (na sinisimulan ko naman nang maayos), pero umaabot pa rin tayo sa pagiging madalas. Minsan, kahit may sakit pa ako, at ikaw mismo ang dahilan, kusa pa rin akong lalapit sa'yo. Minsan, magtatakda na talaga ako ng oras para sa ating dalawa pero maging sarili ko, hindi ko na rin masunod.

Adik na ba'ko sa'yo?

Ayaw ko na rin munang isipin. Tsaka... matapos ko na lang din namang isulat 'tong hilakbot ko sa'yo'y, unti-unti ka na namang lumalapit sa aking labi.




Well, shit.

No comments: